Inlab si Mariel

(image credit to orig uploader)

Si Mariel inlab na naman. Parang kahapon lang hindi maubos-ubos ang luha sa mga mata. Hanggang tanghaling tapat lang ang love story nila ng huli nyang boyfriend at ngayon parang xmas light kung kumutitap ang kanyang mga mata sa bagong salta sa eskwela. Kung may sukob sa pagiging brokenhearted siguro'y puro malas na ang inabot nya.

"Masama bang magmahal agad?" narinig ko pang bulong nya kay Ella. Hindi nga yata bulong yun, dahil kahit ang lalaking nakaupo sa harapan ko ay napalingon din.

"Hindi masama! Ang masama ay masaktan ng maraming beses" pangaral ni Ella. Ilang beses ko ng narinig iyon. Ang huli ay kahapon lang.

"Anong magagawa ko, eh mabilis lang akong mahulog"

"Ewan ko sayo! Ang bilis mo ngang mahulog, kaya madalas kang mauntog!" giit ni Ella. Hindi na mabilang kung ilang ulit umiling ang ulo. "Ang problema lang hindi ka natatauhan kahit makapal na ang bukol mo sa ulo"

Paikot-ikot. Pabalik-balik. Kung masasaktan sya mamaya o sa susunod na araw hindi na ko magtataka kung sa darating na mga araw ay may puso na naman sa background nya.

Hindi ko kasalanan kung marinig ko ang mga bagay-bagay tungkol kay Mariel. Mas dapat pang sisihin ang titser kong madalas sumunod sa alphabetical arrangement ng klase. Noong isang linggo nga natawa ako, dahil sa dalawang lalaki sya umiyak. Naisipan pang kumuha ng backup. Dahilan nya na kung iwan sya ng isa, ay may isa pa syang maiiwan. Ang classic lang nagkagustuhan ang dalawang kasintahan nya. Ewan ko ba. Magulo talaga ang mundo. Malas lang si Mariel at paborito syang dalawin ng kamalasan.

"Sorry! Hindi ko sadya!"

"Okay lang! Kasalanan ko hindi kita napansin sa pagmamadali.."

"No! It's my fault.."

"Sige na nga payag na ko.. Kaso paano ko naman tatanggapin ang sorry sa taong hindi ko alam ang pangalan?" si Mariel.

"Nestor! Nes nalang.."

Natawa na lang ako. Hindi talaga nagbago ang diskarte nya. Palay pa ang lumapit sa manok. Buhok nalang ang pagitan pwede na syang tawaging desperada. Nakakatuwa talagang panoorin ang love life ni Mariel. Para bang mga joke lang ni Bertud na kahit ilang ulit kong marinig ay natatawa pa din ako.

Bigla silang nawala sa canteen. Hindi ko alam kung saan sila napadpad o kung saang pader tumagos. Ang tanda ko lang nakangiti silang dalawa habang pinagsasaluhan ang tanghalian. Kung anong mangyayari ay hindi ko na din alam. Ang pag-iyak ni Mariel mamayang uwian o bukas ang nasisigurado ko lang. Repeat chorus till fade..

Si Mariel inlab na naman sa lalaking Nes nalang daw ang itawag sa kanya. Parang kahapon lang hindi maubos-ubos ang luha sa mga mata. Hanggang tanghaling tapat lang ang love story nila ng huli nyang boyfriend at ngayon parang xmas light kung kumutitap ang kanyang mga mata sa bagong salta sa eskwela.

Hindi ako nagkamali.

Basa na naman ang magkabilang pisngi nya nang madatnan ko sya sa hagdan. Walang pinagkaiba. Pupuno na naman ng dam ang kanyang mga luha. Huminto ako at inabot sa kanya ang panyo.

"Baka gamit na to ha!" nakuha pang magbiro.

"Extra ko yan. Kung gusto mo sayo nalang.."

"Kung magsalita ka parang siguradong tatanggapin ko"

"Swerte ang panyong yan. Nagpapahinto daw ng iyak.." ngumiti sya.

"Ano ulit pangalan mo?"

"Secret muna! Sasabihin ko lang kapag pumayag kang ihatid kita sa inyo ngayon.."

"Sige.." mahinahon nyang sagot "Mariel nga pala!"

"I know.."

-End


One Morning of July - 8

(image credit to melala)

***

Peace on Earth..

Sobrang imposible! Ganun ko pwedeng ilarawan kung gaano ka-imposible na magkakaroon ng July at Noel na tambalan. Para bang joke na sa sobrang lalim ay hindi magawang tawanan ng mga makakarinig. Kung may hihigit pa sa drama ng tubig at langis, siguro makukuha namin ang titulo ng top 1. Marami na kong na-experience pagdating sa pakikipag-relasyon. Kung naging malabo ang mga nauna, paano pa kaya sa isang babaeng hindi mo malaman kung ano talaga ang pagkatao?

Pilit kong hinahanap kung may instant exit para instant ko din syang palalayasin sa isip ko, kaso wala. May malaking billboard sya na pilit tumatakip sa dalawang mata ko. Nakaharang ang kanyang ngiti kahit saan ako tumingin. Linsiyak! Sana kasing dali lang ng relationship status ng facebook ang pakikipag-relasyon, na kung may relationship request ka sa kanya at na-approved naman nya. Prente! May girlfriend kana sa kaunting pindot lang, hindi pa nabawasan ang laman ng iyong bulsa.

"Kasalanan mo 'to Nancy!" bulong ko sa sarili. Ilang atras-abanteng hakbang pa ang ginawa ko.

"Hindi! Kasalanan ko 'to eh!" paninisi ko sa sarili.

"Reonico Residence" ang ibinibida ng doorbell na nasa harap ko. Feeling ko kumikindat ang apat na kanto nito at nagsasabing pindutin mo ako. Isang oras na kong nakatayo sa labas ng bahay. Hindi ko nga alam kung may July o Marta akong makikita. Basta pumayag nalang akong utuin ni Nancy na subukan ko daw ang surprise visit. Effective daw yun sa mga taong may tinatago, pero hindi sa mga nagtatago lang sa pinagkakautangan.

Noong una ayoko pa. Nag-iisip palang kasi ako ng dahilan eh parang ilang beses ng nagamit ang lumalabas na linya. Kung magkikita man kami, hindi ko din alam kung anong una kong sasabihin. Paano kung si Mr. Reonico ang tao sa likod ng pinto? Ako pa ang na-surprise sa surprise visit na ginawa ko. Magulo ang set-up. Magulo pa sa abstract na ginuhit ng isang bata.

"Malalaman mo lang ang lahat kung mabibisto mo sya sa actual!" ang mahiwagang linya ni Nancy.

"Sa tingin mo ba magsasabi na sya ng totoo?" ang sagot kong tagos pa sa langit ang paniniwala.

"Walang mawawala kung susubukan mo di ba? Tsaka ang tao kapag nasa state na nahuli mawawalan na sya ng dahilan para magsinungaling pa" support nya para tuluyan akong maging believer.

