One Morning of July - 6

(Ang imahe ay mula sa malikhaing isip at kamay ni Melala)

***

"What's next?"

Kung race track lang ang isip ko, siguro hugis oval na ang ulo ko. Paulit ulit ang takbo ng tanong nya sa isip ko. Sa totoo lang naisip ko na ang mga possible na sagot, kaso nahihirapan ang utak kong i-evaluate kung ano ang mas maganda. Sa tipo nya, kailangang hindi magmukhang nilalakong daga ang mga sinasabi ko, kahit dinadaga na ang dibdib ko. Ano nga bang kasunod sa pagbibigay ng bulaklak? Hindi ba pwedeng sabihing gumagawa ka lang ng tulay o nag-i-invest? Ayoko nang mag-isip. Time's up!

"Ayan na yung order!" paglilihis ko ng usapan. Nang lingunin nya, agad kong ipinatong sa table ang bulaklak.

Prente! Walang kakaba-kaba! Napangiti sya nang mapansin iyon. Pasimpleng tinitignan ng kanyang mga mata, kahit alam kong ayaw nyang pansinin. Ilang saglit pa nakarating na sa table namin ang order. Umuusok ang soup na kung hindi nilagyan ng brocolli ay halos walang pinagkaiba sa soup ni nanay.

"Magkano yan?" tugon nya sa bulaklak.

"Hindi naman kita sisingilin" maagap kong sagot.

"Oh sige! Para saan nalang yan?"

"Para sayo. Bawal ka bang bigyan ng regalo?"

"Noel, ang gift nakabalot"

"Na-surprise ka naman 'di ba? Parehas lang ng pakiramdam yun!" biro ko.

"Bakit kailangang i-surprise?"

"Para magulat ka!"

"Hindi pa ba sapat yung nagising akong kasama ka?" manipis ang kanyang bilugang mata.

"Uyy! Binabalik talaga!"

Nagbago ang ihip ng hangin. Wala naman akong nabalitaang sasama ang panahon bago ako umalis ng bahay, kaya nakakapagtakang seryoso pa sa may diarrhea ang mukha nya. Dagdag pa ang suot nyang eyeglasses na tinalo pa ang pagkataray ni Ms. Ramirez, tuwing magle-lecture ng life cycle ng ipis. Nakakapanibago. Kung may problema siguro hindi naman ang brocolli soup.

"Saan tayo after nito?" biglaang tanong nya. Muntik ko nang maitaktak ang asin sa juice sa sobrang gulat.

"Ikaw! Saan ba trip mo? Maaga pa naman" nakangiti kong sagot.

"Bakit ganyan ang ngiti mo?" angat ang kaliwa nyang kilay. "Gusto kong maglakad-lakad.."

Minsan iniisip ko kung biktima ba sya ng CAT officers na mahilig mag power trip noong high school. Mag-martsa kasi ang hobby nya. Hindi na siguro kailangang utuin sya para mag jay walking. Wala namang magagawa. Hindi pa naman basa ang panyo ko. May bakante pa para sa pawis.

Nagkaroon pa ng kaunting conversation bago namin iwan ang restaurant. Simpleng usap lang. Yung tipong magkumare lang na ginagawang piknik ang chismisan. May mga pagkakataong tila wala sya sa sarili. Napapatulala nalang sya bigla, ibabalik nalang ang atensyon sa akin kapag tapos na yung mga kwento kong mas interesante pa ang buhay ni Sarah Balabagan.

"Saan na tayo?" tanong ko.

"Kahit saan! Gusto kong maglibang. Boring na kasi ang buhay.." mababaw ang kanyang tinig.

"May problema ba? Kanina ka pa mukhang constipated"

Huminto sya ng hakbang. Sinukat yata ang height ko dahil sa titig nyang mula ulo hanggang tip toe. Ngumiti ng pilit, at naglakad ulit. Ang weird! Pinipilit kong sumakay sa trip nya, pero hindi ko makuha ang tama ng tinira nya. Nilalaro pa ang bawat hakbang. Sikreto nalang akong napapangiti sa ginagawa nya.

"Naniniwala ka bang pabago-bago ang isip ng babae?" biglaan nyang tanong na parang binunot lang sa fish bowl.

"Sasagutin ko yan sa next life ko. Wala kasing palatandaan na naging babae ako sa past life ko"

"Based sa experience lang! Yung mga naging girlfriend mo.. Meron ba?"

"Oo naman!" mayabang kong sagot.

"Oh, meron ba sa kanilang ganun?"

