Bahaghari

image credit to Art Project for Kids

Ang Love minsan parang bahaghari. Biglaang susulpot at mabibighani ka sa ganda, pero biglaan din maglalaho at madidismaya ka. Nakakainis isipin na kung kailan napukaw nya ang tahimik na ilog dyan sa puso mo, ay tsaka mo lang malalaman na hindi pala sya talaga para sayo. Badtrip no?

Si Miles ang dahilan kung paano ko nakilala ang Lemery, Batangas. Isa sya sa libo-libong tao na binibida ni Gloc sa kantang Sirena. Si Jay sa kantang Hey Jay ng Eheads. At ang tao sa likod ng kantang Ituloy Mo Lang ng Siakol. Isang malapit na kaibigan. Kung hindi dahil sa kanya siguro hindi ko din alam na may jeep ang buhay ng tao.

"Malapit na kami! As in malapit na!" si Miles habang kausap ang client sa phone.

Alam kong imposible ang sinasabi nyang malapit na dahil malinaw pa sa mga mata ko ang kahabaan ng EDSA. First time kong pupunta ng Batangas. Nakaka-excite na makakapunta ako sa isang parte ng pinas na dati'y sa lesson lang ng teacher ko naririnig.

Cavite, Tagaytay, Batangas! Sobrang na-enjoy ko ang pagtulog sa byahe. Ginising na lamang ako para bitbitin ang mga gamit namin. Bumulaga sa mga mata ko ang venue. Madaming tao. Lahat nakangiti. Lahat busy. At lahat ng pipinturahan ang mukha ay naghihintay na pala sa pagdating namin. Make-up artist si Miles. Ang bride at ang mga alipores nito sa altar ang syang kliyente ng kasama ko.

Naupo ako sa isang sulok ng katabing bahay. Doon kami naka-assign na mag-stay. Gabi ang kasalan at siguradong bukas pa ang byahe pabalik ng maynila. Alas kwatro ng hapon. Mahaba pa ang uubusin kong oras, pero ngayon pa lang nakakaramdam na ko ng pagka-boring.

"Nakakagutom ang byahe, kain ka muna!" tatanggi pa sana ako kaso inilapag na sa harap ko ang isang paper plate na may pagkaing mayaman sa cholesterol.

Magpapasalamat pa sana ko pero hindi na nangyari. Napako ang mga mata ko sa hitsura nya. Speechless. Love at first sight. Pakiramdam ko'y may rambol ang daga sa dibdib ko at butterfly sa stomach ko. All out clash!

"Teka miss!" mabilis kong habol.

Alam mo yung tipong lilingon ang isang babae sayo. At yung lipad ng buhok nya sa ere, pati ang inosente looks sa kanyang mukha? Tapos ang tanging masasabi mo ay..

"May tubig kayo?"

Walang joke sa sinabi ko, pero napangiti ko sya. Kinabahan ako kasi hindi ko alam kung paano susukli sa klase ng kanyang smile. Tsaka ko lang naalala na may tubig nga pala kahit saang parte ng pinas. Hindi ako mapakali. Malikot ang mga mata ko habang inaabangan ang kanyang pagbalik. Pilit hinahawi ng tingin ko ang mga taong nakaharang sa posibleng dadaanan nya pabalik sa pwesto ko.

Maya-maya pa'y nakita ko na sya. Bitbit ang isang basong tubig, maingat nya iyong inilapag sa maliit na mesa sa harap ko. Nagkatitigan kami. Mabilis lang pero parang slow. Naroon yung hype na parang first time mo lang sa prom.

"Melvin nga pala.."

"Karen.."

Kung iisiping maigi ang korni talaga ng pag-ibig. Kung wala yung magical na feeling na pino-produce ng dalawang tao siguro kahit korean drama ay hindi magiging mabenta. Naroon kasi yung mahusay na delivery kahit hindi totoo ang eksena. Hindi ko alam kung may fake o excited lang talaga ang pakiramdam ko. Yung tipong unang pili mo palang sa isang pyesa ng malaking puzzle ay alam mo ng fit yun. Alam kong weird, pero unang kita ko palang sa kanya alam ko ng mahal ko sya.

Lust at first sight? Love? Corny..

"Talaga?! Akala ko boyfriend ka nya." sinundan pa iyon ng malakas nyang tawa. Hindi daw sya kumbinsido sa friend relationship namin ni Miles. Mukha daw akong jowa.

"Eh, ikaw nasaan ang boyfriend mo?" tanong ko.

"Hulaan mo.." tumingin ako sa paligid.

"Yung lalaking naka yellow kanina pa nakatingin satin, sya ba?" sarcastic look ang binitiwan nya.

"Mali. Yung spike ang buhok pangiti-ngiti sayo.."

"What I mean is hulaan mo kung meron o wala!" giit nya.

Oo nga naman. Hulaan ko kung meron o wala. Hindi yung hanapin ko kung nasaan. Pero sa pagkakasabi nya, may bagay na naglalaro sa isip ko.  Mabigat ang bangko para buhatin, sa pagkakaintindi ko may pahapyaw sya sa gusto nyang paghahanap ko sa kung meron o wala. Magulo. Palibhasa mabilis ang mga pangyayari.

