Isang Libong Hakbang

Kulay kahel na ang tubig sa Ilog Pasig gawa ng repleksyon ng papalubog na araw sa kanluran. Nagbibigay iyon ng magandang liwanag sa parkeng katabi. Lalo pang tumindi ang pagnanais ni Chris na manatili sa pagkakaupo sa lumang bangko na gawa sa kahoy. Hindi mawala sa kanyang paningin ang mabagal na usad ng nagdaraang bangka. Mabagal at dahan-dahan. Mula sa kanan patungong kaliwa.

"Mani at gulaman?!" biglaang sulpot ni Sheena sa kanyang likuran. Bitbit ang isang dakot na piniritong mani at kulay berdeng malamig na gulaman. Iniharang pa ito sa paningin ng binata na tila nang-aasar.

"Ayaw mo ba?" malungkot na tinig ng dalaga. Aktong magsusuplada pa ng suklian sya ni Chris ng ngiti. "Akala ko ayaw mo e.."

"Syempre gusto ko! Paborito ko kaya yan!" inagaw kay Sheena ang mani. Isa-isang sinubo sa kanyang bibig.

"Sarap! Bukas ito ulit ha! Tapos sa susunod pang mga araw.." si Chris.

Lumiwanag ang mukha ni Sheena sa biro ng binata. Sa isip-isip nya alam nyang pilit lang ni Chris ang lahat. Naupo sya sa tabi nito sabay alok ng gulaman. Sinundan ng kanyang mga mata ang tinitignan ng kasama. Wala na ang bangka, pero tahimik pa din ang binata.

"Sabi ko na nga ba, dito lang kita makikita e.." bulong ni Sheena kasunod ang buntong hininga.

"Kita mo yung munisipyo ng Makati?"

"Oh, anong meron?"

"3 years before, sinisimulan palang gawin yan.." sagot ni Chris.

"Tandang tanda mo pa ha!"

"Oo naman! Yun yung unang beses na nagkakilala tayo dito. Dito mismo sa inuupuan natin" pagyayabang ni Chris habang nginunguso ang lumang bangko.

Napangiti si Sheena. Tinitigan ang gusaling pinupunto ng kabiyak. Sumipa sa kanyang isip ang mga ala-ala. Tatlong taon na nakalipas ng muntik nya ng tapusin ang sariling buhay. Mabuti na lang at naroon si Chris para ipaalala sa kanyang mababa lang ang tubig sa may pampang, at kung lalayo pa ng kaunti ay mas masisigurado ang binabalak na pagpapakamatay.

Naging tagpuan na nila ang parke. Mani at gulaman ang kanilang paboritong kainin sa tuwing magkikita mula hapon hanggang sa paglubog ng araw. Napaka-simple ngunit makahulugan ang mga ala-alang tahimik na nananahan sa lugar na bumuo sa kanila bilang magkasintahan. Sa isang lipad lang ng kanyang imahinasyon nagawa nyang balikan ang masasayang araw na naging dahilan ng kanyang muling pagbangon. Isa na si Chris sa mga dahilang iyon. Hindi maipagkakaila.. Hanggang ngayon.

"Isang libong hakbang.." biglaang wika ni Sheena.

Natahimik si Chris. Tila nawalan bigla ng gana ang kaninang masiglang mukha. Ibinalik sa ilog ang kanyang tingin. Nakasimangot habang pinapagpag ang mga asin sa kanyang labi.

"Naalala mo pa?" si Sheena.

"Oo.." may lungkot sa tinig ni Chris.

"Matagal-tagal na din mula ng sinimulan natin diba?" pabulong na wika ni Sheena habang nakatitig lang kay Chris, ngunit walang reaksyon ang mukha.

"Ikaw ang pasimuno.."

"Higit pa daw sa isang libong hakbang ang kayang gawin ng isang tao, mahanap lang ang tunay na kaligayahan."

"Kayang burahin ang dungis at bakat ng tsinelas sa paa, ngunit hindi ang paltos na nagdulot ng tuwa sa bawat hakbang na may dahilan" dugtong ni Chris.

"Naka-ilan na ba tayo?" tanong ni Sheena.

"899.."

"Eksakto?!"

"Oo!"

"Kaunti na lang pala.." pagkasabi'y isinandal ni Sheena ang kanyang ulo sa balikat ng binata.

"Higit walong daan sa loob ng tatlong taon.. Nahanap mo ba yung hinahanap mo?" tanong ni Chris.

