Si Joshua sa Osmando

"Saan na po tayo pupunta?" may pagkasabik sa boses ng anim na taong gulang na si Joshua. Hinawakan pa ng mahigpit ang kamay ng matandang umaalalay sa kanya.

"Malaki ang Osmado apo, marami kang makikitang maganda dito.." sagot ni Mang Felipe.

Mainit, ngunit may bahagyang pag-ihip ng hangin sa paligid dahilan para umaliwalas ang lugar. Malaking tulong din ang mayayabong na sanga ng mga puno sa Osmando para sa mga taong nagpapaikot-ikot dito. Tahimik at tamang tama para sa mga gustong mag-relax. Ngunit sa gandang ibinibida ng Osmando, tila wala ng mas gaganda pa sa mga ngiti ni Mang Felipe.

"Alam mo matagal na kitang gustong ipasyal dito.." bulong ng matanda kay Joshua. Hindi na napigilan ang sarili at kinarga pa ito.

"Bakit po kasi hindi kayo nagpupunta ng bahay?" tanong ng bata.

"Ayaw kasi akong payagan ng daddy mo.."

"Mabait naman po si daddy eh! Sabi nya pa nga gustong-gusto nya daw na magkita tayo.." paliwanag ni Joshua.

Natuto ng iguhit ni Joshua ang family tree ngunit laging blangko ang nag-iisang sanga para sa hindi pa nakikilalang miyembro ng pamilya. Mula ng ipinanganak ito hindi pa sila nagkaroon ng tyansang magkita. Madalas na din ang tanong ng bata tungkol sa kanyang lolo, dahil sa napapanood nito sa telebisyon. "Magkikita din kayo.." ang laging sagot naman ng kanyang ama.

Nang mabalitaan ng matanda ang tungkol sa kanilang pagkikita, hindi na nya napigilan ang mga ngiti't luha. Agaran syang nagpatahi ng mga isusuot sa kanyang paboritong sastre na gagamitin nya sa araw na iyon. Hindi maitatago ang kasiyahan sa katauhan ni Mang Felipe. Sa loob ng sampung taon na hindi nya pagpapakita sa anak, hindi na sya umaasang makikita nya pa ang kanyang nag-iisang apo dito. Dagdag pa ang anim na taong naging pasakit para sa kanya, dahil sa paglaki ni Joshua na hindi nya man lang nakita kung paano gumapang.

Ngayon na ang araw na iyon. Hindi sya nabigo. Kasama na nya si Joshua at ang Osmando ang lugar na sa tingin nya'y magugustuhan ng apo para pasyalan.

"Masayang masaya nga ako at pumayag ang daddy mo.. Noong una nga akala ko magagalit sya at magtatas ng boses, pero sa huli pumayag din naman" paliwanag ng matanda kahit hindi siguradong maiintindihan ng bata.

"Malayo po ba ang abroad? Sabi kasi ni daddy sasakay pa ng airplane para dalawin ka.."

"Malayong malayo apo.."

"Sinabi po ba sa inyo ni Jesus na gusto kitang makita? Lagi po kasi akong nagdadasal para umuwi ka na.."

"Lahat ng 'yon sinabi nya, kaya nga nandito na ko e!" natatawang sagot ni Mang Felipe.

Ito na marahil ang pinakamasayang araw ni Mang Felipe. Makulay pa sa bahaghari ang kanyang ngiti. Lubos ang pasasalamat sa maykapal, sa kabila ng kanyang mga nagawa. Bumuhos ang mga luha sa kanyang magkabilang pisngi ng maalala nya ang lahat.

Huli na ang lahat ng mabalitaan nyang tinapos na ng kanyang may bahay ang sariling buhay ng malamang may kinakasama syang iba sa ibang bansa. Nagdulot iyon ng matinding depresyon hindi lang sa kanyang asawa, pati na din sa kanyang anak. Sampung taon syang hindi nagpakita. Walang balita. Walang bakas. Walang nakaka-alam kung nasaan si Mang Felipe. Matapos iluwal sa mundo si Joshua, tsaka lang ulit ito lumantad.

