Symbianize House Challenge: Kahon
Kuntento na kong malaman na'sa bawat gabing dumadaan ay hindi lang ako yung taong emo sa mundo. Maraming pusong wasak ang gumagala sa kawalan sa gabing sobrang lamig. Na-realized ko din na hindi lang nilikha ng Diyos ang dilim para lang may maisulat na kanta si Rey Valera, kundi para din sa mga taong biktima ng kalungkutang baon pagkatapos ng saya sa pag-ibig.
Ngayon ang gabing parang ayoko ng mag-umaga. Tuloy ang palipad hangin ng mga salita sa isip ko. Gayun din naman si Felicia. Sa unang tagpuan na nagmistulang huling tagpuan ang aming napag-usapan. Maaga ako sa inaasahang oras, pero nakapagtatakang mas nauna pa sya. Tahimik. Wala ang baon nyang ngiti na una kong nasilayan isang taon na ang nakaraan. Sukat ko pa ang distansya naming dalawa sa upuang yari sa Yakal, ngunit hindi ang damdamin nyang isang siglo ang layo. Buntong hininga.
"I hope na okay ka lang sa magiging desisyon ko," inilapag nya ang isang maliit na kahon sa aking tabi, "I'm really sorry Ed"
Hindi ko pa man nakikita ang nilalaman, alam ko nang mga gamit na nag-uugnay sa amin ang nasa loob ng kahon. Ngumiti ako ng pilit tsaka kaliwa't kanang niyugyog ang aking ulo. Tanda iyon ng pag-sang ayon na may kalakip na respeto sa kanyang desisyon.
"Masaya ako't nakilala kita. Lagi kong baon ang mga masasayang ala-ala. Pangako! Sa oras na kailangan mo ng tulong, nandito lang ako. Huwag kang makakalimot na tumawag," palabok kong sagot na sobrang taliwas sa mga dinidikta ng utak ko. Kung pwede lang magalit ginawa ko na, sasabihin kong "Tang-ina! Nakilala pa kita? Na-peste lang ang buhay ko. Alam mo bang gusto na kitang ibaon sa limot pagkatapos nito? Sa oras na makalapag ang eroplanong sinasakyan mo pwede bang pakibura nalang ng numero ko?!"
Wala na sya. Naiwan akong nakatanga. Mukhang tanga. Imahinasyon ko nalang na nariyan pa din sya sa aking tabi at hawak ko ang kamay nya. Nagpapa-ulit ulit sa akin ang mga salita nya. Magulo. Abstract. Walang malinaw. Parang Ilog Pasig sa sobrang labo. Parang kongreso na sobrang gulo, at walang pinagkaiba sa buhok kong masahol pa sa emo.
Naisip ko. Paano kung sa parallel na mundo ay may katulad ako? Sa ganitong lugar. Parehas na sitwasyon. Parehas na problema. Parehas na pinagdadaanan. At meron ding Felicia na kasing katulad nya. Ang pinagkaiba lang, ay ako naman ang mang-iiwan. Ako ang wawasak sa puso nya. Ako ang magsasabing, "Ang sarap kaya sa States!" o di kaya wala akong sasabihing iba. Isang plain na break-up at walang kahit anong reason. Paano kaya nya ia-absorb? Paano nya kaya isu-survive ang Pasko, New Year, o Araw ng mga Puso? Paano sya magiging disributor ng ngiti kung ako mismong manufacturer ang nawala? Kanino nya ipagmamalaki na masarap ang luto nya? Kanino nya sasabihin ang salitang "Mahal Kita!", at papaano nya sasambitin ang salitang "Tayong dalawa", kung nag-iisa na lamang sya.
Marami akong naisip. Sa maraming paraan gusto ko rin iparamdam sa kanya ang sakit. Ang pagkalungkot. Ang pagiging inutil sa pag-iisa. Ang pag-attend sa misa ng walang kasama. Panonood ng sine na walang kayakap. Paano pa ko makakakain ng maayos. Paanong posisyon ang gagawin para makatulog sa gabi. Paano mag see-saw nang nag-iisa. Paano makikipag-holding hands sa hangin, at kung papaano magkakaroon ng imaginary lover na bubuo o kukumpleto sa pagkatao ko. Gusto kong maranasan nya lahat ng iyon. Buong-buo. Wasak kung wasak. Ang tanong, kung ako ang lalaking nasa kabilang mundo. Kaya ko kayang gawin iyon kay Felicia? Mahina ako. Nagbabanta palang ang luha, abangers na ko.
"Boy, sarado na ang parke," tinig ng matandang nagbabantay.
"Pasensya na po, hindi ko nabantayan ang oras" sagot ko bago tuluyang lisanin ang upuan.
Lumabas akong bitbit lahat ng sama ng loob. Bitbit ang mga ala-ala, at bitbit ang maliit na kahong kanina ko pa gustong itapon. Lutang ang isip ko salungat sa ulo kong nakayuko habang naglalakad. Hindi ko na napansin na binabasa na pala ng sariling luha ang kahon sa aking kamay.
"Aray! Hindi ka ba tumitingin sa nilalakaran?!"
Sumambulat ang lahat ng laman ng kahon. Mga sulat. Yung iba nabasa. May nalaglag sa estero. Meron ding tinangay ng hangin. Isa-isa kong dinampot ang mga natira. Ibinalik ko sa loob ng kahon. Kaso, nagtaka ako. Ang kaning hugis parihabang kahon ngayo'y hugis puso.
"Akin na nga yan!"
"Miss, sakin ang mga laman nyan!"
"Ayun yung sayo!" turo nya sa isang kahong biglang sinagasaan ng gulong ng taxi. Magagalit pa sana ako, napawi lang ng kanyang maamong mukha na may mga nagpe-fiestang luha.
-wakas
4 comment/s:
oo nga idol. buti nasundan pa sa sobrang busy. salamat kapanalig!
awts...
hindi ko alam kung sumakit ang puso ko o sumikip ang dibdib ko (can relate ang drama ko) wasak na wasak, pero ang ganda ng kwento mo.... andami kasing Felicia sa mundo.... at marami ring kagaya mo, ayan na nga nakabangga mo yung isa.
...matalinong pagsulat. isang bagsak para sa iyo :)
fan mo na ako.
thank you! tsamba lang. balik ulit sir!
Ang ganda... Masakit.. Pero maganda...
Ang galing mo talaga magpaluha idol!
Post a Comment