"Bilisan mo tumakbo! Maiiwan ka nila! Mabilis sila!"
Nagising ako sa sigaw at biglang pagtapik sa balikat ko. Marahan kong dinilat ang aking mga mata. May kadiliman ang paligid. Wala akong maaninaw na iba kundi mga sundalong walang humpay sa takbo. Takbo sila ng takbo. Hindi ko problema kung saan sila pupunta, mas problema ko pa yata kung bakit ako nandito, at anong ginagawa ko dito.
Tumayo ako mula sa pagkakaupo. Hindi pa ko nakakabwelo binangga na agad ako ng sundalong kumakaripas mula sa likuran ko.
"Pre, 'di pwede ang lalampa-lampa dito! Isa lang ang makakaligtas kaya kung ako sayo simulan mo nang tumakbo!" may nakaka-inis na ismi pa itong binitiwan bago tuluyan akong talikuran.
Sinubukan ko silang gayahin. Tumakbo din ako. Yun nga lang, hindi kasing bilis tulad ng mga binti nila. Basta takbo lang ako. Sunod lang ako kung saan sila pupunta. Nakakamanghang wala akong nararamdamang pagod. Nakakapagtaka lang, sa haba ng binabaybay namin e wala pa din akong liwanag na nakikita. Natural na madilim ngunit mas naaninag pa din ako. Napansin ko ang kasabay ko na halos kasing bagal ko din ang kilos.

















