One Morning of July - 8

(image credit to melala)

***

Peace on Earth..

Sobrang imposible! Ganun ko pwedeng ilarawan kung gaano ka-imposible na magkakaroon ng July at Noel na tambalan. Para bang joke na sa sobrang lalim ay hindi magawang tawanan ng mga makakarinig. Kung may hihigit pa sa drama ng tubig at langis, siguro makukuha namin ang titulo ng top 1. Marami na kong na-experience pagdating sa pakikipag-relasyon. Kung naging malabo ang mga nauna, paano pa kaya sa isang babaeng hindi mo malaman kung ano talaga ang pagkatao?

Pilit kong hinahanap kung may instant exit para instant ko din syang palalayasin sa isip ko, kaso wala. May malaking billboard sya na pilit tumatakip sa dalawang mata ko. Nakaharang ang kanyang ngiti kahit saan ako tumingin. Linsiyak! Sana kasing dali lang ng relationship status ng facebook ang pakikipag-relasyon, na kung may relationship request ka sa kanya at na-approved naman nya. Prente! May girlfriend kana sa kaunting pindot lang, hindi pa nabawasan ang laman ng iyong bulsa.

"Kasalanan mo 'to Nancy!" bulong ko sa sarili. Ilang atras-abanteng hakbang pa ang ginawa ko.

"Hindi! Kasalanan ko 'to eh!" paninisi ko sa sarili.

"Reonico Residence" ang ibinibida ng doorbell na nasa harap ko. Feeling ko kumikindat ang apat na kanto nito at nagsasabing pindutin mo ako. Isang oras na kong nakatayo sa labas ng bahay. Hindi ko nga alam kung may July o Marta akong makikita. Basta pumayag nalang akong utuin ni Nancy na subukan ko daw ang surprise visit. Effective daw yun sa mga taong may tinatago, pero hindi sa mga nagtatago lang sa pinagkakautangan.

Noong una ayoko pa. Nag-iisip palang kasi ako ng dahilan eh parang ilang beses ng nagamit ang lumalabas na linya. Kung magkikita man kami, hindi ko din alam kung anong una kong sasabihin. Paano kung si Mr. Reonico ang tao sa likod ng pinto? Ako pa ang na-surprise sa surprise visit na ginawa ko. Magulo ang set-up. Magulo pa sa abstract na ginuhit ng isang bata.

"Malalaman mo lang ang lahat kung mabibisto mo sya sa actual!" ang mahiwagang linya ni Nancy.

"Sa tingin mo ba magsasabi na sya ng totoo?" ang sagot kong tagos pa sa langit ang paniniwala.

"Walang mawawala kung susubukan mo di ba? Tsaka ang tao kapag nasa state na nahuli mawawalan na sya ng dahilan para magsinungaling pa" support nya para tuluyan akong maging believer.

"May point ka nga.." ako sa estadong isang daang porsyenteng naniwala.

"Hindi ba tama ako? Oh, eto address! Kinulit ko pa si Ma'am Aileen para dyan" nakapaghanda na pala ang babaeng may talent sa pangungumbinsi.

Parang nakikita ko si Nancy na tumatawa sa mga oras na to. Tumutulo ang pawis ko kahit malamig ang hangin at may bahagyang ambon. Pero nandito na ko. Walang plan B na suggestion ang babaeng nagpahamak sa akin. Kabado kong pinindot ang nakangising doorbell habang tinatawag ang mga pangalan ng kilala kong santo. A to Z, at known hanggang sa forgotten.

Dalawa, tatlo, limang minuto. Walang nagbukas ng gate. Lalo pang bumilis ang rotation ng dugo ko sa buong katawan ng muli kong pinindot ito. Nakiramdam ako. Malikot pa sa dalawang pusang naghahabulan ang mga mata ko.

Nakahinga lang ako ng maluwang ng biglang lumaki ang mga patak ng ulan. May excuse na ko kay Nancy kung sakaling magtanong sya kung anong resulta. Makakaiwas din ako sa posibleng ikapahamak ko kung si Mr. Reonico ang taong haharap sa akin. Higit sa lahat mas maganda siguro kung magsinungaling nalang ako, at sabihing walang nagbukas ng gate.

Aatras na sana ako nang may malakas na busina na gumulat sa akin.

"May hinahanap ka ba?!" wala naman akong parkinson's disease pero sa boses palang ng babaeng nagsalita ay nakalimutan ko yata kung paano gumalaw. Yung dalawang paa ko tila na-inlab nalang bigla sa kinatatayuan ko.

"Naligaw ako eh! na-stranded sa lakas ng ulan.. Bahay nyo?" hindi ko alam kung matatawa ba ko sa palusot ko habang tinuturo ang malaking bahay na nasa likuran ko.

