5, 10!

(image credit to orig uploader)

Sampung segundo lang ang kinailangan ko para balikang muli ang sampung taong ala-ala na akala ko'y kasama ng naging pataba sa lupa. 

"Wala kang pinagbago.." bulong ko.

"Ikaw din.." gamit ang dalawang braso mas humigpit pa ang yakap nya sa akin. "Iba talaga kapag tadhana ang naglaro"

Hinalikan ko sya sa pisngi. Tanda iyon ng nararamdaman kong parang korupsyon lang na hindi mamatay-matay. Pumikit naman sya. At ang ngiti sa kanyang labi ay palatandaang masaya sya sa muli naming pagkikita.

Namilog ang kanyang mata. Pilit pinapalapad ang kanyang tenga para abangan ang sunod kong sasabihin. Alam kong sa expression ng kanyang mukha ay naroon ang pagnanais na sabihin kong muli ang mga bagay na aksidenteng nabanggit ko lamang noon.

Noong mga araw na uso sa high school ang larong 5,10.


"5, 10!" sigaw ni Pinky.

Ube, Munggo, Kamote, Langka, Gatas, Sago, Pinipig, Letse! Halo-halo ang pakiramdam ko nang maramdaman ko ang yakap nya mula sa aking likuran. Sa edad na trese anyos, parang hindi ko pa alam kung paano i-appreciate ang ganung kasiyahan lalo't sa ultimate crush ko pa mismo nanggaling.

"Paano yan? Kayo naman ang taya!" pagyayabang nya pa.

"Daya! Nag taym pers ako!" hirit ko.

"Tumakbo ka ulit! Kapag nahuli pa ulit kita, ibig sabihin mabagal ka talaga tumakbo!"

Hindi na naman siguro kailangang ipamukha nya pa sa buong eskwelahan kung gaano ako kabagal sa pagtakbo. Ang totoo kasi talagang medyo binagalan ko pa ang bawat hakbang ng napansin kong sya ang nasa likod ko. Hindi ako nagkamali sa pag-calculate. Panalo ang istilo ko. Kahit planado, na-enjoy ko naman yung sandaling niyakap nya ang katawan ko. Isinulat ko iyon sa slumbook sa tanong na happiest moment.




Akala ko di na matatapos ang langit. Binasag lang ng kaklase ko ng umpisahan nyang sabihin ang salitang "uyyyy!" At akala ko din iyon na ang katapusan ng nagsisimula pa lamang na pag-ibig ko kay Pinky.

"5, 10!" sigaw ni Pinky.

"Ang bilis mo talaga tumakbo" sagot ko.

"Bilisan mo kasi sa susunod!"

Ang hindi nya alam araw-araw ako nagpa-praktis ng pagtakbo ng mabagal. Naging paborito ko ang larong 5,10. Kung magiging official sport nga lang iyon, marahil una ako sa magiging varsity sa school. Balewala ang galit ni ermats sa polo kong pwede gawing sample sa commercial ng detergent powder. Wala kasing katumbas ang bawat ngiti ko sa tuwing ako na lamang ang huling player na hindi pa nahuhuli.


Araw-araw. Limang beses sa isang linggo. Sampung buwan sa isang taon. Hanggang sa natuto akong magbaon ng extrang polo. Habang tumatagal lalong nahuhulog ang loob ko sa kanya. Kahit ako ang parating hinahabol, minsan pinapangarap ko na ako naman ang taya at yayakap sa kanya.

"5, 10!" sigaw ko.

"Mabilis ka palang tumakbo eh, siguro sinasadya mo lang talagang bagalan?" 

"Napag-aralan ko na kasi ang bawat galaw mo.."

"Ows? Ibig sabihin matagal mo na kong gustong mayakap?"

Hindi ko alam kung anong mahikang nakapaloob sa sinabi nya. Sa pagkagulat, hindi ko sinasadyang lalong humigpit ang mga braso kong sa pagkakataong iyon ay sa kanya naman naka-paikot.

Parang alarm clock. Dumating ang oras na naging hudyat ang mga salitang lumabas sa kanyang bibig, at ang aking dila ay tumunog para sabihing mahal ko sya. Medyo nahiya pa ko. Pero sa huli dalawang beses ko pang inulit, para hindi nya malimutan o para din hindi na sya magkunwaring nabingi.


