Happy Ending

Ito ang pinakamasayang araw ko. Matapos ang apat na taong pakikipaglokohan sakin ni Eloisa, napagpasyahan nya na ding iwan ako. Nalungkot din naman ako, pero lately na-realized ko na sayang naman ang lungkot na sana’y sa telenovela ko nalang ibinuhos. Akala nya naman iiyak ako noong sabihin nyang si Mark ang totoong mahal nya. Halata na naman yun! Akala siguro nila hindi ko pansin ang malagkit nilang pagtititigan, sa tuwing iiwan ko sila sa pantry para kumuha ng kape sa vending machine. Sinasadya ko yun, para ma-enjoy naman nila ang sarap ng mga nakaw na sandali. Apektado pa ako noong una eh, pero nung nagtagal halos itulak ko pa sya papalapit kay Mark. Kunwari hindi ko sadya. Nakuha pang magalit ng malditang babae, pero hayop naman ang ngiti nung nagtama ang kanilang mga pisngi.

Marami pa daw pwedeng magmahal sakin. Wika nya noong hinatid ko sa bahay nila ang life size na kahong punong puno ng mga sulat nya. Medyo mabigat din yun ha! At ang pamasahe medyo masakit din sa bulsa, kasi isipin mo Quezon City ako tapos taga Las Pinas pa sya. Lugi din ako ha! Kaya nga hindi ko sinauli yung regalo nyang PSP at G-Shock sakin noong first and second anniversary namin. Pinalitan ko nalang yung wallpaper ng picture ni Belle ng Twilight. Binura ko na din yung mga video naming alam mo na. Tipong sweet! Nakaka-irita lang i-playback. Hindi ako bitter. Ayoko lang ng scripted na pag-ibig.

Pinuntahan ko yung parke kung saan una ko syang nakilala. Hindi para mag-emo. Gusto ko lang burahin yung mga vandals naming doon sa upuan. Baka kasi mapasyal sila doon. Seloso daw yung lalaki, mahirap nang pagmulan ng pag-aaway nila. Kumain ako sa restaurant na madalas naming kinakainan sa tuwing bonding day namin. Inorder ko yung paborito nyang lasagna. Hindi naman pala masarap! Naalala ko tuloy ang nakakapeke nyang ngiti habang nginunguya ang lasagna, kaya naman pala panay tubig kada subo. Naligaw din ako sa music bar sa isang local mall, kapag overload ang trabaho sa opisina doon kami nagpapalipas ng stress. Paborito nya ang rnb. Hilig ko naman ang novelty. Korni ko nga daw eh! Hindi nya alam halos kabagin ako kakapigil ng tawa, nung sinilip ko mga soundtrack sa ipod nya. Willie Revillame! Sinong mas korni samin?

Nag-resign na din ako sa trabaho. Mahirap nang sila ni Mark ang nakikita ko araw-araw. Mababa din naman ang sweldo ko doon. Sabagay sana’y naman sya sa mga turo turo. Porket paborito ni Mark ang amoeba at cholera, paborito nya na din. Hindi nya lang alam mas mababa pa sahod sakin nung lalaki. Mukha lang mapera kasi radiant skin. Hindi ako affected talaga! Sobrang saya ko nga eh! Iba ang kasiyahan na bitbit ng pagiging single. Walang monthsary. Walang anniversary. Walang special day na kailangan tandaan. Walang kalendaryong dapat markahan. Walang paggagastusan. Walang problemang dapat pagtalunan. Walang pipilit sayong i-text sya ng good morning, at I love you pagdating ng evening. Walang expensive na flowers and chocolates tuwing valentines. Walang romantic dates. At walang heartaches! Happy akong maging single. Jologs lang yung umiiwas sa pagiging SMP. Malamig daw ang pasko kapag walang kayakap. Sus! Human pillow lang ang hanap mo at hindi karelasyon tuwing magpapasko.

Ito ang pinakamasayang araw ko. Akala siguro ni Eloisa hahabulin ko sya, at magmamaka-awa sa harap nya. Never! Hinding hindi nya na ako maloloko. Sa katunayan nga habang nag-iisa ako sa loob ng madilim na kwarto, sinisigurado kong matibay ang pundasyon ng kisame, baka kasi bumigay dahil nadagdagan na naman yata ang timbang ko. Medyo napadalas kasi sa beer noong isang linggo. Naghihintay din yung mga pesticide na nakapila sa harap ko. Binasa ko pa kasi kung anong magiging epekto kapag dumaan na sa bituka ko. Ayoko namang magmukhang over boiled na kamote sa loob ng ataol. Baka imbes na mag-iyakan sila ay maghalakhakan pa. Nagback-out din pala ako sa mga batangas blades na ipina-ship ko pa, inisip ko kasi na mahihirapan pa ang embalsamador sa pagdudugtong ng ulo at katawan ko. Baka humingi pa ng dagdag na bayad, magkakautang pa ako. Cute din sana yung pagpigil ng paghinga, parang nagpa-pouting ka lang tulad ng mga koreana. Ang dami kong plano ngayong single na ako. Sigurado hinding hindi nya na ako maiisahan o maloloko. Never Eloisa! Never!


-End


3 comment/s:

starbuko1234 said...

ahaha

Amphie said...

hehehe!

Third said...

wahaha..
emong bitter,nice one sir!!

Post a Comment