"Alis na ko.. Malapit na siguro sakayan dito" dugtong ko pa.

"Sumakay ka na! Ayokong dalawin ng konsensya kapag nagkasakit ka.." wika ni July habang dahan-dahang umaangat ang salamin ng auto.

Kung blessing ang ulan kahit magkasakit pa ko ng ilang ulit, basta ba biglaan nalang syang susulpot ay sobrang ayos lang. Banat na banat ang labi ko sa sobrang tuwa ng sumakay ako ng kotse. Mabilis nyang pinaharurot ang sasakyan.

"Ang layo naman ng inyo dito para mapadpad ka. Saan ba lakad mo?"

"Grocery!" one word, english, sablay. "Naghahanap ako ng grocery store. Naloko yata ako ng google.."

"Mukha bang mall ang village namin? Sana nagtanong ka nalang kung balak mong dumalaw.."

Hihirit pa sana ako pero mukhang hindi na lulusot. Mukhang sa umpisa palang alam nya ng sya ang hanap ko at imposible talagang paniwalaan ang mga alibi ko.

"Ikaw? Saan ang lakad mo? Mukhang pauwi kana. Na-abala pa yata kita.."

"Sa work.. Bumalik lang ako para i-confirm kung naka-alis na ba si Dad.."

Si Dad? Malinaw ang pagkakasabi nya. Kung hindi ako nagkakamali sya si Marta sa mga oras na 'to. At ano naman ang work? May trabaho pala sya. Nakakapagtakang may company ang Dad nya pero mas pinili pa nyang mag-trabaho sa iba. May sanib talaga ang babaeng 'to. Unpredictable at sobrang tago ang emosyon kaya mahirap mahuli.

"May trabaho ka pala.. Saan?"

"I'm a dentist"

"Talaga? Sumakit yata bigla ngipin ko. Saan ba clinic mo?"

"Ngipin ba sumakit o gusto mo lang matitigan ng maigi ang mukha ko?"

Hindi ako sure kung may g-spot ang lalaki. Kung meron man, mukhang nadali nya. Nailarawan ko agad ang eksena sa isip ko. Ang mukha nya, malapit sa mukha ko. Malalalim na bitaw ng hininga at nangungusap na mga mata. Isang patunay na may langit sa lupa at may anghel na nagmamaneho.

---

Si Marta, napakasarap pagmasdan. Para syang painting na sa unang tingin ay hindi mo malalaman ang ibig sabihin hangga't hindi mo natutuklasan ang lihim na nakapaloob dito. Habang tumatagal ang minutong kasama ko sya, para bang lalong napapasarap ang pagsilay ko sa kanyang mukha. Pilit kong tinutuklas kung anong mayroon sa mga kilay nya habang salubong ito. Sabay pa sa mga mata nyang sa kalsada lamang ang atensyon. May simpleng flashback sa isip ko yung eksenang nagising akong kasama sya. Kung paano sya magalit at kung paano sya ngumiti.

Mahaba pa yata ang bangs ko kaysa sa panahong nakasama ko sya, pero may kakaibang suntok sa pagkatao ko sa tuwing nariyan sya. Gift. Tila regalo sya na palagi akong excited. Lagi akong nasasabik kung anong bagay ang gugulat sa akin na nasa loob ng kahon. May undying feeling na parang first time sa maraming pagkakataon na paulit-ulit.

"Ganyan ka ba talaga ka serious?" basag nya sa pagde-describe ko.

"Ako? Ikaw nga tong walang imik!" giit ko.

"Hinihintay lang kitang magsalita, magkwento." seryoso nyang sagot matapos ay ibinalik agad ang tingin sa pagda-drive.

"Mamaya isusulat ko sa diary yung aksidenteng pagkikita natin" pilosopo kong sagot.

"Yun lang kasi ang magandang kwento sa buhay ko ngayong araw na 'to"

Lumiwanag ang mukha nya sa pambobola ko. Ang sarap sa pakiramdam na kaya ko palang pangitiin ang suplada at seryosong si Marta.

"Ilang babae na ba nabiktima ng linya mo?" nag-kibit balikat lang ako. Tumawa sya ng malakas na para bang wala sa sarili. "Mas bagay kasi sayo ang seryoso, kaysa mangbola!"

"Maniniwala ka ba kung sasabihin kong ikaw pa lang?" seryoso ako.

