Bayani ng Plaza

Tulala lahat ng taong makakasalubong ni Tony sa daan. Mas mabilis pa kay Napoles ang kanyang takbo na kahit anino ay hindi magawang sundan. Ang mga kalalakihang nangahas na pigilan sya ay nagmistulang laruan lamang. Bawat madaanan ng kanyang nangangalit na binti ay nagtatalsikan. Mga paninda ng mga ginang na naghahanap-buhay. Ang tindero ng kutsina ay sumuko matapos atakihin ng rayuma. Mas pinili nalang isigaw lahat ng galit at banggitin lahat ng salitang hindi itinuturo sa iskwelahan.

Humakot din ng samut-saring atensyon ang lalaking biktima ni Tony. Sa halip na makipag-habulan ay mas piniling tumahimik at maglakad papalayo sa karamihan.

Sa eskinitang kasing lapad lamang ng balikat ang huling destinasyon ni Tony. Kung makakalagpas sya ng walang sabit mararating nya ang bakanteng lote kung saan naghihintay ang gantimpalang kanyang pinaghirapan, este pinagpawisan. Mataas na sikat ng araw ang sumalubong. Tahimik at walang bakas ng tao sa paligid liban nalang sa pusang nagulat pa sa kanyang pagdating. Nakangiti nyang inilapag ang mabigat na bagahe sa makapal at nagtataasang damo. Dahan-dahang nyang binuksan at sinilip ang laman.

Patay-Sindi

At ayun na nga.. Hiwalay na ulit kami ni Cielo. Kumpirmado na naman sa kanyang facebook account dahil sa status at siguradong dagsa na naman ang mga text messages na magtatanong kung anong nangyari. May magpapadala ng kani-kanilang linya na may pangsalba daw ng pusong warat, ways para maka-move on, pakikiramay, at siguradong mayroong isang magsasabing "tambak ang isda sa dagat." Pero hindi na bago sa amin ni Cielo ang break-up. Hindi bababa sa tatlong beses na hiwalayan sa loob ng isang buwan na tumagal ng apat na taon. Nakakasawa na nakaka-stress na nakaka-enjoy din minsan. Ni hindi ko na nga alam kung anong dahilan kung bakit kami naghiwalay nitong huli. Basta hindi na lang nagkasundo sa petsa ng date sa Quiapo.


"Tunaw na yung yelo," pang-aasar ni Ben kasunod ang mahinang siko. Panandaliang itinigil ang pag-a-ala-rockstar sa palyadong gitara, "Si Cielo?"

"Si Cielo?" ulit ko.

"Break ulit kayo?"

"Oo. Wala namang bago e!"

"Kailan ulit kayo on?"

"Baka bukas okay na," tinira ko ang natitirang adobong galunggong na pulutan "Pustahan bukas may text yun. Good morning muna tapos may kasunod."

"Galit ka pa ba?" maarteng sagot ni Ben na pilit ginagaya ang postura ni Cielo sa tuwing maglalambing ito sakin. Natawa na lang ako. Napakamot.

Ilog (Flash Fic)

image credit to orig uploader

Nagmamadaling hinubad ni Tinoy ang natitirang tela sa kanyang katawan. Ayaw nyang mapag-iwanan ng mga kaibigang sabik na sabik na maligo sa ilog. Sinipat nya ang daloy ng tubig. Mabilis, mabaho, marumi, at malabo. Napako pa ang kanyang mata sa lumulutang lutang na patay na aso. Biktima siguro ng lasing.

"Tinoy! Ayan na si Mang Nestor!" sigaw ng isang kaibigan.

Dali-daling nagtago ang paslit sa pinakamalapit at kumpol ng batuhan. Nakalabas ang kalahati ng ulo. Hinahanap sa kanyang paningin ang imahe ng Ama. Nang masigurong wala, at nalinawang niloloko lamang sya ng kanyang kaibigan tsaka lamang ito umalma.

"Siraulong 'to!" maktol ni Tinoy habang tumatalon talon ang putotoy. Tawanan ang tatlo.

"Takot ka pala e!"

"Hindi!"

"Hindi daw? Para ka ngang general sa taguan e!" singit ni Roy. Tawanan ulit ang tatlo.

"Kayo ang takot! Kanina pa kayo nakatayo ayaw nyo pang tumalon!"

Nagkatinginan ang tatlo. Sabay-sabay gumuhit sa labi ang nakakalokong mga ngiti. Alam ng tatlo na siguradong dinig na naman sa baro-baro ang sigaw ni Tinoy habang ito'y nilalatayan ng kanyang Ama. Mahigpit kasi nitong ipinagbabawal ang pagligo sa Ilog. Ilang beses na syang nahuli ngunit wala pa ring kadala-dala ang bata.

"Pambihira! Yun lang? Sabay-sabay tayong tatalon kung hindi ka talaga takot," wika ng isa.

Tango lang ang sagot ni Tinoy. Dahan-dahang naglakad patungo sa ilog. Sinenyasan ang tatlo na handa na sya. Nagtatawanang sumunod ang tatlo. Sa bilang na tatlo, sabay silang tatalon.

"Isa.. Dalawa.. Tatlo!"

Malakas ang daloy ng ilog. Mabaho, marumi, at malabo. Mas malakas ang tawa ni Tinoy nang mapagtanto nyang nag-iisa na lamang syang umahon.

Atop sa Balay (Maikling Kwento)

"Sabi ni Ama, sa paggawa ng bahay, bukod daw sa pagiging solido ng biga at poste, kailangan rin na solido ang bubong," wika ko kay Steph nang hindi nagbibigay ng tingin. Tutok ang aking mata sa aking ginagawa at alam kong salubong na rin ang kanyang kilay sa init na hatid ng araw, "Ito daw kasi yung nagsisilbing proteksyon sa pamilya at higit sa lahat ito ang simbolo na bubuo sa isang matibay na pagsasama. Huling pyesa na kukumpleto kumbaga."

Napaniwala ko nga ba si Steph? Sa tingin ko hindi. Naglaro lamang ang kanyang mga mata sa paikot na direksyon. Binasa ang kanyang labi at bahagyang lumunok.

"Naghihintay na ang tanghalian Jerick," malinaw nyang sagot. Ibinaba ko na ang martilyong hawak tsaka muli syang hinarap na nakalabas lahat ng ngipin. Inalalayan ko syang makababa ng bubong. Bago ang huling hakbang nagawa pa nyang ngumiti sa akin. Huminto muna 'ko tsaka muling tinanaw ang buong laki ng bahay gamit ang aking palad na ipinangharang sa nakakasilaw na sinag ng araw.

"Mabubuo na ang iyong pangarap Jer. Anong pakiramdam?"

"Masaya. Masayang-masaya. Parang hindi ko na mahintay na marinig ng mga tao sa paligid ang senyales"

"Siguradong matutuwa ang iyong Ama. Nakikita ko ang magandang ngiti sa kanyang labi"