"No offense! Pero moody talaga ang babae e! Minsan hindi ko sila maintindihan. Kapag badtrip sila ayaw nilang kinakausap. Kapag okay na, naghahanap naman ng ikaka-badtrip. Malas ng boyfriend kapag sila ang target"

"Kunyari ako ang girlfriend mo.."

Humaba tenga ko sa narinig. Kung walang kunyari baka umabot na sa batok ang ngiti ko. Tumalikod muna ko para ilabas na lahat ng ngiti bago muling humarap sa kanya. Umubo kahit wala namang laman. Masabi lang na may pagka-brusko ang tinig.

"Kung ikaw ang girlfriend ko? Okay lang! Hindi naman ako mapagpatol e!"

Seryoso ang sagot ko. Walang joke doon. Pero sa lakas ng tawa nya, pinaparamdam nyang pwede akong komedyanteng hindi nakakatawa. Tumahimik na ko bago pa ko mainis at maisipag ipasok sya sa sarili nyang bibig. Nangingilid na ang luha sa kanyang mata, tuloy pa din. Maya-maya pa tumahimik. Naubusan yata ng hangin.

"You're funny!" bwelo lang pala. "Sorry ha! Nakakatawa ka kasi!" dugtong pa nya.

Mukha na kong tanga pero okay pa din. Daig ko pa yung mga artistang hinahampas ng dyaryo sa ulo, kapag sablay ang sagot sa main cast. Pero tulad ng sabi ko.. Okay lang! Napatawa ko sya. Napasayaw ko ang tonsil nya. Bonus siguro kung kakabagin sya.

"Tara na nga!" wika nya sabay angkla sa braso ko.

"Saan?" pigil ko.

"Napatawa mo ako e, so ikaw ang masusunod kung saan"

May bahagyang pagpatak ng tubig sa pisngi ko, akala ko laway lang ng kausap ko. Hindi marunong makisama ang panahon. Ayaw din yata sa sagot ko. Hinila ko sya sa malapit na masisilungan. Lumakas ang patak ng ulan, bago kami makapagtago. Stranded kami sa isang bus shed. Bwisit! Nabasa pa polo ko. Hindi pa din nawala sa mukha nya ang ngiti. Nakakainis, pero nakakatuwang pagmasdan.

"Mahina ka kasi sa taas e!" natatawa nyang sabi habang nagpapagpag ng nabasang mangas.

"Malas ka lang yata siguro.." mahinang bulong ko.

"Narinig ko yun!" susuntok pa sana sa braso ko, pero mabilis akong nakaiwas.

"Lakas daw kasi ng tawa mo! Para daw pulitikong nanalo" pang-aasar ko pa.

"Eh sa nakakatawa naman kasi ang sagot mo!"

"Ano bang nakakatawa dun? Seryoso naman ako.."

"Yun nga ang nakakatawa dun!" sinundan pa ng sunod-sunod na tawa na hindi naman lalakas sa galit ng panahon.

Natigil lang ang kulitan nang humangin ng malakas. Linsiyak! Mukhang hindi magandang pangitain ang bitbit na lamig. Hindi pa naman ako masunurin sa nanay kapag sinasabihan akong laging magdala ng payong.

Paglingon ko nasa isang sulok na si July. Iniiwas ang sarili sa nanghahabol na patak ng ulan. Nakakawiling pagmasdan sya na parang batang takot sa kulog at kidlat. Tinabihan ko sya. Hinarang ko ang sarili, para hindi sya mabasa ng tubig na bitbit ng hangin.

"Ang sweet naman.. Hindi lang halata sa mukha.." bulong nya sa akin.

"Lamig no?" tugon ko. "Saan na tayo ngayon?"

Nagpasayaw-sayaw muna ang labi nya mula kanan hanggang kaliwang direksyon.

"Sa tingin mo masarap ang beer sa ganitong panahon?" nakangiti nyang sagot.

"What's next after ng beer?" alangan kong tanong. Hindi sya sumagot, bagkus ay isang nakaka-akit na ngiti lang ang sukli nya.

"Ano nga ulit sagot mo sa kung ikaw ang boyfriend ko?"


Mabilis pa kay Usain Bolt of Jamaica ang pangyayari. Kumurap lang yata ang naalala ko, tapos madilim na kwarto na ang kasunod. Sinarado ko ang pinto gamit ang kaliwang paa, huwag lang magkahiwalay ang aming labi. Hinubad ko ang basang polo, bago pa man bumagsak sa kama ang katawan ko. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari. Akala ko sa PGT lang uso ang expect the unexpected.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses kong binalikan ang kanyang labi. Baka kasi paggising ko hindi ko na maalala kung anong pakiramdam. Katawan na mismo ang kusang dumidikta ng mga mangyayari. Passive level 4 ang skill ko sa mga sandaling 'to. Hindi alintana kung anong mangyayari. Walang reaskyon, puno ng emosyon.