"May point ka nga.." ako sa estadong isang daang porsyenteng naniwala.

"Hindi ba tama ako? Oh, eto address! Kinulit ko pa si Ma'am Aileen para dyan" nakapaghanda na pala ang babaeng may talent sa pangungumbinsi.

Parang nakikita ko si Nancy na tumatawa sa mga oras na to. Tumutulo ang pawis ko kahit malamig ang hangin at may bahagyang ambon. Pero nandito na ko. Walang plan B na suggestion ang babaeng nagpahamak sa akin. Kabado kong pinindot ang nakangising doorbell habang tinatawag ang mga pangalan ng kilala kong santo. A to Z, at known hanggang sa forgotten.

Dalawa, tatlo, limang minuto. Walang nagbukas ng gate. Lalo pang bumilis ang rotation ng dugo ko sa buong katawan ng muli kong pinindot ito. Nakiramdam ako. Malikot pa sa dalawang pusang naghahabulan ang mga mata ko.

Nakahinga lang ako ng maluwang ng biglang lumaki ang mga patak ng ulan. May excuse na ko kay Nancy kung sakaling magtanong sya kung anong resulta. Makakaiwas din ako sa posibleng ikapahamak ko kung si Mr. Reonico ang taong haharap sa akin. Higit sa lahat mas maganda siguro kung magsinungaling nalang ako, at sabihing walang nagbukas ng gate.

Aatras na sana ako nang may malakas na busina na gumulat sa akin.

"May hinahanap ka ba?!" wala naman akong parkinson's disease pero sa boses palang ng babaeng nagsalita ay nakalimutan ko yata kung paano gumalaw. Yung dalawang paa ko tila na-inlab nalang bigla sa kinatatayuan ko.

"Naligaw ako eh! na-stranded sa lakas ng ulan.. Bahay nyo?" hindi ko alam kung matatawa ba ko sa palusot ko habang tinuturo ang malaking bahay na nasa likuran ko.

"Alis na ko.. Malapit na siguro sakayan dito" dugtong ko pa.

"Sumakay ka na! Ayokong dalawin ng konsensya kapag nagkasakit ka.." wika ni July habang dahan-dahang umaangat ang salamin ng auto.

Kung blessing ang ulan kahit magkasakit pa ko ng ilang ulit, basta ba biglaan nalang syang susulpot ay sobrang ayos lang. Banat na banat ang labi ko sa sobrang tuwa ng sumakay ako ng kotse. Mabilis nyang pinaharurot ang sasakyan.

"Ang layo naman ng inyo dito para mapadpad ka. Saan ba lakad mo?"

"Grocery!" one word, english, sablay. "Naghahanap ako ng grocery store. Naloko yata ako ng google.."

"Mukha bang mall ang village namin? Sana nagtanong ka nalang kung balak mong dumalaw.."

Hihirit pa sana ako pero mukhang hindi na lulusot. Mukhang sa umpisa palang alam nya ng sya ang hanap ko at imposible talagang paniwalaan ang mga alibi ko.

"Ikaw? Saan ang lakad mo? Mukhang pauwi kana. Na-abala pa yata kita.."

"Sa work.. Bumalik lang ako para i-confirm kung naka-alis na ba si Dad.."

Si Dad? Malinaw ang pagkakasabi nya. Kung hindi ako nagkakamali sya si Marta sa mga oras na 'to. At ano naman ang work? May trabaho pala sya. Nakakapagtakang may company ang Dad nya pero mas pinili pa nyang mag-trabaho sa iba. May sanib talaga ang babaeng 'to. Unpredictable at sobrang tago ang emosyon kaya mahirap mahuli.

"May trabaho ka pala.. Saan?"

"I'm a dentist"

"Talaga? Sumakit yata bigla ngipin ko. Saan ba clinic mo?"

"Ngipin ba sumakit o gusto mo lang matitigan ng maigi ang mukha ko?"

Hindi ako sure kung may g-spot ang lalaki. Kung meron man, mukhang nadali nya. Nailarawan ko agad ang eksena sa isip ko. Ang mukha nya, malapit sa mukha ko. Malalalim na bitaw ng hininga at nangungusap na mga mata. Isang patunay na may langit sa lupa at may anghel na nagmamaneho.

---

Si Marta, napakasarap pagmasdan. Para syang painting na sa unang tingin ay hindi mo malalaman ang ibig sabihin hangga't hindi mo natutuklasan ang lihim na nakapaloob dito. Habang tumatagal ang minutong kasama ko sya, para bang lalong napapasarap ang pagsilay ko sa kanyang mukha. Pilit kong tinutuklas kung anong mayroon sa mga kilay nya habang salubong ito. Sabay pa sa mga mata nyang sa kalsada lamang ang atensyon. May simpleng flashback sa isip ko yung eksenang nagising akong kasama sya. Kung paano sya magalit at kung paano sya ngumiti.

Mahaba pa yata ang bangs ko kaysa sa panahong nakasama ko sya, pero may kakaibang suntok sa pagkatao ko sa tuwing nariyan sya. Gift. Tila regalo sya na palagi akong excited. Lagi akong nasasabik kung anong bagay ang gugulat sa akin na nasa loob ng kahon. May undying feeling na parang first time sa maraming pagkakataon na paulit-ulit.

"Ganyan ka ba talaga ka serious?" basag nya sa pagde-describe ko.

"Ako? Ikaw nga tong walang imik!" giit ko.

"Hinihintay lang kitang magsalita, magkwento." seryoso nyang sagot matapos ay ibinalik agad ang tingin sa pagda-drive.

"Mamaya isusulat ko sa diary yung aksidenteng pagkikita natin" pilosopo kong sagot.

"Yun lang kasi ang magandang kwento sa buhay ko ngayong araw na 'to"

Lumiwanag ang mukha nya sa pambobola ko. Ang sarap sa pakiramdam na kaya ko palang pangitiin ang suplada at seryosong si Marta.

"Ilang babae na ba nabiktima ng linya mo?" nag-kibit balikat lang ako. Tumawa sya ng malakas na para bang wala sa sarili. "Mas bagay kasi sayo ang seryoso, kaysa mangbola!"

"Maniniwala ka ba kung sasabihin kong ikaw pa lang?" seryoso ako.

Tinitigan ko sya sa mata. Eye to eye contact. Pinilit kong huwag kumurap. Kabisado ko ang babae kung sa mata lang ang pag-uusapan. Madalas silang mahuli kung may kakaibang tensyon ang namamahay sa kanilang mata. Hindi ako nabigo. Malikot ang mga mata ni Marta. Wala pang sampung segundo ibinalik na nya sa kalye ang tingin. Para bang wala pa sa sarili at muntikan ng mai-shift sa reverse ang kambyo.

"May problema?" tanong ko. Sunod-sunod na iling lang ang sagot nya.

