One Morning of July - 1

(Ang imahe ay mula sa malikhaing kamay at isip ni Melala) 


***

"Hello Houston!"

Wala ako sa Houston. Yun ang alarm tone ng cellphone ko, na nakikipag-unahan pa sa sikat ng araw. Hinila ko pang maigi ang comforter para takpan ang mga mata kong iritable sa liwanag ng paligid. Snooze mode na sya nang aabutin ko na. Kahit masakit ang ulo ko sa dami ng naitumba kong bote kagabi, pakiramdam ko’y ang sarap ng gising ko.


Nakapikit pa ang mga mata ko habang kinakapa sa paligid ng kama ang nakikipagtaguan kong unan. Nang magtagpo ang aming landas agad ko syang niyakap. Nothing beats this feeling ika nga. Mabango talaga sya kahit tatlong buwan ng hindi nakikipagkita sa labahan. Daig pa ang fabric conditioner na ginagamit sa Let’s Talk Dirty.


Niyakap ko sya ng mahigpit. Para bang first time lang naming ulit nakasiping ang isa’t-isa. Nakikipagtalo pa ang antok sa akin, kaya inunat ko pang maigi ang aking mga paa na sa tingin ko’y tatama sa nais kong posisyon, para makakuha muli ng tulog.


“Urgh..”


“Huh?!”


“Good morning..”


“Good morning din..”


Napabalikwas ako. Mabilis kong hinawi ang makapal na telang nagtatakip sa aking katawan. Lumantad ang babaeng sa buong buhay ko ay hindi ko pa nakikita o napapaniginipan. Namutla ako’t napalunok. Mabagal ang pagdaloy ng laway pababa sa aking lalamunan. Agaran akong tumalikod sa kanya, nang napansin kong wala ni kapirasong tela ang pwedeng magtago kanyang katawan.


“Oh my God!” sabay naming wika.


Sabi ng tsismoso kong tenga, tumayo daw sya at mabilis na tinakip ang kumot sa kanyang katawan. Kasunod noon ang mga salitang, hindi na maaaring basahin ng mga batang mambabasa.


“Okay! Ilang bote ba ang naging dahilan nito? Kung anong nangyari wala akong alam.. Hindi ako aware!” nauutal-utal ko pang litanya, habang pilit na pinipigilan ang pagkilos ng aking katawan.


“What?! Hindi naman makapal ang mukha no? Anong ginagawa ko dito?!” mataray ang pagkakasabi nya.


“Ano nga bang ginagawa mo sa kwarto ko?”


“Kwarto mo?!”


“Ay hindi! Motel ito!” pilosopo kong sagot. “Pwede na ba akong humarap?”


“NO! Don’t even try!” mabilis nyang sagot na akala mo sya lang ang affected. “Nasaan ang phone ko?”


“Miss! Yung mga tanong mo imposibleng masagot..” agad akong humarap sa kanya.


Hinanap ko kung saan nagtalsikan ang aking mga ngipin, matapos malaglag ang aking panga dahil sa ganda ng babaeng kaharap ko. Kung pa-raffle lang ang mga babae sa mundo, malamang natumbok ko ang grand prize. Pinipilit kong alalahanin ang mga nangyari kagabi, pero kahit simpleng detalye ay wala talaga akong matandaan. Kahit man lang kissing scene lang, sigurado akong kaya ko nang iguhit. Kahit anong halo ko sa sabaw, wala akong makuhang laman. Olats! Hindi sya pinagpala ng height, pero bumawi naman ang bilugan nyang mga mata. Bumagay din ang apple cut nyang buhok sa kanyang dimple, na kahit nakasimagot ay sumisilip.


“Sigurado ka bang wala kang natatandaan?” tanong nya habang diretsong nilalagok ang malamig na tubig sa baso.


“Company Anniversary lang ang event kagabi, at ang brand ng alak  ang natandaan ko” sagot ko habang nagsusuot ng shirt.


“Hindi ka part ng company, kaya sigurado akong hindi tayo doon nagkakilala..” dugtong ko pa.


Magulo talaga ang takbo ng utak ko. Dagdag pa ang pag-iisip kung anong nangyari sa apat na sulok ng kama kagabi. Kung mayroon man hindi ko alam kung paano nangyari, dahil sa sobrang kalasingan.


