Mukha

piktyur galing sa epbi. salamat sa nagpost :)

mga katok sa babasaging bintana,
ng mga paslit na sa kalsada'y gagala-gala.
kapalit ng baryang pamatid gutom,
ang buhay na hiram lamang sa panginoon.

mga musikang umiikot-ikot,
likha ng matandang namamalimos.
'di alintana ang galit ng haring araw,
masulit lang ang baryang inaasam-asam.

mga pekeng ungol at ngiti,
ng dalagang namimilipit na sa pait.
sa kaunting salapi, lahat ay ipinagpalit.
kahit na ang kaluluwa'y magkapunit-punit.


Kutilyon

image credit to orig uploader

Kanang paa. Kaliwang paa, paharap. Ikot. Last move na ang tingin. Pang-ending ang ngiti na ilang beses ko nang praktisado pero 'di ko pa din magawa lalo't kaharap ko na sya. Susmaryosep! Sana kagwapuhan nalang ang pinamana sakin dehins na sana sinama ang katorpehan. Napapadalas na ang dance rehersal para sa nalalapit na kutilyon ni insan. Napapadalas na din ang silay ko kay Cindy na ilang beses ko nang dineny sa lahat ng tamang hinala, pero sa huli tyempo pa din ang pagsabay ng smile ko sa bawat indak nya. Bwiset!

"Sa Monday nalang ulit," paalam nya sa akin. Naalok ko na lahat ng pwedeng ialok kahit ang panonood ng mga batang pawisan sa parke, pero tumatanggi pa din sya. Lahat na yata ng klase ng pamatid uhaw nabili ko, kahit na alam kong ibibigay nya din naman sa kaibigang kasama sa praktis. "Praktis ka ha!"

Inakbayan ako ni Insan. May ngiting ang sarap hampasin nalang bigla ng dyaryo, kung 'di lang sya babae. "Kuya, type na type mo talaga si Cindy eh no?" Dahan-dahan kong inangat ang kanyang braso paalis sa aking balikat. "Sya may type sakin! Kita mo naman sa tuwing hahawak ako sa beywang nya halos managinip ng gising!"

Spotlight

(image credit to orig uploader)


Huli na nang mapansin kong pundido na pala ang bumbilya sa aming banyo. Parang kailan lang kaya pang idetalye ng liwanag nito kahit ang linya ng mga langgam. Napakamot ako. Kahit walang salamin sa harap, nakita ko ang aking sarili. Tulad ng pundidong bumbilya, hindi na maipagkakailang wala ng nakakakilala sa taong ilang taon ding nagpasayaw-sayaw sa kumukurap kurap na spotlight ng katanyagan. Darating din pala sa puntong wala nang papansin sa'yo kapag sumapit sa panahong hindi kana pwedeng pakinabangan.

"Pasok ka," kahit walang reaksyon halata sa tinig ni Jose ang tuwa. "Kumusta ka naman? Akalain mong dito din pala tayo magkikita"

"Napadalaw lang po," maiksi kong sagot. Ilag sa kung ano mang tanong na may kinalaman sa aking pagkatao.

"Maiwan muna kita ha. Naroon lang ako."

Tahimik kong inayos ang aking sarili. Alam kong anumang oras ay may babagsak na luha sa aking mga mata. Ayokong makita nyang talunan ako sa huli. Sya ang pumigil sa akin noon, pero 'di ko sya nagawang pakinggan man lang. Mas pinili ko ang estado sa buhay na siguradong may ending na tulad nito. Hindi ko pwedeng sisihin ang gumagawa ng horoscope dahil sinabi nitong may nilaga sa kaunting tiyaga.

Eskenita

Pagsipot ng kasamaan, kasunod ay kahihiyan;
Kapag nawala ang karangalan, kapalit ay kadustaan.
KAWIKAAN 18:3


Tatlong araw nang tambay ang dalaga sa makipot, madilim, at mapanghing eskenita sa may kanto ng Granada. Kung ano ang ayos nya noong unang beses ko syang nakita, ay ganoon pa din hanggang ngayon. Itinago ng dungis ang natural nyang kagandahan na mapapansin lamang kapang sya'y tititigan. Balot ng lungkot ang kanyang mga mata. Pansin ang natuyong luha na nagmistulang linya sa kanyang kaliwa't kanang pisngi. Sa unang tingin, mukhang malubak ang kanyang nakaraan.

Apat na araw nang tambay ang dalaga sa makipot, madilim, at mapanghing eskenita sa may kanto ng Granada. Huminto ako para bumili ng yosi. Inalok ko sya pero mas pinili nya ang kendi. Maaliwalas ang kanyang ngiti kumpara kahapon. Bago na din ang kanyang suot. Mas kahali-halina ang kanyang ganda na bahagyang lumitaw ng sya'y ngumiti para umarbor pa ng isa.

Limang araw nang parokyano ang dalaga sa makipot, madilim, at mapanghing eskenita. Doon pa din sa may kanto ng Granada. Manong ang naging bansag nya sa akin tanda ng panghihingi ng isang piraso ng kendi. Mas maamo ang kanyang mukha mula nang una kaming magkita. Nag-abot lang ako tsaka dumiretso. Nalimutan ko nang mag-usisa kung bakit palagi syang nag-aabang sa eskenita.

(image credit to orig uploader)

Byahe

"Sir, positive!" masiglang entrada ni Miko nang abutan ang lalaking pakay.

"Good work!" nakangiting salubong ng hepe. Ngumiti ng hindi nagkakalayo sa aso sabay hagis ng kapirasong envelope. "Pang-good time mo!"

Habang buhay na pagkabilanggo o pagiging asset ng mga pulis ang tanging pagpipilian ni Miko. Matangkad na lalaki. Mahaba't kulot ang buhok. Kumpleto ang kwerdas sa tagiliran at labas ang pakpak sa likuran. Dalawamput pitong taong gulang. Lulong sa shabu. Adik. Peste sa lipunan. Demonyo sa karamihan.

Hawak sa kanang kamay ang foil at sa kaliwa naman ang inoperahang lighter. Buong puso nyang sinusunog ang kaluluwa sa kapirasong puting bato na walong taon nyang sinamba. Sa maliit na dampa sa tabi ng ilog. Subsob ang sarili. Doon sya naabutan ng mga raid, tatlong buwan na ang nakaraan. Imbes na sumuko, mas pinili pang tumalon sa ilog. Mabuti na raw ang mamatay, keysa buhay ngunit pinagpipiyestahan ng mga surot sa kulungan. Mababaw ang ilog. Kung binasbasan ka nga naman daw ng malas, sa batong nakausli pa sya tumama.

Sa hospital nya nakilala si Hepe. Maliit na lalaki. Mataba. Walang pinagkaiba ang itsura sa usok na kanyang sinisinghot. Klase ng taong mas nakakatakot kapag ngumiti. Kapalit ng pagiging malaya, isang nakakagimbal na resposibilidad ang pinilit kay Miko. Kalahating milyon maituro lamang kung saan impyerno nanggagaling ang mga demonyo.

"Sir, delikado yung pinapagawa nyo sakin," tanggi ni Miko.