Ang mood ng babae xerox copy ng climate change yan eh! Biglaang uulan sa gitna ng sikat ng araw. Biglang tatahimik sa isang magandang kwentuhan. Siguro babae din ang nagpauso ng may ikinakasal na tikbalang, para gawing palusot kung sakaling maihahambing sila sa pabago-bagong panahon. At may isang ingleserong nagdeklarang mood swing nalang ang itawag. Hindi nga naman magandang pakinggan ang nauna lalo na't malayo sa kabayong tao ang babaeng katabi ko.

Nakakagulat ng bigla nalang syang walang imik. Awkward yung nagdaraang minutong puro buga lang ng aircon ng kotse ang namamayani sa paligid.

"Dito na tayo"

"Oh, anong gagawin natin dito?"

"Masakit ngipin mo diba? Tara na!"

"Hindi naman--"

Agad syang bumaba ng auto at hindi na hinintay pa ang sasabihin ko. Ibang klase! Bumungad sa akin ang clinic. Napangiwi ang kilay ko. Sineryoso nya pala ang biro kong masakit ang ngipin ko. May trauma pa naman ako sa huling dentistang nakadigmaan ko noon, na ang planong pasta ay naging extraction.

Hindi na ko nakatanggi pa. Kung alam ko lang na sa ganito babagsak ang plano ni Nancy, sana sinabi ko nalang na gutom ako. At least sa restaurant ang bagsak namin at hindi sa dental chair na kinalalagyan ko ngayon. Ngunit agad naman natapos ang pagsisisi ko nang napansin kong halos 5 inches lang ang layo ng mukha nya sa akin.

Pinagmasdan ko syang maigi. Mas mapungay pala ang mga mata nya sa malapitan. Nakakagulat din na may maliit syang nunal sa dulo ng kanyang kaliwang mata. Dama ko ang pagbilis ng kabog sa dibdib ko, lalo na kapag umiiwas sya ng tingin sa akin. Gusto ko ang pakiramdam na tila nakikipaghabulan ako sa kanya. Maya-maya pa'y bumagsak at tumakip sa pagitan ng mukha namin ang kanyang buhok na kumalas sa pagkakasampay sa kanyang tenga.

Mabilis ang paglunok ko ng laway ng hawiin nya iyon. Nahalata nya ang pagtitig ko sa kanya. Alam kong ngumiti sya dahil naningkit pa ang kanyang mga mata.

"You're funny!" sambit nya kasunod ang pagtawa.

"Bakit?"

"Seryoso ka talaga sa pagpapatingin ng ngipin mong hindi naman sumasakit!" tinanggal nya ang mask sa kanyang mukha at inilapag ang mga gamit.

"Kanina ko pa gusto sabihin sayo, pero tingin ko mas gusto mo yatang hindi marinig.."

"Makapal ang mukha mo!"

"I know! Mas kakapalan ko pa ngayon.."

Mabilis kong iniangat ang aking ulo. Nagulat si Marta sa ginawa ko. Halata iyon sa pamimilog ng kanyang mata. Alam kong wala sa plano, pero pasok naman yata sa kategorya ng panghuhuli ang panggugulat.

Hindi ko na inisip kung ano ang posibleng mangyayari. Kung anong magiging reaksyon nya. Kung anong magiging estado ko pagkatapos, at kung anong instrumento ang ihahambalos nya sa mukha ko. At kung anong kaso ang pwedeng ilaban sa akin.

Wala sa plano ang ginawa kong paghalik kay Marta.

Hindi ko na maramdaman kung may inaapakan pa ba ang mga paa ko. Para kasing lumulutang ako sa mga sandaling 'to. Pwede na siguro akong pumanaw sa ganitong sitwasyon. Matagal ang halik na yun! Parang umikot ng mabilis ang mundo sa loob ng limang segundo. Nag-aabang pa ko ng isa pa, kaso may narinig akong umubo.

"Guys sorry! Promise wala akong nakita!"

Napalingon ako sa pamilyar na boses.

"Naistorbo ko yata kayo.." tatalikod na sana sya ng pigilan sya ni Marta.

"You're late, Nancy.."



tbc..

Bahaghari

image credit to Art Project for Kids

Ang Love minsan parang bahaghari. Biglaang susulpot at mabibighani ka sa ganda, pero biglaan din maglalaho at madidismaya ka. Nakakainis isipin na kung kailan napukaw nya ang tahimik na ilog dyan sa puso mo, ay tsaka mo lang malalaman na hindi pala sya talaga para sayo. Badtrip no?

Si Miles ang dahilan kung paano ko nakilala ang Lemery, Batangas. Isa sya sa libo-libong tao na binibida ni Gloc sa kantang Sirena. Si Jay sa kantang Hey Jay ng Eheads. At ang tao sa likod ng kantang Ituloy Mo Lang ng Siakol. Isang malapit na kaibigan. Kung hindi dahil sa kanya siguro hindi ko din alam na may jeep ang buhay ng tao.

"Malapit na kami! As in malapit na!" si Miles habang kausap ang client sa phone.

Alam kong imposible ang sinasabi nyang malapit na dahil malinaw pa sa mga mata ko ang kahabaan ng EDSA. First time kong pupunta ng Batangas. Nakaka-excite na makakapunta ako sa isang parte ng pinas na dati'y sa lesson lang ng teacher ko naririnig.

Cavite, Tagaytay, Batangas! Sobrang na-enjoy ko ang pagtulog sa byahe. Ginising na lamang ako para bitbitin ang mga gamit namin. Bumulaga sa mga mata ko ang venue. Madaming tao. Lahat nakangiti. Lahat busy. At lahat ng pipinturahan ang mukha ay naghihintay na pala sa pagdating namin. Make-up artist si Miles. Ang bride at ang mga alipores nito sa altar ang syang kliyente ng kasama ko.

Naupo ako sa isang sulok ng katabing bahay. Doon kami naka-assign na mag-stay. Gabi ang kasalan at siguradong bukas pa ang byahe pabalik ng maynila. Alas kwatro ng hapon. Mahaba pa ang uubusin kong oras, pero ngayon pa lang nakakaramdam na ko ng pagka-boring.

"Nakakagutom ang byahe, kain ka muna!" tatanggi pa sana ako kaso inilapag na sa harap ko ang isang paper plate na may pagkaing mayaman sa cholesterol.

Magpapasalamat pa sana ko pero hindi na nangyari. Napako ang mga mata ko sa hitsura nya. Speechless. Love at first sight. Pakiramdam ko'y may rambol ang daga sa dibdib ko at butterfly sa stomach ko. All out clash!

"Teka miss!" mabilis kong habol.

Alam mo yung tipong lilingon ang isang babae sayo. At yung lipad ng buhok nya sa ere, pati ang inosente looks sa kanyang mukha? Tapos ang tanging masasabi mo ay..

"May tubig kayo?"

Walang joke sa sinabi ko, pero napangiti ko sya. Kinabahan ako kasi hindi ko alam kung paano susukli sa klase ng kanyang smile. Tsaka ko lang naalala na may tubig nga pala kahit saang parte ng pinas. Hindi ako mapakali. Malikot ang mga mata ko habang inaabangan ang kanyang pagbalik. Pilit hinahawi ng tingin ko ang mga taong nakaharang sa posibleng dadaanan nya pabalik sa pwesto ko.