Light conversation lang ang usapan kaya bawat salitang sasabihin nya ay parang masarap na putaheng ninanamnam ko muna bago lunukin. Masaya sya kausap. Witty at sobra sa sense. Hindi na ko magugulat kung sa susunod na pagkikita namin ay hindi ako mahihirapang kausapin sya. Marami syang kwento. Kahit tipid ay malaman. Nawala ang pagkaboring ko.

"Gusto mo ng wine?" si Karen. Tumango lamang ako.

Binuksan nya ang isang red wine at maingat na nagsalin sa dalawang baso. Napakapino ng kilos nya. Bagay na bagay sa inosente nyang mukha. Kung ideal girlfriend lang ang pag-uusapan, sya na siguro ang lagi kong bida sa lahat ng aking magiging kwento.

"Cheers!" iniangat ko ang baso at tinapik iyon sa kanya.

"Bakit ka nga pala na-engganyong sumama sa kanya?"

"Kay Miles? Wala lang.. Curious lang ako sa kapeng barako." biro ko. 

"Ang totoo kasi, masarap ang pakiramdam ng mag travel sa kung saan-saan! Nakakatuwang magmasid habang nasa byahe.." tsaka ko naalala yung mahabang tulog na ginawa ko kanina papunta dito.

"Ikaw? Dito ka din ba nakatira?"

"Hindi, pero may relatives ako dito"

"Kamag-anak mo yung ikakasal?"

"Close friend ko" nakangiti nyang sabi.

Ang Love parang bahaghari yan. Minsan lang sumulpot pagkatapos ng ulan. Minsan malinaw, minsan malabo. Pero sa mga sandaling 'to. Malinaw pa sikat ng araw ang nararamdaman ko. Makulay pa sa bahaghari ang ngiti ko.

"Mamaya after the wedding sana may chance na makausap pa kita ulit"

"Oo naman! Bukas pa daw ang alis namin" masigla kong sagot.

"Thanks! Nag-enjoy akong kausap ka.." pagkasabi'y agad syang tumayo.

Ngumiti lang ako. Nagpapa-alam palang sya iniisip ko na ang pagkikita namin mamaya, bukas, at kung papalarin sa ibang araw. Sa ibang lugar. Naglakad sya papalayo sa akin hanggang sa hindi ko na sya matanaw. Naglaho nalang sa kapal ng tao sa paligid.

Sumandal ako. Napako ang tingin sa basong hawak nya kanina lang. May bakas pa ng kanyang labi sa bibig nito. Nakakatawang isipin na parang gusto kong halikan ang baso. Nakakapang-akit ang hugis ng iniwan nyang bakas, pero 'di ko ginawa. Hindi magandang tignan kung may makakakita.

"Dito nalang tayo maupo. Ayoko sa harap masyadong matao.." wika ni Miles habang binubuksan ang bote ng beer.

Tapos na ang kasalan. Hinihintay nalang namin ang pagdating ng bride at ng groom. Bakas sa mukha ng mga bisita ang kasiyahan. Lahat tila hindi mapakali, pero hindi ako. Si Karen ang unang pumasok sa isip ko. Inaabangan ko yung chance na sinabi nya bago sya umalis kanina.

Nagbukas ako ng beer. Marahan kong nilagok. Banayad ang daloy sa lalamunan ko. Parang usapan lang namin kanina. Swabe.

"Naku! Huwag mo na syang hintayin, 'di na babalik yun.." basag ni Miles sa katahimikan ko.

"Sino?!"

"Si Karen ba hinihintay mo?"

"Bakit mo alam?" gulat kong tanong.

"Nakita ko kayo kanina. Huwag mong sabihing type mo sya.."

"Friend lang.." pagsisinungaling ko.

"Part lang sya ng journey mo sa buhay.. Parang jeep yan na hihinto sa harapan mo kahit hindi mo parahin, then ihahatid ka sa lugar na nais mo. Pero kahit anong mangyari darating yung point na bababa kana.." sa tono nya parang alam na nya ang lahat.

"Paano kung nawili ako sa maikling byahe?"

"Yun ang masama.."

Hindi agad ako nakapagsalita nang magpalakpakan at naghiyawan ang mga tao sa paligid. Dumating na pala ang bagong kasal. Iniangat ko ang bote ng alak. Napangiti lang si Miles sa akin.

"Shot.." bulong nya. Napailing ako.

"Mas maganda pala si Karen sa gown nyang suot.." sambit ko.

Ang love ay parang isang makulay na bahaghari. Biglaang susulpot ng hindi mo inaasahan. Bigla kang maiinlab ng hindi mo namamalayan. Pero tulad ng bahaghari, asahan mong hindi ito pangmatagalan dahil saglit lang itong magpaparamdam.


-End

4 comment/s:

Jag said...

Hays! Parang ako lang nakalutang pa sa ere ngaun. Nakausap ko ang crush ko kanina hihihi...

amphie said...

inlab ka dude! hehe.. salamat sa pagbasa! :)

Pinkline said...

wow sakto naman tong post na to sa na-experience ko when i went to CdO..haha.. parang jeepney na kahit hindi ko parahin ay hihinto at ihahatid sa pupuntahan at darating sa punto na kelangan ng bumaba haaaay...

amphie said...

may ganitong experience din ako kaya ko sinulat. sa batangas din mismo nangyari :)

Post a Comment