“Yes! I’m not! But—“


“So, ano nang balak natin?” mabilis kong kabig.


“We? Uuwi na ako! I need to get home, bago pa ako tawagan ni daddy..”


“Baka gusto mong mag-breakfast muna! Or coffee? Or coffee and breakfast?” pagbabakasakali ko.


“You’re funny! I don’t even know you, tapos kung makayaya ka parang close lang tayo?”


“Pinapakalma lang kita. Hindi tayo magkakaunawaan kung puro hysterical”


“Nagising akong walang damit, at may kasamang lalaki na hindi ko kilala. Sa tingin mo kaya kong mag-breakfast at mag-relax?” talsik lahat ng laway sa mukha ko.


Mabuti nalang at kasing haba ng San Juanico Bridge ang pasensya ko, kung hindi pinalayas ko na sya. Naubusan na ako ng isasagot. Pakiramdam ko’y lahat ng sasabihin ko may counter attack na sya. Hindi ko tuloy lubos maisip na nakatabi ko ng isang gabi ang babaeng ito. Produkto lang ng alak ang lahat, at ang nangyari ay isang malaking kalokohan lamang. Alam kong bawal mag-expect sa ganitong klaseng sitwasyon, pero sa ganda nya hindi ko maiwasang umasa. Kung lalabas sya ng kwarto ko, at magkikita kami ulit sa ibang lugar.. Maniniwala na akong may invisible na sinulid na nag-uugnay sa dalawang taong tinadhana. Naks!


Nakalimutan ko pang magbayad sa jeep, kaka-imagine sa mukha nya. Mabuti nalang may mga sayings na naka vandals sa loob ng disco jeep, tulad ng “God knows Judas not pay” at “Katas ng Saudi” pati ang “Fool the string to stuff”. Parang si Nyan Cat lang kung lumipad ang isip ko mula byahe hanggang opisina. Kinalawang yata sa dami ng alak.


“Noel!”


Dahan-dahan kong sinilip sa ibabaw ng computer monitor ko, kung sino ang tumawag sa akin. Matapos kong malamang guni-guni, agad kong binalik sa ginagawa ang aking paningin.


“Noel! Anong nangyari kagabi?” kumunot agad ang noo ko sa boses ng ka-officemate kong bida sa videoke kagabi.


“Anong nangyari? Nalasing lang.. tapos umuwi..” pagsisinungaling ko. Baka sakaling may matuklasan ako sa kanya.


“Kaya pala bigla kang nawala.. Akala ko tinake-out mo si Marta, sabay kasi kayong nawala..” pabulong nyang sagot.


“Si Marta? Haha! Hindi! Sino ba si Marta?” curious kong tanong. Sa gilid ng utak ko may nabubuo nang kakaibang senaryo.


“Lasing ka nga. Daughter of Mr. Reonico.. Si Boss!”


Tinignan ko sa likod kung may pwedeng sumalo sa akin, kung sakaling hihimatayin ako. Nagpilipit ang dila ko sa sinabi nya. Hindi ko sigurado kung Marta nga ang pangalan ng misteryosang babae na nakitulog sa kama ko kagabi. Pero may kutob na akong magiging magulo ang takbo ng buhay ko, kung sakali mang sya iyon.


“Bilib na ko sayo Noel! Akala ko nga kayo na e, sa sobrang close nyo kagabi. Good thing lasing din si boss, kung hindi nag-iimpake ka na ng mga gamit mo dito sa opisina.” Pang-aasar nyang may halong inggit.


“Advantage daw kapag kargado ng alak, may automatic na humor na bigla nalang susulpot” pabiro kong sagot, o excuse na din para matapos ang usapan.


Naging problema ko ang paghahanap ng sagot, kaya nawala na din sa isip ko ang pagkuha ng pangalan nya. Contact o address man lang ay malaking tulong na. Naglalaro din sa pilyo kong isip na kung sakaling mag-krus ulit ang lasing naming landas, may chance pa kayang maging maayos ang aming relasyon. Friends ba? Kahit isang porsyentong tyansa lang, alam kong madedevelop iyon sa isang daan. Pero paano ako magsisimulang hanapin sya? Kung ang natandaan ko lang ay ang kurba ng kanyang balakang?


