Masahe

(image credit to orig uploader)


Totoo nga ang kwento ni Mike. Akala ko'y madadala na naman ako sa goodtime nya, ngunit nang biglang sumulpot ang masahista sa makitid na kurtina, e parang biglang umakyat ang dugo ko at nag-recycle ng mabilis sa loob ng katawan. Paano ba naman? Eh halos kasing hulma ng katawan nito ang coke. Kasing puti ng mga dayuhang napapanood ko sa internet, at kasing bango ng sanggol na bagong ligo. Tatalunin din nito ang 13 month pay ko dahil parang sobra-sobra pa sa bonus ang suot nyang pulang bikini.

Hindi na lugi ang wan-payb para sa serbisyong nakakapagpa-relax ng katawan. Ika nga ni Mike, kapag malapit na raw matapos kusang nag-aalok raw ng extra service ang mga 'to. Aba'y hindi pa siguro mag-uumpisa ako na ang magkukusang loob.

"Miss, yung pinaka hard.." nakangiti kong bulong.

"Sige po sir."

"Samahan mo na rin ng extra service.. Ako na bahala sayo.."

Ngumiti sya at sinimulan sa aking binti. Akyat baba sya ng paulit-ulit. Sa paa, braso, likod, hanggang makarating sa aking ulo. Maya-maya pa'y magkaharap na ang aming mukha. Nakikipag-unahan ang mga kabayo sa aking dibdib, na hindi gaano makahinga dahil nakapasan na rin ang sa kanya. Humalik ako for the sake of makapag-release lamang ng tensyon. Ganoon rin ang ginawa nya. Langit na ang kasunod. Napaka-sarap ng aking tulog.

Ginising na lamang ako ng mga boses na hindi pamilyar sa akin. Dinilat ko ang aking mga mata. Malabo. May sundot ng pagkahilo. May lalaking disente ang pananamit. Sa harap nya si Mike. Tila nagtatalo. Gusto kong tumayo ngunit hindi ko na maigalaw ang aking katawan. Hinang-hina. Napansin iyon ni Mike. Lumapit sya sa akin. Bumulong.

Holdap


Nagmistulang dagat ang kaninang butil-butil ng pawis sa noo ni Edmund. Kanina nya pa pinag-iisipan kung manglalaban ba sya o isusuko na lamang lahat ng nilalaman ng kanyang wallet. Wala halos matitira sa kanyang inaabangang sahod sa loob ng labinlimang araw. Kinalumutan nya na rin yung pinag-iipunan nyang branded na pantalon sa mall na ilang ulit nyang binabalikan at sinisilip-silip.

"Sa likurang bulsa?"

"Wala na! Nasa iyo na lahat!"

"Yung sa kaliwa ang tinutukoy ko!"

"Pero?"

"Walang pero! Akin na yan!"

Dinukot nya ito. Sumilip ang limang daang piso na may mas pinalungkot na mukha ni Ninoy Aquino. Mabagal ang kanyang kamay sa paghatid sa pwersahang humihingi. "Akin na sabi e!" agad itong inagaw sa kanya. Wala na syang nagawa. Hindi madadaluyan ng serbesa ang kanyang lalamunan ngayon gabi. Hindi sya makakadaan kay Aling Bebang para umorder ng paboritong sizzling sisig. Mas sumayad sa lupa ang kanyang baba.

"Maibibigay mo naman pala lahat e, ang dami mo pang satsat!"

"Maawa ka naman.." bulong nya.

"Maawa mo mukha mo!" sagot ng kausap tsaka sya nilayasan. Sumayaw na lamang pakaliwa't kanan ang kanyang labi, buntot ang pagkamot sa ulo.

Biglang lumundag sa kanyang hita ang kanyang tatlong taong gulang na si Nina. Dahan-dahang inangat ang maliit na palad. Senyales na bente pesos na ngayon ang minimum sa mga kabataan. Napasimangot si Edmnd.

"Isa ka pa! Doon ka sa mama mo humingi, ayun kaka-alis lang!"

Happy New Year! (Mga Dagli)

Media Noche

Marahang inihatid ng mga bisig ni Maria ang tatlong buwang gulang na anak sa hihimbingan nitong duyan. Inugoy nya pa ng ilang ulit para siguruhing magiging payapa ang tulog nito, tsaka nya inipit ang isang bote ng tinimplang gatas sa gilid ng unan para hindi nya makalimutan kung saan nya ito hahanapin kung sakaling magising sa ingay ang sanggol.

Abala ang mga tao sa pag-iingay sa pagsalubong sa bagong taon. Abala rin si Maria sa paghahanda ng munting pagsasaluhan nilang mag-asawa. Spaghetti, Macaroni Salad, at isang order ng Leche Plan na galing kay suking kumare. Aligaga sya sa pagkilos. Malapit na kasing maghiwalay ang luma't panibagong taon sa susunod na dalawang oras. Hinahabol nya rin ang pagdating ni Mister na may aabutan nang pagkain sa hapag kainan dahil galing pa itong trabaho sa Bulacan.