"Noong maliit pa ang daddy mo, dito ko din sya madalas ipasyal"

"Talaga po? Kaya pala sabi nya maganda daw po ang pupuntahan natin.." wika ni Joshua.

"Sinabi nya yun?" hindi makapaniwala ang matanda.

"Opo! Sabi nya pa nga po eh, gusto nya daw pumunta dito para tatlo tayong mamasyal"

"Hindi ba sya galit sa akin apo?" mahinang bulong ng matanda.

"Hindi po! Hindi! Lagi ka po nyang kinukwento bago ako matulog. Sabi pa nga po nya kapag nagkita daw po kayo ay magsasabi sya ng sorry.."

Niyakap ni Mang Felipe si Joshua. Mahigpit. May kahulugan at may kasiyahang hindi mapantayan.

"Ito sa iyo nalang yan. Para sa daddy mo talaga yan, pero sayo na lang.."

Napangiti si Joshua. "Itatago ko nalang po. Ibibigay ko kay daddy mamaya.."

Sa pamamasyal, hindi napigilan ni Mang Felipe ang magkwento pa ng tungkol sa kanilang mag-ama. Ang mga lugar na kanilang napuntahan, masasayang ala-ala, at mga paborito ng anak mula sa pinakamaliit na bagay hanggang sa malalaking pangarap. Si Joshua, kahit hindi naiintindihan ang iba ay natutuwa namang makinig. Halata ang pagkalibang sa matandang ngayon nya lamang nakita, ngunit laman na ng kwento ng kanyang ama.

Sumapit na ang hapon. Oras na para magpaalam. Lalabas na sila ng Osmando. Ihahatid na nya ang apo sa nakatakdang sumundo dito. Mabagal ang kanilang hakbang na para bang ayaw pang mawalay ni Mang Felipe kay Joshua.

"Lolo sa susunod po isasama ko si daddy!" masayang wika ni Joshua.

Sunod-sunod na tango lamang ang naging sagot ng matanda habang nakatanaw sa dalawang taong nag-aabang sa gate. Nangilid ang kanyang mga luha.

"Ba-bye po!" paalam ng bata kasunod ang halik sa pisngi ni Mang Felipe.

Tumakbo si Joshua tungo sa dalawang lalaking susundo sa kanya papalabas ng Osmando. Niyakap nya ang una.

"Daddy! Para sayo daw po ito, bigay ni lolo.." sabay abot ng lollipop na malapad at may iba't ibang kulay.

"Kamusta ang pamamasyal nyo?" tanong nito.

"Masaya po! Sabi ko po kay lolo sa susunod tatlo na tayo.." ngumiti lang ang kanyang ama at mabilis syang kinarga.

"Uwi na tayo ha.. Sa linggo nalang natin sya ulit dalawin.." bulong ng ama ni Joshua, sabay harap sa kasamang naghihintay sa kanilang pagdating.

"Dok, kayo na pong bahala sa tatay ko. Babalik ulit kami sa susunod na linggo para mamasyal dito sa Osmado.."

-end


Lahok sa Saranggola Blog Awards (Ikaapat na taon) sa kategoryang Kwentong Pambata.


inilunsad sa pakikipagtulungan ng



sponsor






10 comment/s:

Blindpen said...

galing nito trops!

goodluck, sa dalawang entry ^__^

starbuko1234 said...

boss anu ang osmando?

amphie said...

mental hospital na gawa-gawa ko lang hehe!

amphie said...

sabaw na sabaw 'to bulag hehe, gudluck din sa entry mo trops!

starbuko1234 said...

salamat

Mafe Sumampong Garcia said...

yun pala ang osmando.. :)
nice story ts!

amphie said...

salamat din sa pagdalaw idol :)

amphie said...

walang osmando sa google hehehe

PadrePio said...

ang ganda. nanano po ba ito sir? Fan niyo po pala ako. ^_^

amphie said...

hahaha! welcome sa kumbento ni amphie ginoong padrepio ^_^


talo ang entry na 'to, hahaha!

Post a Comment