"Wait!"

"Bakit?"

Tinanggal nya ang suot nyang eyeglasses. Ipinatong ang magkabilang kamay sa aking batok, at saka hinila ako pabalik. Madilim ang kwarto. Malalalim na buntong hininga. Blangko na ang kasunod.

"Lead on.. to keep our feelings strong, and make me still believe."

Ginising ako ng alarm tone ng aking phone. Mataas na pala ang sikat ng araw. Sinakop na ng liwanag ang kalakihan ng bintana saking kwarto. Mabigat ang aking ulo. Dahan-dahan kong idinilat ang aking mata. Una ang kanan, at huli ang kaliwa.

"Ay! Syet!"

Bumalikwas ako, nang maalala kong iba na naman ang kanyang katauhan sa susunod na araw. Hinawi ko ang makapal na kumot na tumatakip sa aking katawan. Napahinto ako. Hindi kaagad ako nakapagsalita. Wala na si July.

Mabilis akong tumayo. Nag-ikot ako sa buong bahay. Walang iniwang bakas ang babaeng malakas tumawa sa seryosong sagot. Liban nalang sa bulaklak na aking ibinigay, na naabutan kong nakapatong sa ibabaw ng shoe cabinet.

"Weird.." natatawa kong bulong sa sarili.

----

"Kayo na?" bungad ni Nancy. Tumingin ako sa relos. Sa sobrang busy, hindi ko na namalayan ang oras. Hapon na pala.

"Anong kami na?"

"Ahh.. Hindi pa pala" tinapik nya ang balikat ko, tsaka nilapit ng kaunti ang kanyang bibig sa aking tenga.

"Nandito sya kaninang umaga.." bulong nya.

Napakunot noo ako. Gumising sya ng maaga para pumunta dito ng opisina? Kung si Mr. Reonico na kanyang ama, ang kanyang binisita ay hindi na nakakapagtaka. Hindi lang maalis sa isip ko na bakit parang hindi na sya nagulat ng magising syang ako ang kanyang katabi. Walang sinabi ang x-files sa misteryo ng kanyang pagkatao, o nasobrahan lang ako sa kaligayan kagabi.

"I think may importanteng lakad ang pamilya nila. Mukha kasing taga travel agency yung kasamang lalaki" dugtong nya pa.

"Nakuha mo pangalan?" usisa ko.

"Hindi eh! Tinawag kasi ako ni Ma'am Audrey" nakangiti nyang sagot. "Pero matangkad sya. Bilugan ang mukha, at gwapo"

"Parang ako?" biro ko.

"Ay! Oo! Hawig kayo" sagot nya habang nakatitig sa isang katrabahong hindi lalayo ang mukha sa mga kontrabida sa pelikula ni FPJ.

"Bagay kayo.." pang-aasar ko.

Nagkaroon pa kami ng kaunting pag-uusap bago sya umalis. Inilihis ko ang usapan para hindi madulas ang dila kong magkasama kami kagabi. Nang makahanap ng tiyempo pasimple akong pumasok sa opisina ni Mr. Reonico. Alam kong kapag ganung oras ay palaging nasa coffee shop sya kasama ng kanyang secretary.

Naghanap ako ng kahit anong bagay na may kaugnayan kay July. Kahit anong papeles na posibleng makakapagsabi ng katauhan nya. Nagbukas ako ng mga drawer, filling cabinet, at mga personal na gamit ni Mr. Reonico. Ngunit bigo. Larawan lang ni July ang naroon. Palabas na sana ako nang may bigla akong naalala.

Binalikan ko ang larawan na nakapatong sa table. Ilang ulit ko itong pinaikot-ikot sa aking kamay. Tinitigan kong mabuti.

"Kung ikaw ang boyfriend ko.."

Bumalik sa isip ko ang tanong nya.


-tbc

7 comment/s:

Anonymous said...

Love this story.... Uhhmmm... its good to be inLove!!!! Thanks",) no more boring nights since i come across your write ups..

Amphie said...

thanks for dropping by.. macarthur tayo ha!

born-san said...

bitin!!!! abang mode ulit :D

Amphie said...

saan ka ba nabitin? :naughty:

Pink Line said...

steamy ang chapter na to nakakadala chos..kabitin! hehehe...

amphie said...

salamat sa pagbisita! kapag bumabalik, nililibre ko ng kape :D

Jonel Espinosa Bobiles said...

dami kong tawa sa first part...ung steamy part medyo bitin nga! hehe

Post a Comment