Hindi sya nabigo. Natapos nyang lahat ng gawain bago pa dumating ang kanyang asawa. Isang mahinahon na katok. Dahan-dahan nyang binuksan. Isang malaking ngiti ang salubong ni Mister na may dalang isang supot ng Pancit. Kasabay ng pagyakap ang malalakas na ingay na likha ng mga paputok sa labas.

Umingit ang sanggol na nasa duyan. Bahagya nyang sinilip. Napailing. Malamang nagising ito sa ingay. Napansin nyang tumutulo ang gatas na kanyang itinimpla sa ilalim ng duyan. Duda nyang nabangga iyon ng bata. Dahan-dahan nyang nilapitan. Ang inakala nyang puting gatas ay kulay pula. Nagmadali ang kanyang mga paa. Kasabay ng pagpatak ng dugo ang kanyang mga luha. Tumingala sya upang kumpirmahin ang butas kung saan lumusot ang bala.

Sumabay sa ingay na likha ng paputok ang iyak ng mag-asawa.

Caroling

Lalong ginanahan si Mang Abner sa pagkaskas sa mga kwerdas ng gitara nang sunod-sunod na kumalansing ang kanyang maliit ngunit malalim na lata. Kahit hindi nya tignan alam nyang malapit na itong mapuno. Palibhasa'y maganda ang pagkakasunod-sunod ng kanyang medley. Baon nya ang makakapag-paindak na mga kantang pamasko. Pulos bago na siningitan ng luma ngunit patok pa rin sa pang-lasa ng mga tumatawid sa tulay ng Guadalupe.

Bwenas daw talaga kay Mang Abner ang buwan ng Disyembre. Bukod sa pagbabanat ng buto sa umaga ay nakakaraket pa sya sa gabi. Kung tutuusin nga'y naging doble sa normal na noche buena ang kanyang naging handa sa pamilya, at nais nya pang maging mas malawak ang pagkain sa hapag kainan ngayong papalapit na Bagong Taon.

Isang kanta, may naghulog ng barya.

Dalawang kanta, walang tunog. Malamang higit pa sa singkwenta.

Tatlong kanta, naaninag na nya ang Fruit Salad sa mesa.

Patapos na sya nang dumaan ang tumpok ng magkaka-klaseng ginabi sa eskwela. Malayo pa lamang alam nyang nginingitian na sya ng mga 'to. Ibinalik nya sa pwesto ang gitara. Inilatag nyang muli ang lata. Tinipa ang letrang Dm at tsaka malaking ibinuka ang kanyang bibig na handa na sa pag-kanta.

Kumalansing ng doble ang lata. Lalong ginanahan si Mang Abner. Nakakapagtaka nga lang at biglang nagpulasan ang mga estudyante. Sinundan nya ng tingin habang dinudukot ang laman ng lata. Kasabay ng pagdukot nya sa barya ay ang pagyakap ng kanyang kamay sa nag-aabang na disgrasya.

Napa-indak si Mang Abner.

Pumutok ang Pla-Pla.

Humagis ang mga barya.

Parol

Pinili ni Roel ang pinaka-mahal na Parol na kanyang naabutan sa batang tindera. Medyo modelo na kinakailangan pang isaksak sa kuryente para ibigay ang napakagagandang kulay na sigurado syang maghahatid ng saya sa labi ng kanyang anak na si Rica. Nagmadali syang sumakay ng dyip para habulin ang paghihiwalay ng taon. Halos matawa ang kanyang mga kasabay. Bitbit nya ang parol gayung tapos na ang pasko. Hindi nya ininda. Malayo kasi ang Ilocos sa Maynila kaya ang hiling ng kanyang anak ay ngayon nya lamang matutupad.

Naabutan nya si Rica sa bakuran. Nasa kanang kamay ang lusis habang nasa kaliwa naman ang pansindi. Napansin sya kaagad nito kaya mabilis nyang itinago sa kanyang likod ang malaking regalo.

"Papa!" bulusok ang takbo ng bata na sinabayan ng lukso at yakap, "Akala ko hindi ka na darating e! Nasaan ang Parol?"

Dahan-dahang ipinakita ni Roel ang mamahalin at modelong Parol kay Rica. Hindi maiguguhit ng kahit sinong pintor ang tuwa sa mukha ng bata. Inalalayan nya ito papasok ng bahay. Bilang ganti, inalalayan din ni Rica ang kanyang Ama sa pagtatanggal ng sapatos.

"Nasaan nga pala ang Mama mo?" nakangiting tanong ni Roel habang kinukuskos ng palad ang buhok ni Rica.

"Na'sa kwarto po, kasama si Ninong." tipid nitong sagot.

"Ano?"

"Magpapaputok daw po sila.."

At tulad ni Mang Abner at Maria, sumabay sa ingay ng mga paputok ang galit ni Roel.









Happy new year! :)