Orange Juice


Nakaka-engganyo ang bawat busina ng nagdaraang sasakyan sa kalsadang kinatatayuan ko. Ibinuka ko ang aking mga kamay, at tuluyang ninamnam ang usok na galing sa mga tambutso. May ilang natatawa sa ginagawa ko, meron ding dismayado, at meron ding napapa-sign of the cross. May dalawang MMDA officer na nagdaan sakay ng motorsiklo, pero imbes na sawayin ako ay inuna pa ang pagsipol sa seksing bebot na kakababa lang ng jeep.


"Life is unfair! Lord kunin mo na ko!" sigaw ko, ngunit bigong makakuha ng atensyon. Kahit ang nagdaang pusa ay napailing lang sa ginagawa ko.


"Baliw! Paano ka naman masasagasaan kung nasa bangketa ka lang?"


Hinanap ko kung saan nanggaling ang boses ng nagsalita. Tumingin ako sa likod, wala naman. Pinagsuspetyihan ko pa ang bulag na namamalimos, ngunit walang reaksyon. Kinurot ko pa ang pisngi. Masakit, kaya buhay pa naman ako. Muntik na kong mapasigaw nung biglang sumulpot sa harapan ko ang babaeng kulay brown ang buhok, at medyo kulot.


"Hinahanap mo ba ako?" tanong nya.


"Hindi! Tsk! Malas naman! Pati ba naman sa pagkitil ng sarili kong buhay may gusto pang pumerwisyo.." naiinis kong wika sa kanya.


"Hello?! Paano ka nga masasagasaan kung nasa bangketa ka lang? Gusto nga kitang tulungan e, kaso baka hindi maging suicide ang kaso.." nakuha pang mang-asar. Lumakad ako palayo, at iniwan syang mag-isa.


Malas talaga! Sa lahat ng kamalasan sa mundo, nasa akin pa ang titulo ng pinaka-aayawan ng lahat. Panglabing-anim na beses ko nang nabasted. Yung huling anim ay sa loob ng isang buwan lamang. Hindi pa ako nananaginip na kinausap ako ng diyos, kaya kumbinsido akong hindi pari ang papel ko sa mundo. Hindi naman ako mapili. Kahit nga yung katulong nung kapitbahay namin pinatos ko, kaya halos isumpa ko ang pag-ibig nung binasted nya din ako.


Wala pa sa isip kong sumubok ulit. Pahinga na muna. Kailangan din ng bakasyon sa pag-ibig ika nga. May natutunan kasi ako sa last movie na pinanood ko, na ang pag-ibig daw ay kusang darating kahit hindi mo hanapin. Pero wala pang isang linggo nakipagunahan na naman ako sa pana ni kupido, noong lumipat sa department namin si Michelle. Maganda sya at talaga namang dadagsain ng bulaklak kung sasapit ang buwan ng mga puso. Kahit pa ang supervisor ko ay handang makipag-ubusan ng buwanang sahod mapasagot lang sya. Daig ko pa nanalo sa lotto, at nawala ang ticket nung inisnob nya ang nararamdaman ko.


"Huwag ka ngang suplado! Hindi ka naman gwapo!" paghabol sakin ng babaeng natapunan ng agua oxinada sa buhok. Sumunod pala sa akin.


"Hindi ako suplado! Problemado lang! Tsaka ano namang kinalaman ng pagiging pangit ko kung magsusuplado ako?" naiirita ko nang sagot.


"Alex, tama ba?"


"With H! Ahlex! Stalker ba kita? May stalker na pala ang pangit?" pang-aasar ko.


"So stalker pala ang tawag mo sa pagsunod sa pangit? Hindi ba pwedeng hunting?"


"Get a life!" banas kong sagot, sabay talikod. Kung may balak pa syang sumunod uunahin ko syang paakyatin ng langit.


"Uy! Biro lang! Ang init naman ng ulo mo, sumasabay sa summer?"


"Okay sige tatawa ako para tumigil ka. Pwede na ba yun? Tsaka sino ka ba? Empleyado ka ba ng census, kaya kilala mo lahat ng tao?"


"Hindi mo ko namumukaan? This is me! Linda! Bagong ka-officemate mo!" Naubusan ako ng isasagot sa sinabi nya. Ganun na ba ka-miserable ang buhay ko, at kahit mga kasamahan ko sa trahabo ay hindi ko kilala.


"I started working yesterday, as a technical recruiter. Nagkaroon ako ng time makilala ang lahat, pero hindi ikaw."


"At nasaan naman ako kahapon nung mga oras na yun?"


"Busy ka kausap si simsimi" natawa ako sa sagot nya, palibhasa tama. Nawala ang init ng ulo ko na kanina lamang, ay halos makipagsabayan sa mga makina ng sasakyan.


"Sorry for being rude. Mainit ang panahon ngayon, gusto mo ng malamig na maiinom? lakas loob kong anyaya sa kanya. May phobia na kasi ako sa rejection, kaya kahit simpleng pagtanggi lang ay nag-eemo agad ako.


Dumiretso kami sa isang mall malapit sa opisinang pinagtatrabahuhan naming dalawa. Sa hagdan paakyat ng second floor ang paborito kong tambayan, nasa gilid kasi noon ang maliit na stall na nagtitinda ng fresh fruit beverages. Niyaya ko syang maupo sa hagdan. Nagdalawang isip pa ako, baka kasi maarte sya pero hindi pa natatapos ang tanong ko agad na syang umupo. Cowboy si Linda. Mahahalata naman iyon sa buhok nyang kulay brown.