Maya-maya pa'y nakita ko na sya. Bitbit ang isang basong tubig, maingat nya iyong inilapag sa maliit na mesa sa harap ko. Nagkatitigan kami. Mabilis lang pero parang slow. Naroon yung hype na parang first time mo lang sa prom.

"Melvin nga pala.."

"Karen.."

Kung iisiping maigi ang korni talaga ng pag-ibig. Kung wala yung magical na feeling na pino-produce ng dalawang tao siguro kahit korean drama ay hindi magiging mabenta. Naroon kasi yung mahusay na delivery kahit hindi totoo ang eksena. Hindi ko alam kung may fake o excited lang talaga ang pakiramdam ko. Yung tipong unang pili mo palang sa isang pyesa ng malaking puzzle ay alam mo ng fit yun. Alam kong weird, pero unang kita ko palang sa kanya alam ko ng mahal ko sya.

Lust at first sight? Love? Corny..

"Talaga?! Akala ko boyfriend ka nya." sinundan pa iyon ng malakas nyang tawa. Hindi daw sya kumbinsido sa friend relationship namin ni Miles. Mukha daw akong jowa.

"Eh, ikaw nasaan ang boyfriend mo?" tanong ko.

"Hulaan mo.." tumingin ako sa paligid.

"Yung lalaking naka yellow kanina pa nakatingin satin, sya ba?" sarcastic look ang binitiwan nya.

"Mali. Yung spike ang buhok pangiti-ngiti sayo.."

"What I mean is hulaan mo kung meron o wala!" giit nya.

Oo nga naman. Hulaan ko kung meron o wala. Hindi yung hanapin ko kung nasaan. Pero sa pagkakasabi nya, may bagay na naglalaro sa isip ko.  Mabigat ang bangko para buhatin, sa pagkakaintindi ko may pahapyaw sya sa gusto nyang paghahanap ko sa kung meron o wala. Magulo. Palibhasa mabilis ang mga pangyayari.

Light conversation lang ang usapan kaya bawat salitang sasabihin nya ay parang masarap na putaheng ninanamnam ko muna bago lunukin. Masaya sya kausap. Witty at sobra sa sense. Hindi na ko magugulat kung sa susunod na pagkikita namin ay hindi ako mahihirapang kausapin sya. Marami syang kwento. Kahit tipid ay malaman. Nawala ang pagkaboring ko.

"Gusto mo ng wine?" si Karen. Tumango lamang ako.

Binuksan nya ang isang red wine at maingat na nagsalin sa dalawang baso. Napakapino ng kilos nya. Bagay na bagay sa inosente nyang mukha. Kung ideal girlfriend lang ang pag-uusapan, sya na siguro ang lagi kong bida sa lahat ng aking magiging kwento.

"Cheers!" iniangat ko ang baso at tinapik iyon sa kanya.

"Bakit ka nga pala na-engganyong sumama sa kanya?"

"Kay Miles? Wala lang.. Curious lang ako sa kapeng barako." biro ko. 

"Ang totoo kasi, masarap ang pakiramdam ng mag travel sa kung saan-saan! Nakakatuwang magmasid habang nasa byahe.." tsaka ko naalala yung mahabang tulog na ginawa ko kanina papunta dito.

"Ikaw? Dito ka din ba nakatira?"

"Hindi, pero may relatives ako dito"

"Kamag-anak mo yung ikakasal?"

"Close friend ko" nakangiti nyang sabi.

Ang Love parang bahaghari yan. Minsan lang sumulpot pagkatapos ng ulan. Minsan malinaw, minsan malabo. Pero sa mga sandaling 'to. Malinaw pa sikat ng araw ang nararamdaman ko. Makulay pa sa bahaghari ang ngiti ko.

"Mamaya after the wedding sana may chance na makausap pa kita ulit"

"Oo naman! Bukas pa daw ang alis namin" masigla kong sagot.

"Thanks! Nag-enjoy akong kausap ka.." pagkasabi'y agad syang tumayo.

Ngumiti lang ako. Nagpapa-alam palang sya iniisip ko na ang pagkikita namin mamaya, bukas, at kung papalarin sa ibang araw. Sa ibang lugar. Naglakad sya papalayo sa akin hanggang sa hindi ko na sya matanaw. Naglaho nalang sa kapal ng tao sa paligid.

Sumandal ako. Napako ang tingin sa basong hawak nya kanina lang. May bakas pa ng kanyang labi sa bibig nito. Nakakatawang isipin na parang gusto kong halikan ang baso. Nakakapang-akit ang hugis ng iniwan nyang bakas, pero 'di ko ginawa. Hindi magandang tignan kung may makakakita.

"Dito nalang tayo maupo. Ayoko sa harap masyadong matao.." wika ni Miles habang binubuksan ang bote ng beer.

Tapos na ang kasalan. Hinihintay nalang namin ang pagdating ng bride at ng groom. Bakas sa mukha ng mga bisita ang kasiyahan. Lahat tila hindi mapakali, pero hindi ako. Si Karen ang unang pumasok sa isip ko. Inaabangan ko yung chance na sinabi nya bago sya umalis kanina.

Nagbukas ako ng beer. Marahan kong nilagok. Banayad ang daloy sa lalamunan ko. Parang usapan lang namin kanina. Swabe.

"Naku! Huwag mo na syang hintayin, 'di na babalik yun.." basag ni Miles sa katahimikan ko.

"Sino?!"

"Si Karen ba hinihintay mo?"

"Bakit mo alam?" gulat kong tanong.

"Nakita ko kayo kanina. Huwag mong sabihing type mo sya.."

"Friend lang.." pagsisinungaling ko.

"Part lang sya ng journey mo sa buhay.. Parang jeep yan na hihinto sa harapan mo kahit hindi mo parahin, then ihahatid ka sa lugar na nais mo. Pero kahit anong mangyari darating yung point na bababa kana.." sa tono nya parang alam na nya ang lahat.

"Paano kung nawili ako sa maikling byahe?"

"Yun ang masama.."

Hindi agad ako nakapagsalita nang magpalakpakan at naghiyawan ang mga tao sa paligid. Dumating na pala ang bagong kasal. Iniangat ko ang bote ng alak. Napangiti lang si Miles sa akin.

"Shot.." bulong nya. Napailing ako.

"Mas maganda pala si Karen sa gown nyang suot.." sambit ko.

Ang love ay parang isang makulay na bahaghari. Biglaang susulpot ng hindi mo inaasahan. Bigla kang maiinlab ng hindi mo namamalayan. Pero tulad ng bahaghari, asahan mong hindi ito pangmatagalan dahil saglit lang itong magpaparamdam.


-End

Stranded

image credit to orig uploader

"Nabawasan lang pag-aalala ko nang tumawag si Rachel kaninang umaga!"

