Ang Misyon

"Bilisan mo tumakbo! Maiiwan ka nila! Mabilis sila!"

Nagising ako sa sigaw at biglang pagtapik sa balikat ko. Marahan kong dinilat ang aking mga mata. May kadiliman ang paligid. Wala akong maaninaw na iba kundi mga sundalong walang humpay sa takbo. Takbo sila ng takbo. Hindi ko problema kung saan sila pupunta, mas problema ko pa yata kung bakit ako nandito, at anong ginagawa ko dito.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo. Hindi pa ko nakakabwelo binangga na agad ako ng sundalong kumakaripas mula sa likuran ko.

"Pre, 'di pwede ang lalampa-lampa dito! Isa lang ang makakaligtas kaya kung ako sayo simulan mo nang tumakbo!" may nakaka-inis na ismi pa itong binitiwan bago tuluyan akong talikuran.

Sinubukan ko silang gayahin. Tumakbo din ako. Yun nga lang, hindi kasing bilis tulad ng mga binti nila. Basta takbo lang ako. Sunod lang ako kung saan sila pupunta. Nakakamanghang wala akong nararamdamang pagod. Nakakapagtaka lang, sa haba ng binabaybay namin e wala pa din akong liwanag na nakikita. Natural na madilim ngunit mas naaninag pa din ako. Napansin ko ang kasabay ko na halos kasing bagal ko din ang kilos.

"Sir, nasaan ba tayo?"

"Ha? Hindi mo alam?" natatawa nitong sagot. Luminga-linga muna sa iba bago ibinalik sa akin ang atensyon. "Na'sa gitna tayo ng misyon"

"Misyon?!"

"Oo. Suicidal ang misyon na 'to. At.." putol nya. Bahagya syang dumikit sakin at ibinulong ang kasunod, "Balita ko, iisa lang ang pwedeng mabuhay sa atin"

"Iisa?! Ibig sabihin.. Laha tayo'y magkakalaban?"

"Tama!" natatawa nyang sagot kasunod ang isang malakas na suntok sa tagiliran ko. Napaigtad ako sa gulat. Pansamantalang namilipit ako sa sakit. Bumagal ang kilos ko. Hindi ko maintindihan ang nangyayari. Bago pa man mapa-pikit ang aking mata, namasdan ko pa kung paano magkagulo ang mga sundalo. Nagtutulakan, nagsasakitan, at mayroon pang handang pumatay.

"Gising.."

"Gising..."

Maginhawa at parang nang-eengganyo ang tinig na tila tumatawag sa akin. Para akong hinehele. Muli kong idinilat ang aking mga mata. May liwanag. Patay na siguro ako. Isa siguro ako sa hindi pinalad. Pero hindi. May naririnig akong dalawang boses na iba sa tinig na gumigising sa akin.

Mabilis akong tumayo. Gumulantang sa akin ang tambak na katawan ng mga sundalo. Sa dulo nanggagaling ang matingkad na ilaw. Iyon na siguro ang labasan. Sa dulo din nakatayo ang dalawang sundalo. Parehas itong nanghihina. Parehas nang walang lakas sa mga katawan. Nais pang lumaban ngunit hindi na nito maigalaw ang kani-kanilang katawan. Sabay silang bumagsak.

Dali-dali ko silang tinungo. Wala na silang buhay. Dilat ang mga mata. Gutom na namatay ang mga bayani.

"Halika dito.." bulong na nanggaling sa liwanag na na'sa aking harapan. "Halika magiting na sundalo.."

Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Basta ang tanda ko tila na-hipnostismo ako ng napakagandang tinig. Niyakap ko ang liwanag. Naramdaman kong kinain nito ang buong katawan ko.

After nine months, lumabas si Junior. "Congrats!" sabi ng doktor.

-wakas