(image credit to orig uploader)
Nahuli ko si Nene. Pilit na namang itinatago yung kabiyak ng aking tsinelas doon sa ilalim ng terasa ni Mang Ipe. Humagikgik pa matapos punasan ang natuyong sipon sa pisngi. Tumayo ako sa magandang pagkakaupo para habulin siya. Hindi pa ako nakakalapit nagtangka na siyang umiyak, dahilan para ako ang lumabas na masama. "Pilya talaga itong si Nene", bulong ko sa aking sarili.
Alas kwatro ng hapon nagsisimula ang mga pelikula sa bahay ni Mang Ipe. Maaga pa'y nakapwesto na ako para hindi maunahan ng ibang bata. Hindi pa uso ang telebisyon noon sa mga kabahayan, at tanging si Mang Ipe lamang ang mayroon sa lugar namin. Regalo ng kaniyang anak na nasa ibang bansa. Palibhasa'y walang kasama sa bahay, hinahayaan niyang mapuno ito ng mga batang katulad ko.
Magulo ngunit masaya. Pwera nga lang si Nene na iba talaga ang trip. Ilang beses na niyang tinangkang itago ang aking tsinelas. Sa dinami-dami ng mga tsinelas na magaganda, iyon pang sa akin na isang taon bago palitan ni Inay ang kaniyang gustong bigyan ng sistensiya.
"Akin na nga iyan!" bulyaw ko sa kanya noong isang beses na napikon na ako. Akma pang pagbubuhatan ng kamay, ngunit napigilan na naman nang bigla itong umiyak. "Sige umiyak ka," wika ko, pilit kong inagaw ang aking tsinelas. Nang makahanap ng pagkakataon iyong kaniya ang aking kinuha at itinakbo.
"Susumbong kita Dave!"
"Sige lang! Wala naman ang nanay sa bahay," natatawa ko pang sagot.
Initsa ko sa ilog ang tsinelas ni Nene. Pinilit ko pang lakasan ang aking tawa para iparamdam kay Nene na ako'y masaya sa aking ginawa, Habang siya'y may nag pi-fiestang luha sa mukha.
"Sa susunod na itago mo ulit ang tsinelas ko, itatapon ko ulit ang sa iyo." pagbabanta ko bago akmang aalis.
Hinawakan ni Nene ang kamay ko.
Nahinto ang aking mga paa.
"Sorry na," pabulong niyang sabi, "Magagalit sa akin si Mama."
Huli na nang mapagtanto kong ginugulpi ako ni Itay dahil nabalitaang naglublob ako sa ilog. At lahat ng iyon ay dahil sa kapilyahan ni Nene.
********