Inilapag ni Janice ang isang basong juice sa harapan ko. Ang dalawang piraso ng yelong korteng parisukat ang dahilan kung bakit basang-basa ang kabuuan ng baso. Hindi naman ako naglakad patungo sa bahay nya, pero pakiramdam ko'y tuyong-tuyo ang lalamunan ko. Agad akong lumagok. Nagka-brain freeze pa ng maabot ko ang hangganan nito.

"Sinubukan kong tumawag sayo, kaso mahina ang signal sa lugar kung saan kami nasiraan.." paliwanag ko kay Janice.

"Sa susunod kasi siguraduhing maayos ang lagay ng kotse bago mag-byahe! eh kung hindi lang pala ang baterya ang problema, eh di nadisgrasya pa kayo.."

"Pinaliguan ko nga ng papuri ang truck driver na tumulong samin. Akalain mong may mabuti pang kaloobang nabubuhay sa lupa" biro ko.

Nilisan ko ang sofa at niyakap si Janice mula sa likod nya. Mahigpit ang isang iyon. Para bang sabik na sabik akong muling makita sya. Marahan kong hinawi ang kanyang buhok. Lumantad sa aking mga mata ang kanyang maputing batok. Banayad ko iyong hinalikan.

"Kamusta si Rachel?" mabilis syang umiwas at naglakad ng ilang distansya papalayo sa akin.

"Hinatid ko na sa kanila.. Hindi nya na daw kaya pang dumiretso dito. Sumama yata ang pakiramdam.."

"Sayang naman ang mga inihanda ko.. Nag-abala pa ko para sa celebration na 'to. Kung alam ko lang na magkaka-aberya sana sa restaurant nalang ang set-up.."

"May next time pa naman! Maganda naman ang araw sa labas, bakit di nalang tayo umalis.." maingat kong anyaya. Kabisado ko sya kapag wala na sya sa mood.

Girlfriend ko sa Janice. Sampung taon. Bestfriend nya si Rachel, na syang dahilan para magkakilala kami. Noong una, akala ko'y sa ubusan lang ng init ng katawan matatapos ang lahat. Never sumagi sa isip kong magtatagal ang relasyon namin. Hanggang sa nakikita ko na lang ang sariling nagbibilang ng araw sa paparating na anibersaryo. Isa, dalawa, tatlong taon. Hanggang sa biglang ayoko nalang mawala sya sa buhay ko.

---

"Bakit ba kasi dito mo pa napiling tumira? Kahit masikip ang Maynila, marami pa ding lugar na pwede mong pagpalipasan ng oras.." sermon ko kay Rachel habang kinakarga ang mga gamit nya sa likod ng kotse.

"Maganda dito! Tahimik at malayong malayo para sundan pa ni Benedict!" galit ang boses. Pinitik ang yosing hawak sa kalsada.

"Wag mong pansinin! Tatahimik naman yung tao kung hindi ka magbibigay ng kahit anong reaksyon sa mga sinasabi nya. Hinahayaan mo kasing maapektuhan ka, kaya ka nasasaktan pa din"

"Huwag mo na kong sermunan Jojo! Sawang-sawa na ko nyan kay Janice!"

"Babae si Janice. Lalaki ako. Magkaiba ang pananaw namin sa mga ganyang bagay.."

Si Rachel. Wasak ang puso dahil sa boyfriend na si Benedict. Kung aprubado na nga daw ng NASA ang Mars para tirahan siguro ginawa na nya, malayo lang kay Benedict at tuluyang makalimutan. Nag-byahe ako mula siyudad para lang sunduin sya. Ang totoo pinasundo sya ni Janice para sa isang celebration. Para na din siguruhin kung maayos ba ang lagay ng kaibigan.

"Wala ka bang nakalimutan?" tanong ko kay Rachel habang kinakabit ang seat belt.

"Kung nasa loob ng bahay si Benedict, sana sya nalang nakalimutan ko!" natawa nalang ako sa sagot nya.

May kulog at kidlat sa langit. Wala namang banta ng masamang panahon nang umalis ako ng maynila kaya nakakagulat ng bigla nalang bumugso ang ulan. Nakakainis pa ang madulas na kalsada. Dagdag pa ang katahimikan ni Rachel. Pakiramdam ko kahit walang eyebag ay emo na din ako.

May sumpang dala ang babaeng katabi ko. Umuulan kanina. Tapos nag-traffic nalang bigla. Nag-declared ang kotse ko. Biglang nasiraan. Sa gitna ng madilim na kalsada ay ayaw nalang nya biglang umandar. Peste!

"Syet naman! Ganitong ganito yun eh!"

"Ang alin?"

"Kung paano kami nagkakilala.."

Ibang klase. Problema ko kung paano kami makakawala sa pagkaka-stranded. Ang bestfriend ni Janice iba ang sapi sa utak. Mas inuna pa ang wasak nyang love life. Sinabayan pa ng iyak.

"Okay lang yan.. Step by step malilimutan mo din sya.." pinilit ko nalang intindihin sya, kesa  sumabay pa ko sa pagkasira ng auto.

"Ang sakit! Sobrang sakit!"

Niyakap ko sya. Ewan ko. Biglaan ko nalang gustong patahanin sya. Naging malikot ang kanyang mga mata matapos ko syang bitiwan. Hindi ko din alam ang nasa isip nya nang biglaan nyang hinawakan ang kamay ko. Uminit ang likod ng mga tenga ko. Ramdam ko ang bilis ng kalabog ng dibdib ko.

"Halikan mo ko!" utos nya.

----

"Tuloy ba tayo?" tanong ko kay Janice. Walang imik. Malabo ang mukha ng telebisyon pero nakuha nya pa ding titigan lang ito. "Janice, ano alis pa ba tayo?"

Sumandal lamang sya sa balikat ko. Nag-isip na ko. Mukhang may hindi tama at siguradong may mali. Kinabahan ako. Walang nakaka-alam na may nangyari nang gabing na-stranded kami ni Rachel. Sigurado akong hindi nya kayang sabihin iyon dahil sya din naman ang may gusto.

"I love you.." bulong ni Janice.

Nawala ang kaba ko. Nahanap na siguro ng mga daga ang exit sa dibdib ko. Inabot ko ang remote control ng tv na nakapatong sa maliit na mesa. Katabi iyon ng basong pinagsidlan ng juice kanina. Pinatay ko ang tv tsaka humarap kay Janice.

"Tumawag sakin si Rachel kaninang umaga. Nag-alala talaga ako sa inyo." wika nya.

Nagrebolusyon ang tiyan ko. Biglaan nalang ang pagsakit. Pakiramdam ko'y babaliktad ang sikmura ko. Maya-maya pa'y nawalan na ng pakiramdam ang ibabang bahagi ng katawan ko. Umiikot ang aking paningin.

"Sinabi sa akin ni Rachel lahat-lahat.. Bakit mo yun nagawa?! Bakit?!" biglaang tumaas ang boses ni Janice. Nag-iba ang kanyang hitsura.

