Nat Anader Lab Istori

(image credit to layoutsparks[dot]com)


Sa apat na taong pagsasama namin ni Fatima, kahit sa panaginip ay hindi ko man lang nakitang maghihiwalay din pala kami. Nagulat din ako sa bilis ng pangyayari. Parang bula lang na matapos palubohin, sa isang ihip lang ng hangin ay bigla nalang maglalaho sa paningin.

Nasayang ang mga matatamis na salita na pwede na sanang alternative para sa may mga diabetis. Marami din ang nanghinayang at hindi makapaniwala. May mga sundot pang kulang nalang daw ay ang basbas ng simbahang katoliko. Pero ano bang magagawa ko, kung hanggang doon lang ang kaya ko?

"Saang derma mo ba pinagawa yang mukha mo?!" sigaw ni Fatima sa kabilang linya. "Kahit pimples ay mahihiyang tumubo dahil sa kapal! Nakuha mo pang tumawag ha?"

"Makinig ka muna please!"

"No! Paul, kahit anong paliwanag mo never kitang maiintindihan!" pinutol ko na ang usapan bago ko pa marinig lahat ng masasakit na salitang sa teleserye lamang nararapat.




Malinaw naman na ako ang may problema sa aming dalawa. Ako ang hindi nakapagpigil sa tuksong may kakaibang klaseng init. Umibig ako sa iba. Ako ang sumira sa apat na taong relasyong naging usap-usapan ng buong tropa at ng kanya-kanyang pamilya. Masakit ang mga salitang paulit-ulit na pumupunit sa aking pagkatao. Sa huli, kahit dala ko ang kahihiyan ay naglakas pa din ako ng loob para tawagan si Fatima.

Ang paghingi ng tawad ang tanging pakay ko. Pangalawa ang pagbabakasakaling matanggap nya man lang ako, kahit na bilang kaibigan na lamang. Batid kong mas malabo pa iyon sa sabaw ng dinuguan, pero umaasang darating ang araw na matatanggap nyang hindi na sya ang tinitibok ng cardiac muscle ko.

Anim na buwan pa ang lumipas bago ulit ako nagkaroon ng lakas ng loob para kamustahin sya. Tulad ng dati, kung paano ko sya niligawan sa text ay sa ganoong paraan ko din sya balak suyuin. Mahaba na siguro ang panahon na yun para malimutan nya ang lahat. Mangingibabaw na din siguro ang pagtanggap at pag-iisip na mas importante pa ang toilet tissue kaysa sa tulad ko.

Mcdonalds sa Strata 100, Ortigas. Dating lugar kung saan first time ko syang nakilala at first time ko ding manlibre ng stranger. Nakakamiss din pala yung mga tagpong tulad nito na parang first time namin ulit makikilala ang isa't-isa. And after all ng nangyari, for the first time may closure na din.

"Kailan mo pa nahiligang magpahaba ng buhok?" si Fatima. Bitbit ang inorder, sinalubong ko sya ng pinakamatamis na ngiting kaya kong ibigay.

"Akala ko hindi ka na darating. Kamusta na? Mas lalo kang gumanda ngayon ha!"

"Wag ka ng mangbola! Hindi mo na ko makukuha sa ganyan" pabiro nyang sagot.

"Never naman kita binola! Kahit mag walk out ka ngayon, totoo lahat ng sinabi ko at pagmamahal ko sayo noon" bida ko. Ngumiti lang sya at sinuntok ang kaliwang braso ko.

"Nasaan na sya?" tanong nya habang ginagala ang tingin sa paligid. "Akala ko ba ipapakilala mo na sya sa akin?"

"Male-late lang daw ng mga fifteen minutes, mangagaling pa kasi ng Imus"

"Ako, hindi kita nagawang paghintayin noon" bulong nya.

Nangibabaw ang tawanan sa pagitan naming dalawa. Masaya sa pakiramdam na nakita kong muli ang mga ngiti nya matapos ang break-up naming hindi kayang idescribe na kahit sinong analyst. Marami kaming napagkwentuhan. Minsan hindi maiwasang magkailangan kapag medyo cheesy ang isang part ng nakaraan. Lumuwag ang dibdib ko na ilang buwan din naging masikip. Nabunutan ako ng tinik na lalamunan. Sa huli, buo nyang tinanggap ang sorry ko na noon ay ayaw nyang maririnig sa aking bibig.

"Paul, sorry kung late!" napalingon ako sa pamilyar na boses. Mabilis akong tumayo para salubungin ang taong hinihintay namin.

"Fatima, meet Johnson! Boyfriend ko.." wika ko kasunod ng isang halik sa pisngi.


-end



----------------------------------
wala na kong maisip na kwento at title XD..


7 comment/s:

Pinkline said...

wahahaha...relate na ko dun sa simula ng kwento pagdating sa dulo not really another love story hehe..nice one amphie :)

Mafe Sumampong Garcia said...

awwww! ayayayay! ahahahaha! :D

amphie said...

hohoho *ubo

amphie said...

nagkalokohan sa huli hehe, salamat pink! :)

Reilly Reverie said...

Not another love story nga trops... Ibang-iba ka talaga gumawa ng twist...

amphie said...

biglang liko lang yung ending hehehe.. thanks idol! :)

REJ said...

Bwiset! Haha

Post a Comment