Nagsimula ang kwentuhan noong mga panahong na'sa gitna ako ng depresyon. Mga sandaling 'di nagkakasundo ang aking mga paa kung saang lupalop ako makakahanap ng trabaho. Iyon ang mga sandaling isinumpa ko ang pagiging pangunahing pangagailangan ng pera sa buhay ng tao. Stress ang tumulak sakin para maghanap ng libangan. "Maghanap ng trabaho online" ang payo ng isang kaibigan sa gitna ng inuman. Tama sya, pasok pa din ang pangangailangan ng pera sa pagsakay ng dyip at pagbili ng gel araw-araw, at ibabagsak ka lang sa job interview dahil 'di mo nasagot ng tama ang tanong na "sino ang ceo ng microsoft" Sa huli, hindi ako nakahanap ng trabaho kakabasa online, bagkus.. naaliw akong magbasa. Nakahanap na ko ng sariling gamot sa stress. Fast forward.. Natuto, naaliw, at nagsimula akong magsulat. At mula noon lagi kong tanda ang pangalang Steve Job.
Tulad ng paglalakbay ng isang tao sa buhay. Mula sa paggapang hanggang sa makatayo at makalakad ng diretso. Ganoon din ang pagsusulat. Alanganin akong matumba at pagtawanan sa umpisa. Natakot akong madapa at masugatan. May mga boses na nagsasabing ituloy lang. Maigagapang ko din daw ang hirap kahit walang tulong ni Mayor. May mga taong aalalay sayo, at may mga taong hindi papalakpak sa layo ng naihakbang mo. Pero tulad ng paglalakbay ko sa buhay at sa larangang pinili mismo ng aking mga paa, masasabi kong hindi pa naipapasimento ang kalyeng nararapat sa bawat hakbang ko. Wala pang karatulang dead end akong natatanaw. Kung may magtatanong kung hanggang saan? Bahala ka sa buhay mo, di ko din alam.
Ang byaheng SanDocena ay isa sa byaheng 'di ko malaman kung saan ba ang hinto, o kung saan ako papara. Kung saan ako dadalhin o kung saan ako magigising sa ingay ng busina. Malubak man ang kalye at ma-flat ang gulong. Bumigay man ang makina o mawalan ng pasahero. Mawala man ng drayber o huminto sa stop over. Alam kong sa pagtapak kong muli sa lupa. Nariyan pa din ang aking mga paa. Tuloy ang hakbang, tuloy ang kwento, tuloy ang ligayang dala ng anti-stress kong pluma.
Para sa mga tulad kong solido ang pag-ibig sa Literatura. Hayaan nyo kong mag-iwan ng kapirasong salitang natutunan ko sa aking nilalakbay..
"Hindi bale ng puro jologs ang kwento. Hindi mo naman solo ang titulong corny sa mundo"