"Hindi ko sadya! Hindi ko sinasadya!" wala nang pakiramdam ang katawan ko. Lumalabo na ang paningin ko.

Dahan-dahan syang lumapit sa akin at inalalayan ako sa pagkakahiga. Takot ang naramdaman ko. Hindi sa nagawa ko, kundi sa kakaibang ngiti ni Janice sa harapan ko.

"Sampung taon! Sampu! Alam mo ba kung anong celebration?" hindi ko magawang sumagot. Paralisado ang dila ko.

"Buntis ako.."

Bago dumilim ang paligid nasagi ng mga mata ko ang baso. Nakapatong iyon sa maliit na mesa. Basa pa din ang buong katawan nito dahil sa lamig.

-end

Si Joshua sa Osmando

"Saan na po tayo pupunta?" may pagkasabik sa boses ng anim na taong gulang na si Joshua. Hinawakan pa ng mahigpit ang kamay ng matandang umaalalay sa kanya.

"Malaki ang Osmado apo, marami kang makikitang maganda dito.." sagot ni Mang Felipe.

Mainit, ngunit may bahagyang pag-ihip ng hangin sa paligid dahilan para umaliwalas ang lugar. Malaking tulong din ang mayayabong na sanga ng mga puno sa Osmando para sa mga taong nagpapaikot-ikot dito. Tahimik at tamang tama para sa mga gustong mag-relax. Ngunit sa gandang ibinibida ng Osmando, tila wala ng mas gaganda pa sa mga ngiti ni Mang Felipe.

"Alam mo matagal na kitang gustong ipasyal dito.." bulong ng matanda kay Joshua. Hindi na napigilan ang sarili at kinarga pa ito.

"Bakit po kasi hindi kayo nagpupunta ng bahay?" tanong ng bata.

"Ayaw kasi akong payagan ng daddy mo.."

"Mabait naman po si daddy eh! Sabi nya pa nga gustong-gusto nya daw na magkita tayo.." paliwanag ni Joshua.

Natuto ng iguhit ni Joshua ang family tree ngunit laging blangko ang nag-iisang sanga para sa hindi pa nakikilalang miyembro ng pamilya. Mula ng ipinanganak ito hindi pa sila nagkaroon ng tyansang magkita. Madalas na din ang tanong ng bata tungkol sa kanyang lolo, dahil sa napapanood nito sa telebisyon. "Magkikita din kayo.." ang laging sagot naman ng kanyang ama.

Nang mabalitaan ng matanda ang tungkol sa kanilang pagkikita, hindi na nya napigilan ang mga ngiti't luha. Agaran syang nagpatahi ng mga isusuot sa kanyang paboritong sastre na gagamitin nya sa araw na iyon. Hindi maitatago ang kasiyahan sa katauhan ni Mang Felipe. Sa loob ng sampung taon na hindi nya pagpapakita sa anak, hindi na sya umaasang makikita nya pa ang kanyang nag-iisang apo dito. Dagdag pa ang anim na taong naging pasakit para sa kanya, dahil sa paglaki ni Joshua na hindi nya man lang nakita kung paano gumapang.

Ngayon na ang araw na iyon. Hindi sya nabigo. Kasama na nya si Joshua at ang Osmando ang lugar na sa tingin nya'y magugustuhan ng apo para pasyalan.

"Masayang masaya nga ako at pumayag ang daddy mo.. Noong una nga akala ko magagalit sya at magtatas ng boses, pero sa huli pumayag din naman" paliwanag ng matanda kahit hindi siguradong maiintindihan ng bata.

"Malayo po ba ang abroad? Sabi kasi ni daddy sasakay pa ng airplane para dalawin ka.."

"Malayong malayo apo.."

"Sinabi po ba sa inyo ni Jesus na gusto kitang makita? Lagi po kasi akong nagdadasal para umuwi ka na.."

"Lahat ng 'yon sinabi nya, kaya nga nandito na ko e!" natatawang sagot ni Mang Felipe.

Ito na marahil ang pinakamasayang araw ni Mang Felipe. Makulay pa sa bahaghari ang kanyang ngiti. Lubos ang pasasalamat sa maykapal, sa kabila ng kanyang mga nagawa. Bumuhos ang mga luha sa kanyang magkabilang pisngi ng maalala nya ang lahat.

Huli na ang lahat ng mabalitaan nyang tinapos na ng kanyang may bahay ang sariling buhay ng malamang may kinakasama syang iba sa ibang bansa. Nagdulot iyon ng matinding depresyon hindi lang sa kanyang asawa, pati na din sa kanyang anak. Sampung taon syang hindi nagpakita. Walang balita. Walang bakas. Walang nakaka-alam kung nasaan si Mang Felipe. Matapos iluwal sa mundo si Joshua, tsaka lang ulit ito lumantad.

"Noong maliit pa ang daddy mo, dito ko din sya madalas ipasyal"

"Talaga po? Kaya pala sabi nya maganda daw po ang pupuntahan natin.." wika ni Joshua.

"Sinabi nya yun?" hindi makapaniwala ang matanda.

"Opo! Sabi nya pa nga po eh, gusto nya daw pumunta dito para tatlo tayong mamasyal"

"Hindi ba sya galit sa akin apo?" mahinang bulong ng matanda.

"Hindi po! Hindi! Lagi ka po nyang kinukwento bago ako matulog. Sabi pa nga po nya kapag nagkita daw po kayo ay magsasabi sya ng sorry.."

Niyakap ni Mang Felipe si Joshua. Mahigpit. May kahulugan at may kasiyahang hindi mapantayan.

"Ito sa iyo nalang yan. Para sa daddy mo talaga yan, pero sayo na lang.."

Napangiti si Joshua. "Itatago ko nalang po. Ibibigay ko kay daddy mamaya.."

Sa pamamasyal, hindi napigilan ni Mang Felipe ang magkwento pa ng tungkol sa kanilang mag-ama. Ang mga lugar na kanilang napuntahan, masasayang ala-ala, at mga paborito ng anak mula sa pinakamaliit na bagay hanggang sa malalaking pangarap. Si Joshua, kahit hindi naiintindihan ang iba ay natutuwa namang makinig. Halata ang pagkalibang sa matandang ngayon nya lamang nakita, ngunit laman na ng kwento ng kanyang ama.

Sumapit na ang hapon. Oras na para magpaalam. Lalabas na sila ng Osmando. Ihahatid na nya ang apo sa nakatakdang sumundo dito. Mabagal ang kanilang hakbang na para bang ayaw pang mawalay ni Mang Felipe kay Joshua.

"Lolo sa susunod po isasama ko si daddy!" masayang wika ni Joshua.

Sunod-sunod na tango lamang ang naging sagot ng matanda habang nakatanaw sa dalawang taong nag-aabang sa gate. Nangilid ang kanyang mga luha.

"Ba-bye po!" paalam ng bata kasunod ang halik sa pisngi ni Mang Felipe.

