Kumpisal

(image credit sa masipag na uploader)

Namangha si Bryan sa napakalaking espasyong sumalubong sa kanya, matapos buksan ang malaking pintong tumambad sa harap nya. Hindi makapaniwala ang kanyang mga mata sa ganda ng silid. Hindi rin alam kung paano ilalagay sa salita ang pagkamangha sa nakaka-akit na kwarto.

"Tao po!!" um-echo pa ang kanyang tinig.

"Oh! Nandyan kana pala! Halika dito.. Kanina pa ko naghihintay" excited na sagot nang lalaking naka-leather jacket, faded jeans, at pwedeng deadly weapon na sapatos, dahil sa sobrang tulis.

Nakaupo ito sa itim na swing chair.

"Saang magazine ba ilalabas 'to?" nagtatakang tanong ni Bryan.

"Ano 'to pictorial?" natatawang sagot ng lalaki.

"Oh, eh anong ginagawa ko dito?"

"Ano nga bang ginagawa mo dito?" balik tanong ng lalaki.

Nag-isip ng malalim si Bryan. Tila hinuhukay ang kanyang isipan at hinahanap ang dahilan kung bakit puti ang kulay ng buong kwarto.

Tumakbo sya sa isang sulok. Curious. Kinapa ng kanyang kamay ang ding-ding. Laking gulat ng ito'y tumagos. Nanglaki ang kanyang mata, na parang first time lang makapanood ng pelikula ni Osang.

"Patay na ba ko?! Nasa langit ako?"

"Anong palagay mo sa langit funeral parlor? Tambayan ng mga pumanaw?" malakas ang tawa ng lalaki.

"Ang langit hindi lang para sa mga namatay, o biktima ng PNP"

"Na-salvage ako?! Syet! Syet!" naiinis na wika ni Bryan.

"Ay, engot! Nasaan ka ba nang naglibot si Santa, para mamigay ng sense of humor?"

"Si Santa? fictional character lang yun di'ba?"

"Engot ka talaga! Noon pa man si Santa na taga bitbit ng mga characteristics ng mga tao, bago pa sila isilang sa mundo.."

"Eh 'di ba si Santa ang nagbibigay ng mga regalo tuwing bisperas ng pasko?" nagtatakang tanong ulit ni Bryan.

"Sideline nya lang yun! Iniwan na din, kasi maraming kakumpitensyang mga parents.."

"Ahh.. Uy! Bakit ka nagmumura? Bawal sa langit yan!"

"Yung engot? Anong masama dun? Sa lupa nga merong PI, G, BS, AH, TS, F, FS, at kung anu-ano pang syet! Hahaha!"

"Hahaha! Kewl!"

"Hindi naman tulad ng school ang langit. Ewan ko ba bakit big deal sa lupa, eh expression lang ng tao yun.."

"Pinagbabawal ng simbahang katoliko yan. Way yan para makasakit ka ng damdamin ng tao" paliwanag ni Bryan.

"Pasok sa demoksarya yan! Mismong mga pari nga napapamura, kapag may hindi sila gusto sa ginagawa ng gobyerno.. May kilala kong ganyan.. Hehehe!"

Natahimik si Bryan. Napatitig sa kawalan.

"Alam mo na ba kung bakit ka nandito?" muling wika ng lalaki.

"Patay na ba talaga ko?"

"Wala ka bang natatandaan?"

"Pumasok lang ako sa isang silid, tapos..  tapos.." bahagyang nag-isip si Bryan. Pilit inaalala kung anong nangyari sa kanya.

"Okay. Nandito kana din, at hindi mo alam kung bakit. Tatanungin na lang kita ng ilang bagay.. Parang job interview lang para masaya." nakangiting wika ng lalaki.

"..."

"Anong pangarap mo? Yung dream ba.. Hehehe!"

"Slum book? Hahaha!"

"Seryoso!"

"Okay okay! Gusto kong maging artista!" seryosong sagot ni Bryan. Tinapunan sya ng sarkastikong tingin ng kausap.

"Bakit?"

"To be specific, gusto ko comedian. Gusto kong magpangiti at magpatawa ng mga tao.."