"5, 10!" mayabang na sigaw ng isang kamag-aral.

Parang ang hirap pakinggan ang dalawang numero. Sa edad na trese anyos, tila hindi ko pa din alam kung bakit ko sinabing mahal ko sya. Kung alam ko lang na magiging dahilan lang iyon ng paglayo nya sa akin, sana'y hindi ko nalang pinakitang mabilis din ang dalawang paa ko sa pagtakbo.

Ayaw na daw ni Pinky ang larong 5,10. Iyon ang balita ko. Hindi na sya naging aktibo. Palagi nalang dahilan ang pagiging pagod sa tuwing inuutusan ko ang isang kaklase para ayain lamang sya. Ayaw nalang sigurong makita ang mukha ko.

Araw-araw. Limang araw sa isang linggo. Sampung buwan sa isang taon. Hanggang sa maka-graduate kami. Nawala na sa isip ko ang laro. Ganoon din si Pinky. Matapos ang high school bigla nalang naglaho.

---

Sampung segundo lang ang kinailangan ko para balikang muli ang sampung taong ala-ala na akala ko'y kasama ng naging pataba sa lupa. Sa ningning ng kanyang mga mata alam kong may nais syang marinig mula sa akin.

"Bakit ka biglang nawala?" tanong ko.

"Namatay ang itay.." malungkot ang kanyang tinig. "Kailangan kong maghanap ng trabaho."

"Inakala kong nagalit ka ng sabihing kong mahal kita"

"Hindi! Hindi ko lang talaga alam kung paano sasabihin sayo na parehas lang tayo ng nararamdaman!" giit nya.

"So, tinakbuhan mo ko?"

"Hindi naman ako tumakbo. Naghintay ako! Naghintay ako na baka isang araw ay habulin mo ulit ako!"

Akala ko sa isang laro ko lamang sya posibleng mayakap at masabing mahal ko sya. Mali pala ko. May mga bagay pala talagang hindi mo inaasahang mangyayari kahit na sobrang imposible pa ito. Katulad na lamang ng muli naming pagkikita ni Pinky. Sino bang mag-aakalang matapos ang sampung taon ay narito sya sa tabi ko't nakakulong sa mga braso ko.

"5,10!" nakangiti kong sagot.

"Naalala mo pa din" tugon nya. Kumawala sya sa pagkakayakap sa akin. Tinakpan ang hubong katawan gamit ang manipis ngunit malapad na tela. Bago masindihan ang sigarilyo nakatatlong subok pa sya sa lighter na palyado. Tsaka naupo sa gilid ng kama.

"Sana katulad nalang ng larong iyon ang sitwasyon ngayon na libre lang kitang nayayakap at nasasabing mahal kita.."

"Mahal naman kita eh, ang tanong ay kung matatanggap mo ba?" kasunod ang pagkawala ng makapal na usok sa kanyang bibig.

Nawalan ako ng isasagot. Mahirap ang inaalok nya. Kahit alam kong sa sarili ay naroon pa din ang nakaraan na tahimik lamang na nag-aabang, kahit anong pagbaluktot ang gawin ko ay hindi ko maitatanggi. Pinilit lisanin ng katawan ko ang malambot na kama. Inilipag ko sa tabi nya ang salaping naging usapan. Kontrata para sa gabing iyon. Mabigat ang bawat hakbang habang papalabas ng pinto. Pigil ang bawat buntong hininga at damdaming nagpupumilit.

"5, 10!" sigaw nya. Isang mahigpit na yakap mula sa aking likod.

"Paano yan? Ako naman ang taya" nakangiti kong sagot.

-end


3 comment/s:

Mafe Sumampong Garcia said...

hindi ko alam ang larong 5,10! hnd ko yta nalaro un. hehe! bakit ganun ang ending? akala q happy ending. hehe!

Chico Reymart said...

hndi ko rin alam ang larong 5'10
pero anyare sakanya naging ...... 
sayang hehe

 

amphie said...

parang moro-moro lang ;)

Post a Comment