Tinitigan ko sya sa mata. Eye to eye contact. Pinilit kong huwag kumurap. Kabisado ko ang babae kung sa mata lang ang pag-uusapan. Madalas silang mahuli kung may kakaibang tensyon ang namamahay sa kanilang mata. Hindi ako nabigo. Malikot ang mga mata ni Marta. Wala pang sampung segundo ibinalik na nya sa kalye ang tingin. Para bang wala pa sa sarili at muntikan ng mai-shift sa reverse ang kambyo.

"May problema?" tanong ko. Sunod-sunod na iling lang ang sagot nya.

Ang mood ng babae xerox copy ng climate change yan eh! Biglaang uulan sa gitna ng sikat ng araw. Biglang tatahimik sa isang magandang kwentuhan. Siguro babae din ang nagpauso ng may ikinakasal na tikbalang, para gawing palusot kung sakaling maihahambing sila sa pabago-bagong panahon. At may isang ingleserong nagdeklarang mood swing nalang ang itawag. Hindi nga naman magandang pakinggan ang nauna lalo na't malayo sa kabayong tao ang babaeng katabi ko.

Nakakagulat ng bigla nalang syang walang imik. Awkward yung nagdaraang minutong puro buga lang ng aircon ng kotse ang namamayani sa paligid.

"Dito na tayo"

"Oh, anong gagawin natin dito?"

"Masakit ngipin mo diba? Tara na!"

"Hindi naman--"

Agad syang bumaba ng auto at hindi na hinintay pa ang sasabihin ko. Ibang klase! Bumungad sa akin ang clinic. Napangiwi ang kilay ko. Sineryoso nya pala ang biro kong masakit ang ngipin ko. May trauma pa naman ako sa huling dentistang nakadigmaan ko noon, na ang planong pasta ay naging extraction.

Hindi na ko nakatanggi pa. Kung alam ko lang na sa ganito babagsak ang plano ni Nancy, sana sinabi ko nalang na gutom ako. At least sa restaurant ang bagsak namin at hindi sa dental chair na kinalalagyan ko ngayon. Ngunit agad naman natapos ang pagsisisi ko nang napansin kong halos 5 inches lang ang layo ng mukha nya sa akin.

Pinagmasdan ko syang maigi. Mas mapungay pala ang mga mata nya sa malapitan. Nakakagulat din na may maliit syang nunal sa dulo ng kanyang kaliwang mata. Dama ko ang pagbilis ng kabog sa dibdib ko, lalo na kapag umiiwas sya ng tingin sa akin. Gusto ko ang pakiramdam na tila nakikipaghabulan ako sa kanya. Maya-maya pa'y bumagsak at tumakip sa pagitan ng mukha namin ang kanyang buhok na kumalas sa pagkakasampay sa kanyang tenga.

Mabilis ang paglunok ko ng laway ng hawiin nya iyon. Nahalata nya ang pagtitig ko sa kanya. Alam kong ngumiti sya dahil naningkit pa ang kanyang mga mata.

"You're funny!" sambit nya kasunod ang pagtawa.

"Bakit?"

"Seryoso ka talaga sa pagpapatingin ng ngipin mong hindi naman sumasakit!" tinanggal nya ang mask sa kanyang mukha at inilapag ang mga gamit.

"Kanina ko pa gusto sabihin sayo, pero tingin ko mas gusto mo yatang hindi marinig.."

"Makapal ang mukha mo!"

"I know! Mas kakapalan ko pa ngayon.."

Mabilis kong iniangat ang aking ulo. Nagulat si Marta sa ginawa ko. Halata iyon sa pamimilog ng kanyang mata. Alam kong wala sa plano, pero pasok naman yata sa kategorya ng panghuhuli ang panggugulat.

Hindi ko na inisip kung ano ang posibleng mangyayari. Kung anong magiging reaksyon nya. Kung anong magiging estado ko pagkatapos, at kung anong instrumento ang ihahambalos nya sa mukha ko. At kung anong kaso ang pwedeng ilaban sa akin.

Wala sa plano ang ginawa kong paghalik kay Marta.

Hindi ko na maramdaman kung may inaapakan pa ba ang mga paa ko. Para kasing lumulutang ako sa mga sandaling 'to. Pwede na siguro akong pumanaw sa ganitong sitwasyon. Matagal ang halik na yun! Parang umikot ng mabilis ang mundo sa loob ng limang segundo. Nag-aabang pa ko ng isa pa, kaso may narinig akong umubo.

"Guys sorry! Promise wala akong nakita!"

Napalingon ako sa pamilyar na boses.

"Naistorbo ko yata kayo.." tatalikod na sana sya ng pigilan sya ni Marta.

"You're late, Nancy.."



tbc..

3 comment/s:

Mafe Sumampong Garcia said...

sa wakas! :)

datz.tina said...

me pdf po ba to?

amphie said...

wala po :)

Post a Comment