"Nahanap ko na, noong simula palang.. Ikaw?"

Napayuko lamang si Chris. Pilit iniiwas ang sarili sa tema ng usapan. Para bang pangaral ng guro ang kanyang iniiwasan na marinig mula kay Sheena. Naglalaro sa kanyang isip ang mainit-init pang away nilang dalawa. Alam nyang wala syang ginawang masama, ngunit wala din naman ang kabiyak. Nagsalubong lang ang kanilang galit ng hindi sya natanggap sa kanyang balak na pasukan. Pride ang umiral. Kapag ganoon ang sistema mas pinipili nyang layuan muna si Sheena.

Kumagat na ang dilim. Nagsindi na ang mga ilaw sa parke. Naglaho na ang mga tinig ng mga batang kanina'y sumasabay sa agos ng ilog, ngunit walang naging sagot si Chris. Binalot ng katahimikan ang dumaang sandali. Mas nakakabingi pa kesa sa ingay ng mundo.

"900!" usal ni Sheena matapos tumayo at ihakbang ang isang paa.

"Sa isang daan pang natitira, gusto kong malaman mo na hindi ako susuko sayo.." pigil ang mga nangingilid na luha. Pilit ginagawang matibay ang sarili sa nanghihinang damdamin ng kaharap.

"Sheena.. Sorry.." tanging sagot ng binata.

"Hanggang kailan ka ba ganyan Chris?"

"Sorry kung nagtaas ako ng boses sayo kanina. Hindi ko naman gusto kung walang tatanggap sa tulad ko.."

"Kung hindi ka tanggap ng mundo, isipin mong sa reyalidad may isang babaeng nagmamahal at laging nandito para sayo.."

Napahinto na lamang si Chris. Naubusan ng sasabihin. Huli na ng mapunang may umaagos ng luha sa kanyang pisngi. Mabilis nya iyong pinahid at ngumiti. Inunat ang kanyang braso at pilit inaabot ang mukha ng kabiyak.

"Sa isang daang natitira.. Hayaan mong ikaw ang maging dahilan ng bawat hakbang na gagawin ko.." mahinang wika ni Chris.

"Matagal ko nang gustong marinig yan.."

"Uwi na tayo.. Hatid na kita sa inyo.." alok ng binata.

Walang bagyo para magdulot ng baha, ngunit pakiramdam ni Sheena umaapaw ang tuwa sa kanyang puso sa narinig. Inabot nya ang kamay ng binata. Inakay nya hanggang sa ito'y makatindig ng diretso, saka inilagay sa kaliwang dibdib ni Chris ang saklay na nagsisilbing kaliwang paa na gagamitin para tapusin ang natitirang isang daang hakbang pa-uwi.

"901.. 902.." sabay nilang bilang.


-end



Lahok sa Saranggola Blog Awards 2012 (Ikaapat na taon) sa kategoryang Maikling Kwento


inilunsad sa pakikipagtulungan ng





sponsors









14 comment/s:

Will said...

Ang ganda nito! Nakaka-emo. Hehehe. Congrats.

amphie said...

ang sabaw ng entry na to.. gagaling nung mga nabasa kong entry ng iba :)

Guest said...

bago pa matapos ang kwento nabanaagan ko ang ang maaring dahilan kung bakit ganoon si chris.

ang galing ng kwento. panalo po :)

NoBenta said...

ganda ng kwento. nakaka-emo nga. goodluck sa ting lahat! \m/

amphie said...

halata na pala hehe, salamat sa pagdalaw at pagbasa :)

amphie said...

hindi talaga ako pwedeng pang-drama idol hehe! gudluck sa atin!

Moises John Bilang said...

kinilig ako at angemo ng sabay... hahha

amphie said...

multi tasking yan tropa :D salamat!

drEi said...

clap clap...:D


ikaw talaga ampoy! laging may pasabog sa dulo..:D

Reilly Reverie said...

The best ka talaga! :)

You already! :) Hahahaha...

amphie said...

boy pick up.. hehe! thanks trops :)

amphie said...

mas astig ka tropa ;) thanks!

inong said...

huwaw! ayos ang kwento karapatdapat palakpakan.

Goodluck sa patimpalak

Limarx214 said...

Nawindang ako dito sa ganda at simple ng istorya.
Hindi na kailangang palabokin pa sa husay ng daloy!
Galing!

-limarx214

Post a Comment