Wasak

 (image credit to orig uploader)

Nahuli ko si Nene. Pilit na namang itinatago yung kabiyak ng aking tsinelas doon sa ilalim ng terasa ni Mang Ipe. Humagikgik pa matapos punasan ang natuyong sipon sa pisngi. Tumayo ako sa magandang pagkakaupo para habulin siya. Hindi pa ako nakakalapit nagtangka na siyang umiyak, dahilan para ako ang lumabas na masama. "Pilya talaga itong si Nene", bulong ko sa aking sarili.

Alas kwatro ng hapon nagsisimula ang mga pelikula sa bahay ni Mang Ipe. Maaga pa'y nakapwesto na ako para hindi maunahan ng ibang bata. Hindi pa uso ang telebisyon noon sa mga kabahayan, at tanging si Mang Ipe lamang ang mayroon sa lugar namin. Regalo ng kaniyang anak na nasa ibang bansa. Palibhasa'y walang kasama sa bahay, hinahayaan niyang mapuno ito ng mga batang katulad ko.

Magulo ngunit masaya. Pwera nga lang si Nene na iba talaga ang trip. Ilang beses na niyang tinangkang itago ang aking tsinelas. Sa dinami-dami ng mga tsinelas na magaganda, iyon pang sa akin na isang taon bago palitan ni Inay ang kaniyang gustong bigyan ng sistensiya.

"Akin na nga iyan!" bulyaw ko sa kanya noong isang beses na napikon na ako. Akma pang pagbubuhatan ng kamay, ngunit napigilan na naman nang bigla itong umiyak. "Sige umiyak ka," wika ko, pilit kong inagaw ang aking tsinelas. Nang makahanap ng pagkakataon iyong kaniya ang aking kinuha at itinakbo.

"Susumbong kita Dave!"

"Sige lang! Wala naman ang nanay sa bahay," natatawa ko pang sagot.

Initsa ko sa ilog ang tsinelas ni Nene. Pinilit ko pang lakasan ang aking tawa para iparamdam kay Nene na ako'y masaya sa aking ginawa, Habang siya'y may nag pi-fiestang luha sa mukha.

"Sa susunod na itago mo ulit ang tsinelas ko, itatapon ko ulit ang sa iyo." pagbabanta ko bago akmang aalis.

Hinawakan ni Nene ang kamay ko.

Nahinto ang aking mga paa.

"Sorry na," pabulong niyang sabi, "Magagalit sa akin si Mama."

Huli na nang mapagtanto kong ginugulpi ako ni Itay dahil nabalitaang naglublob ako sa ilog. At lahat ng iyon ay dahil sa kapilyahan ni Nene.


********

Nahuli ko na naman si Nene. Pilit itinatago yung text messages sa kaniyang cellphone, na alam nya namang napansin ko na bago pa siya magduda. Pilit iniiba yung aming usapan matapos magpunas ng latak ng tinirang niyang spaghetti. Tumayo ako sa pagkakaupo. Gusto kong iparamdam sa kaniyang naiinis ako pero bago pa ko makapagsalita e umusad na agad ang kaniyang mga kilay. "Ibang klase talaga itong si Nene", bulong ko sa sarili.

Apat na beses lamang kami magkita sa loob ng isang buwan. Sa Maynila ang trabaho ko habang siya'y local nurse sa aming bayan. Noong isang linggo lamang ako nakabili ng modernong phone kaya noon lamang nakapagsimula sa video chat. Wala na si Mang Ipe pero iyon at iyon pa rin ang kwento niya sa tuwing kami'y mag-uusap. Nakakamiss rin. Most of time nakakasawa. Lagi pang karugtong yung kwento tungkol sa tsinelas.

Nakakainis pero masaya. Tumataas lang ang dugo ko sa tuwing nakikita kong may notification. May bagong added friends na naman sa kanyang facebook. Lalaki pa. Sa dinami-dami ng kinakatakot ko, e yun pa mismo ang kaniyang ginagawa. Minsa'y nakakawasa.

"Akin na nga iyan!" bulyaw ko sa kanya nang hindi ko na mapigilan ang sarili. Akma pang susuntok sa hangin para magmukhang galit talaga. "Sige umiyak ka!", sigaw ko. Iyon ang palagi niyang sagot sa tuwing alam na niyang pikon na ako.

"Maghiwalay na tayo Dave!"

"Good! Matagal ko nang hinihintay na sabihin mo iyan." sagot ko.

Inihagis ko ang kaniyang cellphone sa pader. Wasak. Natulala si Nene sa aking ginawa. Para bang ngayon niya lang akong nakita sa ganoong estado. Dama ko ang kaniyang takot. Hindi siya makapagsalita.

"Aalis na 'ko. Papalitan ko na lang iyan." mahina kong sambit, habang iniisip kung kaya ko ba ang desisyon.

Hinawakan ni Nene ang aking kamay.

Nawala ang aking galit.

"Sorry na," bulong niya, "Si Jun yun, yung classmate nating bading."

Huli na nang ma-realize kong nagpupulot ako ng pira-pirasong parte ng nawasak na cellphone habang iniisip kung saan kukuha ng bagong pambili.

~Wakas

0 comment/s:

Post a Comment