Kahon


Symbianize House Challenge: Kahon

Kuntento na kong malaman na'sa bawat gabing dumadaan ay hindi lang ako yung taong emo sa mundo. Maraming pusong wasak ang gumagala sa kawalan sa gabing sobrang lamig. Na-realized ko din na hindi lang nilikha ng Diyos ang dilim para lang may maisulat na kanta si Rey Valera, kundi para din sa mga taong biktima ng kalungkutang baon pagkatapos ng saya sa pag-ibig.

Ngayon ang gabing parang ayoko ng mag-umaga. Tuloy ang palipad hangin ng mga salita sa isip ko. Gayun din naman si Felicia. Sa unang tagpuan na nagmistulang huling tagpuan ang aming napag-usapan. Maaga ako sa inaasahang oras, pero nakapagtatakang mas nauna pa sya. Tahimik. Wala ang baon nyang ngiti na una kong nasilayan isang taon na ang nakaraan. Sukat ko pa ang distansya naming dalawa sa upuang yari sa Yakal, ngunit hindi ang damdamin nyang isang siglo ang layo. Buntong hininga.

"I hope na okay ka lang sa magiging desisyon ko," inilapag nya ang isang maliit na kahon sa aking tabi, "I'm really sorry Ed"

My Kwentong Kabaong

"Kuya, magkano ataol?"

"..."

"Kuya, kabaong?"

"..."

"Ano ba tinda mo?"

"Lumayas ka nga! Wala akong binebenta!" iritable kong sagot sa batang kanina lamang ay nanghihingi lang ng barya. Ngayo'y nagtatanong kung anong klase ba daw ang binebenta ko. Kung wala lang nagdaraang tao sa paligid malamang ibinuhos ko na sa kanya ang iniinom kong buko juice.

"Pahingi nalang ng barya kuya.."

Sa ganitong galit na galit ang haring araw tsaka ko pa naisipang mag long sleeve. Bahang baha na ang kili-kili ko sa init. Hapding hapdi na din ang singit ko sa pawis, at hindi na nalalayo sa mga nagdaraang provincial bus ang aking amoy. Kasalanan 'to ng ahensyang inaplayan ko. Mag-formal attire daw ako para sa interview. Huwag daw kalimutang magbawas ng nagpapapansin na buhok sa ilong at bawal daw ang sapatos na hindi kayang i-reflect ang sarili kong mukha. Tapos sa huli, itatanong lamang kung active ang numero ko. Gusto ko nang lamukusin ang resume ko sa harap nila at lumuhod bigla. Magmamaka-awa akong tanggapin na nila ako dahil baka sa susunod pang mga araw ay may bata na namang magtanong kung anong brand ng ataol ang inilalako ko.