image credit sa internet
"Tuloy ka. Pagpasensyahan mo na kung makalat," wika ni Aiza bago ako talikuran. Tinungo ang limesang naghahati sa maliit na kwartong inuupahan, "Sabi ko.. tuloy ka."
Nakangiti kong pinaunlakan ang alok nya. Hinugot ko ang upuang yari sa plastik na na'sa ilalim ng lamesa. Tahimik akong nagmasid. Sa estima ko, malamang naglalaro sa isa hanggang isang libo't limang daan ang bayad sa bahay. Sapat lamang sa dalawang tao, kung aabot ng tatlo kakayanin pa. Kung apat, siguro nakatayo ang isa. Sa kanang parte ang kusina. Higit sa isang dipa ang laki. Sa kaliwa naman pader na may bintana, at sa harap ay may isa pang bintanang mas malaki. Katabi nun ang maliit an drawer. Alam kong damit ang nakalagay dahil transparent ang plastic. Walang banyo. Hindi ko alam kung nasaan. Malamang na'sa unang palapag ng paupahan. May mga larawang nakasabit. Yung unang dalawa si Aiza, yung tatlong natitira hindi ko masipat dahil sa kalumaan. Siguro parents nya.
"Matagal na kayong magkakilala ni Francis?" biglang tanong nya. Bumalik ang kaluluwa ko sa gulat.
"O-oo!" utal-utal kong sagot, "Classmate ko sya noong kolehiyo"