Tatlumpu’t tatlong minuto bago matapos ang oras ng trabaho. Himalang walang text message na natanggap ang cellphone ko. Sa ganitong tipikal na araw, ang pagpapadala ng mensahe at pagtawag sa akin ang trip ni mommy bukod sa pagko-cross stitch. Hindi ko alam kung tumumba ang cell site sa Bicol, o nang-chiks na naman si daddy kaya nalimutan nila akong kamustahin. Kung tutuusin yung party lang last night, ang pinaka-exciting na nangyari sa unang isang buwan ko dito sa company. Mababait naman sila, yun nga lang nasobrahan kaya ang produkto ay pagkaboring.


"Marta.. Marta.. Marta.." paulit-ulit kong bulong sa sarili habang binabaybay ang kahabaan ng Paseo sa Makati.


Nabitiwan ko ang cellphone ko sa sobrang gulat, dahil sa halos kasing nipis nalang ng buhok ang distansya ng sasakyang nasa harapan ko huminto. Hindi pa yata ako matatauhan kung hindi bumusina ang driver. Sumenyas lang ako at nagsabi ng sorry, kahit pa alam kong hindi nya iyon maririnig.


"Ikaw?!" wika nya habang binababa ang sunglass sa kanyang mata. bukas na ang bintana ng auto nang nilingon ko sya.


"Siyam na oras palang tayong nagkakahiwalay ha! Ang bilis mo naman akong ma-miss"


"Kung nalaman kong ikaw yan, hindi na sana ako nag-preno" natatawa nyang wika.


Hindi ko alam kung paano susuklian ang kanyang ngiti. Moody ba sya? Kanina lang gusto nya na kong tirisin sa pagitan ng kanyang mga kilay, at kahit footprints ko ay pinagdadasal nyang hindi na nag-exist. Ngayon kung ngitian nya ako, daig nya pa naglalambing na bata. Nang-aakit ang kanyang mga labi, na hindi ko magawang titigan ng diretso. Pumaling ang kanyang ulo kasunod ng isang kindat.


"Free ride ba 'to? o Peace offering?"


"Both! Malinis na kasi ang pangalan mo sa akin.." wika nya habang tinatahak ang u-turn.


"Ah.. Walang nangyari?" pigil kong tanong.


"Do you expect na may nangyari?" mataray nyang sagot.


Supalpal ako sa sinabi nya. Halata ang motibo ko. Dali-dalli kong nilihis ang aking mata papalayo sa kanya. Binalak ko nang mag kwento ng malayo sa usapan, pero kahit anong pilit ko hindi ko alam kung paano magsisimula. Napansin ko na lang ang kalyeng tinatahak namin ay hindi pabor sa akin.


"Bakit dito tayo? Anong meron at ang daming tao?"


"Guess what?!" nakangiti nyang wika.


"Birthday ko! At ikaw ang magiging partner ko ha! Just pretend na matagal na tayong magkakilala.. Kung maari pwede ding boyfriend"


Alam na siguro ng kahit sino ang ngumiti, kahit mukhang nagulat lang ang mukha. Sa loob-loob ko may weird na pakiramdam. Feeling ko'y gwapo ako, at ang pagpilit nya sa akin ang nagpapatunay nun.


Ilang minuto pa nakapag-park na din sya ng maayos. Bago tuluyang hugutin ang susi sa pinagsasaksakan nito, sinilip nya pa ang sarili sa rear mirror at tumingin sa akin. Ngiti din ang sukli ko. Kahit kabado, pinilit kong magmukhang relax. Mabuti nalang at naka semi formal ang porma ko.


"Ready ka na--"


"Noel! Noel nga pala.." agad kong sagot.


"Nice name. Mukhang mabait. I'm July!" sabay abot ng kanyang kamay para makipag-shake hands sa akin.


"July? Sino si Marta?" bulong ko sa sarili.






itutuloy din syempre.. 

5 comment/s:

born-san said...

Update! Update! :lmao:

Amphie said...

kapag sinipag lol

starbuko1234 said...

update agad boss

Pink Line said...

ah eto pala ang simula...talaga walang nangyari sa kanila?eh bakit sila naked pareho pagkagising?...hehehe...

Amphie said...

malay natin nag hide and seek sila, pero damit ang itatago hahaha!

Post a Comment