Tumakbo si Joshua tungo sa dalawang lalaking susundo sa kanya papalabas ng Osmando. Niyakap nya ang una.

"Daddy! Para sayo daw po ito, bigay ni lolo.." sabay abot ng lollipop na malapad at may iba't ibang kulay.

"Kamusta ang pamamasyal nyo?" tanong nito.

"Masaya po! Sabi ko po kay lolo sa susunod tatlo na tayo.." ngumiti lang ang kanyang ama at mabilis syang kinarga.

"Uwi na tayo ha.. Sa linggo nalang natin sya ulit dalawin.." bulong ng ama ni Joshua, sabay harap sa kasamang naghihintay sa kanilang pagdating.

"Dok, kayo na pong bahala sa tatay ko. Babalik ulit kami sa susunod na linggo para mamasyal dito sa Osmado.."

-end


Lahok sa Saranggola Blog Awards (Ikaapat na taon) sa kategoryang Kwentong Pambata.


inilunsad sa pakikipagtulungan ng



sponsor






Isang Libong Hakbang

Kulay kahel na ang tubig sa Ilog Pasig gawa ng repleksyon ng papalubog na araw sa kanluran. Nagbibigay iyon ng magandang liwanag sa parkeng katabi. Lalo pang tumindi ang pagnanais ni Chris na manatili sa pagkakaupo sa lumang bangko na gawa sa kahoy. Hindi mawala sa kanyang paningin ang mabagal na usad ng nagdaraang bangka. Mabagal at dahan-dahan. Mula sa kanan patungong kaliwa.

"Mani at gulaman?!" biglaang sulpot ni Sheena sa kanyang likuran. Bitbit ang isang dakot na piniritong mani at kulay berdeng malamig na gulaman. Iniharang pa ito sa paningin ng binata na tila nang-aasar.

"Ayaw mo ba?" malungkot na tinig ng dalaga. Aktong magsusuplada pa ng suklian sya ni Chris ng ngiti. "Akala ko ayaw mo e.."

"Syempre gusto ko! Paborito ko kaya yan!" inagaw kay Sheena ang mani. Isa-isang sinubo sa kanyang bibig.

"Sarap! Bukas ito ulit ha! Tapos sa susunod pang mga araw.." si Chris.

Lumiwanag ang mukha ni Sheena sa biro ng binata. Sa isip-isip nya alam nyang pilit lang ni Chris ang lahat. Naupo sya sa tabi nito sabay alok ng gulaman. Sinundan ng kanyang mga mata ang tinitignan ng kasama. Wala na ang bangka, pero tahimik pa din ang binata.

"Sabi ko na nga ba, dito lang kita makikita e.." bulong ni Sheena kasunod ang buntong hininga.

"Kita mo yung munisipyo ng Makati?"

"Oh, anong meron?"

"3 years before, sinisimulan palang gawin yan.." sagot ni Chris.

"Tandang tanda mo pa ha!"

"Oo naman! Yun yung unang beses na nagkakilala tayo dito. Dito mismo sa inuupuan natin" pagyayabang ni Chris habang nginunguso ang lumang bangko.

Napangiti si Sheena. Tinitigan ang gusaling pinupunto ng kabiyak. Sumipa sa kanyang isip ang mga ala-ala. Tatlong taon na nakalipas ng muntik nya ng tapusin ang sariling buhay. Mabuti na lang at naroon si Chris para ipaalala sa kanyang mababa lang ang tubig sa may pampang, at kung lalayo pa ng kaunti ay mas masisigurado ang binabalak na pagpapakamatay.

Naging tagpuan na nila ang parke. Mani at gulaman ang kanilang paboritong kainin sa tuwing magkikita mula hapon hanggang sa paglubog ng araw. Napaka-simple ngunit makahulugan ang mga ala-alang tahimik na nananahan sa lugar na bumuo sa kanila bilang magkasintahan. Sa isang lipad lang ng kanyang imahinasyon nagawa nyang balikan ang masasayang araw na naging dahilan ng kanyang muling pagbangon. Isa na si Chris sa mga dahilang iyon. Hindi maipagkakaila.. Hanggang ngayon.

"Isang libong hakbang.." biglaang wika ni Sheena.

Natahimik si Chris. Tila nawalan bigla ng gana ang kaninang masiglang mukha. Ibinalik sa ilog ang kanyang tingin. Nakasimangot habang pinapagpag ang mga asin sa kanyang labi.

"Naalala mo pa?" si Sheena.

"Oo.." may lungkot sa tinig ni Chris.

"Matagal-tagal na din mula ng sinimulan natin diba?" pabulong na wika ni Sheena habang nakatitig lang kay Chris, ngunit walang reaksyon ang mukha.

"Ikaw ang pasimuno.."

"Higit pa daw sa isang libong hakbang ang kayang gawin ng isang tao, mahanap lang ang tunay na kaligayahan."

"Kayang burahin ang dungis at bakat ng tsinelas sa paa, ngunit hindi ang paltos na nagdulot ng tuwa sa bawat hakbang na may dahilan" dugtong ni Chris.

"Naka-ilan na ba tayo?" tanong ni Sheena.

"899.."

"Eksakto?!"

"Oo!"

"Kaunti na lang pala.." pagkasabi'y isinandal ni Sheena ang kanyang ulo sa balikat ng binata.

"Higit walong daan sa loob ng tatlong taon.. Nahanap mo ba yung hinahanap mo?" tanong ni Chris.

"Nahanap ko na, noong simula palang.. Ikaw?"

Napayuko lamang si Chris. Pilit iniiwas ang sarili sa tema ng usapan. Para bang pangaral ng guro ang kanyang iniiwasan na marinig mula kay Sheena. Naglalaro sa kanyang isip ang mainit-init pang away nilang dalawa. Alam nyang wala syang ginawang masama, ngunit wala din naman ang kabiyak. Nagsalubong lang ang kanilang galit ng hindi sya natanggap sa kanyang balak na pasukan. Pride ang umiral. Kapag ganoon ang sistema mas pinipili nyang layuan muna si Sheena.

Kumagat na ang dilim. Nagsindi na ang mga ilaw sa parke. Naglaho na ang mga tinig ng mga batang kanina'y sumasabay sa agos ng ilog, ngunit walang naging sagot si Chris. Binalot ng katahimikan ang dumaang sandali. Mas nakakabingi pa kesa sa ingay ng mundo.

"900!" usal ni Sheena matapos tumayo at ihakbang ang isang paa.

"Sa isang daan pang natitira, gusto kong malaman mo na hindi ako susuko sayo.." pigil ang mga nangingilid na luha. Pilit ginagawang matibay ang sarili sa nanghihinang damdamin ng kaharap.

"Sheena.. Sorry.." tanging sagot ng binata.

"Hanggang kailan ka ba ganyan Chris?"

"Sorry kung nagtaas ako ng boses sayo kanina. Hindi ko naman gusto kung walang tatanggap sa tulad ko.."

