Andy

Malaking ngiti ang salubong ko sa mga aplikanteng nakapila para sa job interview. Dagdag pogi points ang pakikipag-unahan sa call time, kaya kahit ang usok ng mainit na pandesal ay hindi ko na nagawang tikman. Napakagandang balita ang pagkakatanggap ko sa trabaho para kay Inay, at siguradong bangka na naman si kwentuhan itong si Itay.

Isa na yata sa magandang regalo sa mga magulang ang makita ang kanilang anak, na makatapos ng pag-aaral at may matinong trabahong papasukan. Hindi ko sila binigo. May diploma akong dadalhin kahit saan, at may matinong trabahong nakahandang pasukan.

"Bayad ho!" iritable ang aking boses habang iniaabot ang bayad sa driver. Hindi na bago ang pakikipagsisiksikan sa pampasaherong jeep kapag lunes, kaya hindi na din bago kung mangamoy pawis ka man pagbaba.

"Bayad din po, pakiabot!" pakikisuyo ng babaeng nasa kaliwa ko.

Natigilan ako sa pag-abot ng kanyang bayad ng mamukaan ko kung sino. Ganoon din sya. Pilit kong hinuhuli ang kanyang mga mata, ngunit mailap iyon. Wala akong ideya kung natatandaan nya pa ako, o sinasadya nyang hindi ako pansinin. Kahit pa magkatabi kami dumaan lang ang ilang minuto na ni isang salita ay walang lumabas sa aking bibig.

"Para po!" maagap nyang tugon, kahit pa alam kong malayo pa ang kanyang bababaan. May kung anong bagay na tumulak sa akin para sundan sya.

"Andy!" sigaw ko habang tumatakbo.

"Hindi na dapat kita susundan, kaso parang hindi naman tayo magkakilala nyan.."

"Malayo ka pa di ba? Sayang ang pamasahe, bakit ka pa bumaba?" diretso pa din ang paa nya sa paglakad, at halata ang pagmamadali. Kahit isang lingon ay wala syang isinukli.

"Gusto lang kitang kamustahin, biglaan kasi ang pagkawala mo noong huling taon sa kolehiyo. Hindi ko alam kung na-traffic ang balita, o talagang mahina ang signal kaya hindi nakarating sa aming mga kaibigan mo.." pagbibiro ko.

"Mahabang kwento. Hindi sapat ang byahe hanggang sa ending.."

"Hindi ka pa din nagbago. Seryoso na sana ako kaso nagbiro ka"

"No, I'm serious!" mabilis nyang sagot.

"Kailangan kong huminto. Kailangan ko ng trabaho.."

Trabaho? Hindi ko magawang maniwala sa sagot nya. Maganda at may sinasabi ang propesiyon ng kanyang mga magulang, at may sapat na kita para makatapos sya ng pag-aaral. Nasa ibang bansa din ang kanyang mga kapatid at tiyahin. Scholar ako samantalang sya fully paid ang matrikula. Kung makakatapos sya, pwede na lang i-display ang diploma nya sa facebook wall nya.

"Doon ka pa din ba nakatira? Hatid na kita!"

"Lumipat na kami!"

"Hindi nga? E bakit yun pa din ang daan?"

"Sa ating dalawa ikaw ang hindi nagbago. Pilosopo at laging may pinupunto" nakangiti nyang sabi.

Sa lahat ng kaibigan si Andy ang hindi pwedeng makalimutan. Pwede ko syang ihanay kay Bert, laging naka-smile at palatawa. Madali syang pangitiin, kahit makipagtitigan ka lang tatawa na sya. Kapag malungkot naman, kahit simpleng lambing lang okay na sya kaagad.

Sinabayan ko sya hanggang makarating kami sa kanila. Hindi na pamilyar sa akin ang lugar. Marami nang nagbago mula noong huling beses na nakarating ako. Balita din na napalitan na ang alkalde, kaya ang palatandaan kong banner ay nawala. Ang mga tambay nalang na laging laman ng kalsada ang hindi nawala sa eksena.

"Alam mo namiss kong maka-kwentuhan ka, makasama sa kulitan, makabonding. Kaya sobra ang lungkot ko nang biglang nawala ka" bulong ko.

"Namiss din naman kita. Kung pwede lang sanang bumalik ginawa ko na. Ayoko din naman na nag-iisa"

"Pwede naman! Matutuwa ang barkada kapag nalaman nila.."

"Hindi na maari Rey!" nalungkot ako sa sagot nya. Hula ko na may malaking problema syang dinadala.

"Kilala kita! Defensive ka kapag may tinatago. Magsabi ka na, makikinig ako. Alam mo namang yan ang papel ko sa ating dalawa."

"Nabuntis ako sa huling lalaking minahal ko.."

Bumagsak ang balikat ko sa siniwalat nya. Tulad ko at ng karamihan, meron din mga pangarap si Andy. Madalas nyang ikwento sa akin yun noon. Gusto nyang makatapos at maipagmalaki din ng kanyang mga magulang. Simple pero malaman na hangarin sa buhay. Pero sa isang iglap nasira yun ng dahil sa mapupusok na sandali. Lobong pumutok bago pa makarating ng langit na maituturing ang kanyang pangarap.

Naubusan ako ng jokes sa nalaman ko. Lungkot at buntong hininga ang pumagitna sa aming usapan. Pinilit kong maglagay ng ngiti sa sariling labi. Hindi man sapat umaasa ako na mapapagaan ko ang loob nya. Ginulo ng aking kamay ang nakasimangot nyang mukha. Madalas kong gawin iyon sa kanya sa tuwing humahaba ang nguso nya. Effective din. Napangiti ko sya.

"Bakit hindi ka nagsabi?"

"Mahal ko kasi sya. Ayokong masira ang mga pangarap nya. Kasalanan ko din naman ang lahat kaya walang dapat pagsisihan"

"Hindi mo ba inisip na baka kailangan mo sya?"

"Naroon na ako. Kaso sa tuwing nakikita kong nakangiti sya nawawalan ako ng lakas ng loob"

"Sa tingin mo mahal ka ba nya?"

"Hindi ako umaasa. Pero yun ang nais ko. Yun ang pangarap ko.."

Niyakap ko sya. Pinaramdam ko sa kanyang hindi sya nag-iisa. Ang pagkabigo sa isang hangarin sa buhay, ay hindi sapat na dahilan para hindi ipagpatuloy ang nasimulan. Tulad ko at tulad ng karamihan may pangarap din si Andy, pero hindi ko inaasahang ang pangarap nya ay mas matamis pa kesa sa pangarap ko.

"Sya nga pala! Natanggap ako sa inapplayan ko!"

"Manlibre ka!"

"Sure! Basta kasama si.."

"Andrew. Andrew pangalan nya.."

"Pwede ko ba syang makita?"

"Hindi ka maniniwala pero.."

"..marami syang namana sayo!"

-End

0 comment/s:

Post a Comment