Halos tatlumpung minuto na ang itinagal ni Estong sa pagkakaupo sa plastik na upuan na wala man lang sandalan. Nangangalay na ang kanyang mga binti dahil hindi abot ng kanyang mga paa ang sementadong sahig. Dagdag pa ang ingay ng lumalagutok galing sa mekanismong nagluluwal ng papel habang itinitipa ang bawat letrang bubuo sa kanyang pagkakakilanlan.
"Pangalan hijo?" tanong ng pulis na bahagyang nagtapon lamang ng tingin sa kanya. Banayad na ibinaba ang may gradong salamin sa kanyang ilong.
"Ernesto po."
"Apelyido?"
"Sucat"
"Spelling?"
Hindi nakakibo si Estong.
"Spelling!" tumaas ng bahagya ang tinig ng pulis.
"Eh-eh hindi ko po alam," nahihiyang tugon ng katorse anyos na binatilyo.
"Anak ng P*ta! Nasaan ang magulang nito?!" galit na tanong sa isang kabaro. Sumenyas lamang ang isa na paparating na, habang abala ang tenga sa telepono.
"May record na yan dyan! Hanapin mo nalang," singit naman ng isa pang pulis na kakarating lamang at may dalang dalawang basong kape.
"Parokyano ka pala dito e! Pang ilang ulit mo na?"
Walo o higit pa ang pagkakatanda ni Estong. Anim lang ang idineklara ng pulis matapos basahin sa kanya lahat ng kanyang asunto. Isa sa kasong physical injury, tatlong para sa akyat-bahay, at ang natitirang dalawa ay para sa shop lift. Ngunit hindi iyon ang kanyang ikinakatakot. Mas kabado pa sya sa pagdating ng kanyang ama sa presinto. Hindi nya naman alam kung paanong ilag ang kanyang gagawin para iwasan ang mga ipapaligo nitong suntok, tadyak, sipa, at batok, habang ang mga pulis ay tatawa ng tatawa habang pinanonood lamang sya.
Ex-baranggay tanod ang kanyang ama. Mahigit sampung taon sa serbisyo mula sa unang kapitan hanggang sa pinalitan na ito ng anak. Nag-resign lamang sya nang magsimulang sumabit si Estong sa iba't ibang kaso. Hindi kinaya ang hiya at kantiyaw ng mga kasamahan. Tumindi pa ng huminto sa pag-aaral si Estong. Mas pinili ang buhay sa kalye. Sa murang edad, sa murang isipan, maliit na pangangatawan. Hindi lubos maisip ng kanyang ama na papunta lamang sa ganoong buhay ang kwento ng kanyang anak.
"Punyeta ka!" isang malakas na batok galing sa likod ang hindi namalayan ni Estong. Panandaliang nawala ang kanyang pandinig. Umikot ang kanyang paningin, "Sabi mo 'di kana uulit?"
Nawalan ng kibo ang binatilyo. Hindi alam kung saan huhugutin ang mga tamang salita para mapatahan ang galit na amahin. Isang suntok pa sa tagiliran ang pinakawalan nito. Nangilipit sa sakit si Estong. Naghahabol ng hininga. Masakit ang masikmuraan, ngunit mas masakit pagmasdan ang mga kawal ng batas na may malalakas na tawanan. Pinilit nyang tumindig ng diretso. Agad namang kumawala ang kaliwang suntok na nag-landing sa kanyang kanang panga. Bagsak si Estong.
Malamig ang kongkretong sahig.
Ninamnam maigi ni Estong ang sakit.
Kinapa ang kanyang mukha. Buo, ngunit may galos.
Umulit sya. Muli nyang tinangkang tumindig ng diretso.
"Kayo na hong bahala hepe. Suko na talaga ko," wika ng ama. "Ibalik mo ang ninakaw mo."
Tumayo si Estong. Doon nya naramdaman ang hilo. Isa-isang dinukot sa malaking bulsa ng kanyang maong ang lapis, naka-rolyong kwaderno, pambura, at mga gamit na madalas makita sa isang estudyante. Kung ano pa ang magkakasya sa malaking espasyo ng kanyang bulsa ay pilit nyang ipinasok. Na ngayo'y isa-isa nyang nilalabas.
Tahimik ang presinto.
Nawala ang tawanan.
Tanging ipit na boses na lamang ni Estong ang nangingibabaw. Sa kanyang isip may isang bagay lamang ng tumatakbo at paulit-ulit na nagpapayo.
Hindi na lamang sana sya nangarap na muling mag-aral.
-Wakas
3 comment/s:
wow... back to school story 'to ah... good timing! is it amahin not amain? educate me... hehe
namiss ko mag-aral :D amain siguro ang tama, di ko din alam hahaha!
Ang sakit sa damdamin nito idol.. ='(
Napakahusay!
Post a Comment