"Kung hindi ka tanggap ng mundo, isipin mong sa reyalidad may isang babaeng nagmamahal at laging nandito para sayo.."

Napahinto na lamang si Chris. Naubusan ng sasabihin. Huli na ng mapunang may umaagos ng luha sa kanyang pisngi. Mabilis nya iyong pinahid at ngumiti. Inunat ang kanyang braso at pilit inaabot ang mukha ng kabiyak.

"Sa isang daang natitira.. Hayaan mong ikaw ang maging dahilan ng bawat hakbang na gagawin ko.." mahinang wika ni Chris.

"Matagal ko nang gustong marinig yan.."

"Uwi na tayo.. Hatid na kita sa inyo.." alok ng binata.

Walang bagyo para magdulot ng baha, ngunit pakiramdam ni Sheena umaapaw ang tuwa sa kanyang puso sa narinig. Inabot nya ang kamay ng binata. Inakay nya hanggang sa ito'y makatindig ng diretso, saka inilagay sa kaliwang dibdib ni Chris ang saklay na nagsisilbing kaliwang paa na gagamitin para tapusin ang natitirang isang daang hakbang pa-uwi.

"901.. 902.." sabay nilang bilang.


-end



Lahok sa Saranggola Blog Awards 2012 (Ikaapat na taon) sa kategoryang Maikling Kwento


inilunsad sa pakikipagtulungan ng





sponsors









Ang Biyaya


"Naisip ko lang na baka malaki ang pangangailangan ng may-ari.."

Hindi pa tapos ang kanyang sagot may kasunod na agad na tanong. Asiwa nyang tinignan ang kanyang supervisor. Matagal. Itinaas lang nito ang dalawang hinlalaki at sumenyas pa na ipagpatuloy lang. Nahihiya pa't kamot ng kamot sa kanyang ulo si Elmer. Hindi sanay sa malalaking lente ng camera na nakapalibot sa kanya sa mga oras na iyon.

"Ano naman maipapayo mo sa mga kapwa manggagawa mo dito?" hirit ng isa pang reporter.

Hinanap nya sa paligid ang mukha ng kanyang mga ka-trabaho. Napakunot noo nang napansing walang pamilyar na mukha sa mga nakapaligid sa kanya, liban nalang sa supervisor na nakangiti pa din sa kanya.

"Ahh.. Isauli kung hindi sa inyo.." tipid nyang sagot.

Nagpalakpakan ang mga tao. Mabilis ang kindat ng mga camera. May mga ilang bumati at may mga nakipag-kamay pa. Instant celebrity si Elmer sa mga oras na iyon matapos nyang ibalik ang bag na may naglalamang pera na pagmamay-ari ng isang negosyanteng intsik.

Maya-maya pa'y parang upos lang na nilipad ng hangin ang mga reporter. Mabilis na naglaho matapos makakuha ng scoop. Ilang saglit pa, solo na naman nya ang problema.

----

Napasindi sya ng yosi ng makababa ng jeep. Mabagal ang bawat hakbang habang pinapasok ang makipot na eskenitang papasok sa kanyang maliit na barong-barong. Tinapunan ng ngiti ang ilang tambay na nag-alok ng kapirasong likidong pang-painit ng sikmura.

"May sakit ang inay.." utol nya.

"Kailangan din ng gamot ni itay.." ang kanyang ina.

"May bayarin sa eskwelahan si Junel.." ate nya.

"Nakapaskil ang pangalan mo sa tindahan ko! Mahiya ka naman!" ang ulirang kapitbahay.

"Bayad po sa ending.." tamad na tambay.

Punit ang kanyang mukha sa pagkakalamukos nya dito. Sa isip nya isang mura ang malutong nyang pinakawalan. "Tang***! Bakit 'di ko nalang kinuha yung pera?" Alam nyang hindi naman mapapansin kung babawas sya ng dalawang libo man lang sa salaping 'di nya kayang bilangin sa loob ng isang araw. Palibhasa uso ang nagbabalik ng mga gamit lalo na't sa hotel na kanyang pinagsisilbihan.

"Isang sarsi po.. Hindi gaanong malamig.." utos nya sa batang tindero matapos makumpirmang wala ang nanay nitong pinagkakautangan nya.

Naupo sya sa gutter sa harap ng isang karinderya. Mas lugi pa sa asong nabasted ang kanyang hitsura. Malamlam ang mga mata habang pinagmamasdang maubos ang baga ng sigarilyong may naglalarong usok sa kanyang kamay.

"Kung tulad lang ng usok ang problema, siguro inapakan ko na ang baga.." bulong nya sa sarili.

"Si Elmer na'sa tv oh!" wika ng isang ginang habang nagpipinta ng baraha.

Imbis na matuwa, napabuntong hininga na lamang sya. Kumapal ang kaninang manipis na mga tsismosa. May ilang natuwa at may ilang nagsabing tanga sya. Lumakad sya papalayo, makaiwas lang sa mga posibleng marinig na magpapa-alalang paminsan minsan kailangan nya ding maging masama.

----

"Si Kuya Elmer nandito na!" masiglang wika ni Junel nang maabutan nyang nasa labas ng kanilang bahay. Binuhat nya ang bunsong kapatid at hinalikan sa pisngi. Hinawi nya ang buhok na tumatakip sa mga mata nito.

"Kuya hinihintay ka nila mama. Sabi sikat at mayaman kana daw" bulong ng kapatid.

"Wag kang maingay.. Secret lang yun!" biro nya.

Hindi na sya magtataka kung maraming tsinelas ang nakalinya sa tapat ng kanilang pinto. Siguro'y nakarating na sa mga magulang ang balita. Nagbaba sya ng balikat bago pumasok. Nakangiti ang kanyang ina na sumalubong sa kanya. Isang mainit na yakap at ilang talsik ng laway matapos umubo.

"Kumain ka na ba iho?" pauna nito.

"Hindi pa nga e! Nakakagutom ang humarap sa camera.." biro nya sa ina.

Nahinto ang kanyang ngiti ng mapunang hindi mga tsismosa ang laman ng kanilang tahanan na inaakala nyang nag-aabang na mga bisita. Tiyo, Tiya, mga pinsan at ilan pang malapit na kamag-anak mula anit hanggang talampakan.

"Nagluto ako ng paborito mong ulam" singit naman ng kanyang itay.

Inilapag nya ang kanyang gamit. Hindi na sya nagtagal at mabilis na sinunggaban ang naghihintay na pagkain sa mesa. Ilang subo palang at lumapit na ang kanyang ina. Ginulo ng bahagya ang kanyang buhok.

"Anak mayaman na tayo.." bulong nito.

"Hindi ako inabutan nay eh! Intsik ang may-ari kaya kuripot.."

"Magsisinungaling ka pa. Akala mo hindi ko malalaman na tumataya ka ng lotto?" napahinto sya matapos iabot ng ina ang kapirasong papel na naglalaman ng mga numerong kanyang tinayaan kahapon lang.

"Wala tayong tv eh! Sa radyo ko lang inabangan.."


-End