At Last


Sapat na ang paglagpas ng buhok sa aking mga balikat para sukatin ang dalawang taon. Kung hindi pa babawasan ang makapal na balbas sa aking pisngi at baba, hindi ko siguro makukuha ang tiwala ng tauhan ng NAIA para papasukin ako sa arrival. Kasabay ng paglapag ng eroplano ay ang pagtaas naman ng aking ngiti. Kulang ang dalawang pakete ng chewing gum para tanggalin ang nerbyos na nagsisimulang mabuo.

Mapapalampas ko ang paboritong noon time show sa syete, pero hindi ang pagbabalik ni Dennise. Gusto kong ang unang makita nya ay ang huling taong iniwan nya noong umalis sya. Inilalarawan ko sa isip ang kanyang ngiti na alam kong hindi magbabago kahit ilang end of the world na prediction pa ang dumaan.

"Tulungan na kita!" alok ko sa kanya. Hindi pa sya sumasagot mabilis ko ng naagaw ang kanyang maleta. "Kumusta ang byahe?"

"Nakakapagod din pala ang maupo," tulad ng madalas nyang gawain, pinaikot nya muna ang kanyang braso sa aking bewang, bago suriin kung nadagdagan na naman ba ang height ko. "Kaunti lang pala nadagdag"

"Hindi kasi ako tumalon noong nakaraang new year, 'di pala enjoy kapag wala ka"

"Coffee?" bilog ang kanyang mga mata, "Marami akong kwento"

"Sige, miss ko na yung treat mo e!"

Sumakay kami ng taxi.  Nostalgic. Yung pakiramdam na inihatid ko sya dito ay parehas na parehas. Pati pagdaan sa lubak ng sasakyan ay tandang tanda ko pa. Halos walang pinagkaiba, maliban lang sa hindi pagkakasundo namin noon. Maraming bagay na pinagtatalunan na nakakabilib na hindi namin ginagawa ngayon. Siguro nga, dapat talagang mawala muna ang isang tao sa iyong tabi bago mo maunawaan ang mga pagkakamali. Ang pagpapalit ng kalendaryo ang nagpapatunay sa bagay na yun.

Sobrang namiss ko si Dennise. Hindi maikakaila sa eyebag na tumubo lang sa loob ng tatlong gabi nang mabalitaan kong pabalik na sya. Nabura lahat ng masasakit na salitang binitiwan nya sa akin bago kami naghiwalay. Ibinalik kong muli ang singsing sa aking daliri na nagpapahiwatig ng kapatawaran at pagpapakumbaba. Asawa ko si Dennise. Ex-girlfriend. Super crush noong bagong lipat sila sa lugar namin. Pero sa sandaling 'to para nalang kaming normal na tao na matagal na magkakilala. Parang tipikal na barkada, o kakwentuhang kapitbahay.

"Sorry kung hindi ko agad nasabi na pabalik na ko," ani Dennise habang sinusubukang idampi ang labi sa bibig ng plastik na baso. "Gusto sana kitang i-surprise eh!"

"Well, you got me! Good thing madali lang mauto ang sister mo. Akalain mong cap lang na may signature ni Mark Caguioa ay ilalaglag kana nya," natatawa kong sagot.

"Hindi talaga mapagkakatiwalaan yun!"

"Maiba ako, parang Divisoria lang ba ang Namdaemun Market? Nahanap mo ba yung gustong gusto mong sapatos? Anong lasa ng kimchi at soju?" sunod-sunod kong tanong. Mailihis lang ang kanyang mga mata na bigla nalang napako sa aking kamay.

"Sabi mo naiwala mo yan?"

Itinaas ko ang aking kaliwang kamay para amining hindi sya bulag para hindi mapansin iyon. "Na-missed place lang pala"

"Yan ang reason kung bakit kita nagustuhan, at kung bakit ako pumayag magpakasal sayo" hindi maitago ang kanyang ngiti.

"Dennise, sorry!" nalaglag na ang emosyon ko. Nabasag ang pader ng pagiging maton. "Corny, pero.. Sana mapatawad mo ko."

"Noong nagdecide na ko bumalik, napatawad na kita" dinukot nya sa kanyang bulsa ang kapares ng suot kong singsing.

Hindi nga naman sayang ang pagpupursigi sakin ng kapatid nya para harapin kong muli si Dennise. Totoo palang marunong magpatawad ang kahit sinong babaeng nasaktan, basta't alam nilang may laman ang salitang sorry. Mahal ko sya, tulad ng sagot nya, mahal nya din ako. Mga salitang madali lang banggitin noon, pero tila napakahirap ng hanapin ngayon. Akala ko sa pag-alis nya ay tapos na ang sinimulan namin. Wala nga palang magandang end ang isang kwento kung walang maayos na bagong simula.

"How about Reina?"

"She's good. Kahawig na kahawig ng mommy nya"

"Mabait si Lenny, sana wag mo syang lokohin ha!" nakataas ang kanyang isang kilay. "I need to go na. My sister is waiting for me, nagtext na sya"

Agad kong binuksan ang bag na dala ko. Inilatag ko ang iilang dokumento na syang unang dahilan ng muli naming pagkikita. Hindi na sya nagdalawang isip. Mabilis syang pumirma. Hindi na nya nakuha pang basahin, kahit anumang bagay na nilalaman ay alam kong tanggap na nya.

"So, ito na pala yung last," isang halik na nag-landing sa aking pisngi.

"Friends?" tanong ko. Isang ngiti na may libong kahulugan ang kanyang binitiwan. Nakapaloob ang lahat ng emosyon at mga nakaraan. Senyales na tapos na ang kahapon, at may bagong bukas na kailangang paghandaan.

"Friends!" sigaw nya.

"At last," salitang naging paalam ko.


-wakasness


8 comment/s:

xxmataharixx said...

Ang husay mo naman magkwento. Sana makita ko isang araw mga likha mo sa Bookstores. Iba pa rin ang tangible material na nahahawakan mo at naidadagdag sa bookshelf...  AW, glad that I came across your stories here in the net.

amphie said...

pangblog lang daw talaga, salamat sa pagdaan sir! macarthur tayo :)

Mafe Sumampong Garcia said...

awts naman! para akong naiinis.. galing ng pagkkwento, nadadala ang emosyon ko.

amphie said...

bolera! haha!

Reilly Reverie said...

Ba't ganun? Ba't ang sakit..?

Ba't ganun...? Bakit? ...

Ewan.. Ganda ng storya sir. Parang ang sakit lang. :)

amphie said...

pagpaparaya at pagpapakatanga tawag dyan trops, hahaha!

pinkline said...

masikip sa dibdib..nakakadala talaga ang mga stories mo IDOL :)

namiss ko basahin ang mga kwento mo kaya marathon mode ako hehehe..

amphie said...

namiss ko din ang pagbisita mo dito. wag na idol. cute nalang ;)

Post a Comment