"Ano palang problema mo kanina at naisipan mong magpakamatay?" pag-usisa nya.


"Broken hearted ako. Basted. Suki ng pagkalugi pagdating sa pangliligaw."


"Dahil lang doon? Ang babaw naman. Yung iba nga niloko ng asawa nakaya pang lagpasan, tapos ikaw nabasted lang gusto nang mamatay?"


"Magkaiba nga yun! Pero parehas na puso ang nasaktan. Ang kaso lang mas matatag ang puso nun kesa sa puso ko"


"Wow! Kapag nalaman ng niligawan mo yan baka ilibre ka nya ng checkup sa doktor. Sa cardiologist!"


"Tatawa na ba ako? Sumenyas ka lang!"


"Hindi ka mabiro! Sino ba ang babaeng yun? Baka kilala ko matulungan kita" wika nya na may halong pang-aasar.


"Si Michelle!"


"Aha.. Back out na ako! Mukha syang mas masungit pa sayo. Buti nagawa mo pa syang ligawan sa pagkasungit nya?"


"E-mail lang" tipid kong sagot.


"Sosyal! Yung iba call and text, ikaw e-mail. Iba na talaga ang panahon ngayon, ang babae hindi na dinadalaw sa bahay. Kung may lalaking aakyat sakin ng ligaw sa mismong bahay namin, hindi na ko magdadalawang isip"


"Wala ka palang boyfriend" may pang-aasar sa tono ko. Ang tibay ng apog nyang pagtripan ang love life ko, tapos sya pala itong biktima din ng pagkalugi.


"Kaka-break lang namin! Noong isang linggo lang! Hindi nya daw gusto ang pagkakulot ng buhok ko."


"Kaya pinakulayan mo ng brown? Baka sakaling magustuhan nya, at balikan ka nya? Haha! Kung gawin mo kayang rainbow, baka mas tumaas ang tyansang magkabalikan kayo" medyo napalakas ang tawa ko. Hindi ko napansing nakasimangot na pala si Linda, palibhasay nag-enjoy akong asarin sya.


"Uy? Okay ka lang?!" kunwaring panunuyo ko. Wala syang sagot. Nakasimangot at seryosong hinahalo ang straw sa natitirang fresh orange juice.


"Hindi naman talaga dahil sa buhok ko. Ang totoo pinagpalit nya ako sa iba." siwalat nya. Nalungkot ako bigla sa sinabi nya. Medyo natuwa din, dahil hindi lang pala ako ang nakakaramdam ng pagkabigo. "Ikakasal na dapat kami, kaso 1 week before the wedding hindi na sya nagpakita. Late ko nang nalaman na may kinakasama na palang iba"


Kanina lang ay kaalyansa ako ng mga kalalakihan, pero sa puntong ito yumuko ang ulo ko para sa isang babaeng biktima ng lahing pinaglalaban ko. Nanaig ang pagkahabag ko kay Linda. Cute sya para lokohin lang ng ganun. May konting kirot pang nagsisimulang humapdi, kapag iisipin ko ang pinagdaanan nyang sakit. Kung ihahambing kaming dalawa, hindi hamak na kasing laki lang ng garapa ang dahilan ng balak kong pagpapatiwakal kanina. Hindi tulad nya na mukhang pumuno ng isang drum ng luha ang kanyang mga mata. Nahiya tuloy ako sa mga inasal ko kanina. Tumayo ako mula sa kinauupan, at hinila ang kanyang kamay.


"Saan tayo pupunta?"


"May kaibigan akong nagsabi sakin na ang problema daw sa pag-ibig, ay dinadaan lang sa pagkain" wika ko.


"Parang kanina lang ikaw ang pinakamalungkot na tao sa mundo. Ngayon narinig mo lang ang kwento ko, ikaw na ngayon ang malakas?"


"Birds of the same feather, eat together!" nakangiti kong sagot.


"Kailan pa naging same ang feather natin aber? Magkaiba ang problema natin kahit parehas ng root word" pagtataray nya pa.


"Hindi na importante yun. Importante nakakahugot tayo ng lakas sa isa't isa. Kanina problemado ako, pero dahil sayo nawala yun. At ngayon nalaman kong ikaw pala ang mas may malaking dinadala, kaya ngayon hayaan mo akong bumawi"


"Malakas akong kumain" nakangiti na nyang sagot, at labas lahat ng ngipin.


"Exact opposite tayo dyan, mahina akong kumain kaya sayo na ang tira ko" biro ko.


Sa sobrang saya hindi nya napigilang kurutin ang pisngi ko. Nakalimutan yatang tao ang kaharap nya at hindi teddy bear. Hinugot nya ang singsing sa daliri, at hinulog sa paper cup na pinaglagyan ng juice, at tska itinapon. Ang babaeng pinanghugutan ko ng lakas, ay syang nagturo sakin para tulungan sya. Mahiwaga talaga ang pag-ikot ng mundo. Ang paghahangad natin sa mas malaking bagay, ay syang nagiging dahilan ng hindi natin pagpansin sa maliit ngunit mas importante.


"Teka, paano mo pala nalaman ang pangalan ko? Hindi naman tayo nagkakilala ng pormal kahapon" tanong ko.


"Na-wrong send ka ng e-mail" natatawa nyang sagot.


-End






"Sometimes you just got to look closer, instead of searching so hard"  -Dear God, Fm Static.

0 comment/s:

Post a Comment