"So bakit hindi mo tinupad?"

"Huh?! So hindi ako komedyante sa lupa? Hmm.."

"Sagutin mo muna tanong ko!"

"Kasi kulang ako sa sense of humor?"

"Hahahaha! Pwede ka ngang komedyante!"

"Next question. Anong kasalanam ang pinakamabigat mong ginawa?"

"Marami!"

"Honest ha! Yung pinaka worst lang.."

"Ay! Nakakahiya yun eh!"

"Hindi naman ipapalabas sa The Buzz 'to, tsaka ayaw ko din kay Boy Abunda.. Chismosa! Hahaha!"

"Nakipag flirt ako sa babae.."

"Yun lang? Ano ka santo? Bawal lumandi?"

"Hindi! Hindi sya basta flirt.. Ano kasi eh.." pag-aalinlangan ni Bryan.

"Ano nga? Wala naman makaka-alam.. Tayo lang.." bulong ng lalaki. Halata ang pagiging interesado.

Hindi alam ni Bryan kung paano nya sasabihin. Napapakamot pa ito at nabubulol sa pagsasalita.

"Syota ko sya.. Palihim lang kasi natatakot pa kaming ipaalam"

Naging mas interesante ang lalaki. Nakuha pang ayusin ang pagkakaupo, para maging kumportable. Bumunot ng yosi sa kaliwang bulsa ng jacket at saka sinindihan.

"A-ahh.. Nagkaroon kasi ng aksidente. Alam mo na yung ano.."

"Ano?"

"Mainit kasi panahon nun. Hindi ko naman sadyang mayakap sya. Ang totoo kasi natalisod ako.."

"Uy! Alam ko yan! Alam ko na kasunod nyan! Putol ng lalaki.

Napangiti silang pareho. Alam ng isa't isa na tugma ang kanilang iniisip. Nakahinga ng maluwang si Bryan. Para bang tinik ng dinosaur ang nahugot sa kanyang lalamunan.

"Hindi ko pinanagutan! Natakot kasi ako.. Hahahaha!"

"At pagtawa lang iyong kasagutan sa problema? Tao nga naman. Kapag may gusot sa laylayan ng damit, gusto palaging i-tucked in"

Natahimik si Bryan. Nawalan ng gana tumawa.

"Next question. Ano sa tingin mo pinakamabuti mong nagawa sa lupa?"

"Ang hirap naman yan!" angal agad ng kausap.

"Hehehe! Mahirap talaga kasi bihira kayo gumawa ng kabutihan sa lupa.."

"Sige, yung tumulong nalang ako para pigilan ang pagpapatupad sa RH Bill.." nakangising sagot ni Bryan.

"Yun lang?!"

"Anong yun lang? Tumulong ako sa ipinaglalaban ng simbahan. Importanteng usapin ang pagpapatupad ng batas na yun sa bansa!"

"So anong mabuti dun?"

"Nakatulong ako sa simbahan! Hehehe!"

"Nonsense.. Kung pagsagip sa nalulunod na pusa, kinakatay na aso, nasusunog na sinaing ng kapitbahay, o pagiging whistle blower sa mga katiwalian ng mga pulitikong sanga-sanga ang sungay mas counted pa yun sa category ng kabutihan. Habang nakikipag-usap ako sayo ngayon, meron na namang taong biktima ng bawal na gamot. Lulong! Adik! Ubos ang oras ng tao sa pakikipagtalo kung ipapasa ang ganyang batas o hindi. Pwede namang mag condom! Disiplina ang kailangan, at hindi bangayan kung nanggaling ba ang tao sa unggoy o alikabok"

"Okay! Yung tinulungan ko nalang tumawid yung matanda!"

"Good! Counted yan! Hahaha!"

Napuno ng tawanan ang silid. Katahimikan. Tawanan. Katahimikan.

"Favorite color?"

"Huh?"

"Paboritong kulay!"

"Ah-eh ivory!"

"Motto in life?"

"One good deed per day!"

"Paboritong artista sa Kapuso?"

"Kasali pa ba yun?!"

"Hindi! Nakakatuwa ka kasi ang hilig mo sumakay.. Hahaha! Kaya siguro nabuo.."

"Hehehe!"

"3 out of 3.. Pasado ka sa evaluation. Congrats!" wika ng lalaki.

"Evaluation?"

"Oo! Akala mo exam lang sa high school ha! Hehehe!" natatawang sagot ng lalaki.

"Babalik na ko sa lupa?"

"Oo! Pero hindi mo ba itatanong kung bakit ka nakapasa, o bakit ka nandito?"

"Bakit nga ba?" nalilitong tanong ni Bryan.

"Kasi walang kwenta mga sagot mo! Tulad ng mga ginawa mo sa lupa.."

"Huh?" naguguluhang sagot ni Bryan.

"Biro lang! Pagiging tapat lang ang tinitignan namin dito.. Naging tapat ka naman sa mga sagot mo, yun nga lang talagang nonsense.. hahaha!"

"Handa ka nang bumalik sa lupa?"

"Syempre!" masigla at mabilis na sagot ni Bryan.

"Paglabas mo ng pinto, diretso ka kaliwa. May hagdan sa dulo. Huwag kang papasok sa last door ha!"

"Bakit? Anong meron dun?"

"Reserved room yun para sa paparating na dating pangulo hehehe!"

Akma nang bubuksan ni Bryan ang pinto, ngunit bigla itong napahinto. Para bang may nakalimutan syang itanong sa kausap. Muli nya 'tong nilingon. Naroon pa din ang lalaki. Abala sa pagtetext.

"Diyos ka ba?" diretsahang tanong ni Bryan.

"Diyos?! Hahaha! Action star ako!" nakangising sagot ng lalaki.

"Kung hindi. Wala ako sa langit 'di ba?"

"Bakit ka interesado sa langit? Hindi mo pa naman oras"

"Ibig mong sabihin hindi ako nadisgrasya, na-salvage, o nagsuicide?"

"Hindi! Nandito ka para magkumpisal.."

"Kumpisal?!"

"Oo. Huwag ka nang masyadong matanong! Bago ka pumunta dito, binubura namin ang ala-ala mo. Pero sa pagbalik mo dala mo ang nangyari o pinag-usapan natin sa kwartong 'to"

"May kasalanan lang ang nagkukumpisal. Humihingi ng kapatawaran sa mga nagawa, at naghahanap ng gabay.." paliwanag ni Bryan. Hindi magawang maniwala sa sinasabi ng lalaki.

Tumayo ang lalaki. Ilang hakbang ang tinahak para lapitan si Bryan.

"Mula dito. Naririnig ko ang tinig ng paparating na bagong salta sa mundo. Malungkot at may halong takot. Hindi pa huli ang lahat! Bumaba ka para plantsahin ang gusto sa laylayan ng damit mo"

Tinulak ng lalaki si Bryan papalabas ng pinto. Kahit anong gawin ng nauna, hindi nito magawa pang buksan ulit. Kinabahan sya. Hindi nya alam kung anong naghihintay sa kanya pagbalik nya sa lupa. Tumulo ang malamig at butil-butil na pawis mula sa kanyang noo.

Sa muling pagkurap ng kanyang mata, sa isang maliit na silid sya nagising. Sakto lang ang munting silid sa kanyang katawan. Napabuntong hininga sya at napangiti.

"Panaginip?" bulong nya sa sarili.

May bahagyang paggalaw na naka-agaw ng kanyang atensyon. Naging kaluskos. Maya-maya pa'y sinundan na ng sunod-sunod na hikbi. Ilang minuto pa't naging mahinang iyak na.

"Father.. Buntis ako.." pamilyar ang boses.

"Bea?!"


-End

3 comment/s:

Pink Line said...

aaw si Bryan ay si father at si Bea ang nabuntis nya?!

asan ang update ng one morning of july? hehe sensya na excited lang :)

Amphie said...

exactly! :D yung update nung series tska nalang :P

Mafe Sumampong Garcia said...

awts si pader.. tsk! tsk!

Post a Comment