Balita

Makapal ang taong nakapaligid sa kanto ng Boni Ave. at Sto. Rosario sa Mandaluyong, matapos ang shoot out sa mga hinihinalang riding-in-tandem. Hindi malaman ng mga kinauukulan kung paano nila hahawiin ang mga tsimoso't tsismosa na lubhang nakaka-abala na rin sa daloy ng trapiko. Uhm, idagdag na rin ang mga auto ng mga pulisya na ginamit upang maharang ang mga kinikilalang mga kriminal.

Nakahandusay at halos wala ng buhay ang dalawang lalaking kinilala sa pangalang sina Rogelio Trinidad, 24 na taon, at si Cesar Lintao, 34 na taong gulang. Mga pawang walang love life ang mga ito dahil sa mga identipikasyong nakuha sa kanilang mga wallet na may naglalaman ng Php350 (kung pagsasamahin) pesos na bigla na lamang sinilid ng isang pulis bilang kapalit sa tumagaktak nyang pawis kakahabol sa dalawa.

Ayon sa saksing si Ginang Malou, na'sa gitna umano sya ng mainit na tsismisan sa kanyang mga kapitbahay nang bigla na lamang 'di umano'y may narinig syang sigaw ng isang babae sa tawid na kalsada. Out of curiousity, ibinato nya agad ang bitbit nyang pandesal sa pag-aakalang isang mahalagang spoof ang kanyang makukuha.

Reporter: "Nasaan po ba kayo noong mga oras na yun?"

GM: "Ayun nga! Basahin mo sa taas!"

Reporter: "Ah, e ano ho ba mismo ang inyong nasaksihan?"

GM: "Ayun nga! Pilit inaagaw noong isang lalaking yun (itinuro yung isang lalaking nakahandusay), yung hawak nyang bag. Ayaw nya talagang ibigay! Siguro malaking halaga ang laman noon.. Tapos yung isang lalaki namang nakasakay sa motor bababa na sana sya. Gusto yatang tulungan yung lalaking kasama nya, kaso bigla akong sumigaw.."

Reporter: "So, ibig sabihin sa inyo ho na-alarma ang mga 'to? Tama po ba?"

GM: "Yes! Opkors! Sa lakas ba naman ng sigaw kong umabot ng munisipyo, e agad rumesponde yung mga pulis! Naku! Kung ikaw ang nakakita, hindi ka talaga maniniwala. Mabilis talaga ang aksyon nila!"

Reporter: "Ano pong nangyari pagkatapos?"

GM: "Yun na nga. Tatakas sana yung dalawa kaso agad silang nahabol tapos agad silang pinagbabaril. Ito! (tinuro yung pulis na nagkakape) Yan ang naunang bumaril. Galing mo tsip!"

Reporter: "Matanong ko lang ho Ginang. Nakita nyo po ba kung saan napunta yung babae? Yung biktima?"

GM: "Ay! Oo nga no? Hindi na e! Mabilis syang nawala matapos dumating yung mga pulis. Sayang 'di ko na-chika man lang (may tinig ng panghihinayang)"

Reporter: "Maraming salamat Ginang Malou! At yan po ang ating ulat mula dito sa Mandaluyong, back to you F******!"

Maya-maya'y napawi na ang tensyon. Nakapag-tanghalian na ang mga usisero/sera. Lumuwag na ang daloy ng trapiko. Balik sa normal ang gawain ng taong bayan. May mga bumilib at mas marami ang natuwa. Liban sa hepe na kakarating pa lamang na hindi malaman kung may balakubak sa ulo dahil sa kakakamot. Pasimple nitong nilapitan ang dalawa sa pulis na nakatokang maiwan.

"Sino bumaril sa mga asset?", bulong nito. "Yung babae ang target. Na'sa bag yung item. Big time na sana tayo napurnada pa.."

"Sir, may ginang kasing nag-ingay e.."

"Barilin nyo rin.." utos nito.

At muli, may katawang bumagsak sa kanto ng Boni Ave., at Sto. Rosario sa Mandaluyong. Yun nga lang, hindi na nanumbalik ang mga tao para tumikim ng balita.


-Wakas



image credit to orig uploader :)

3 comment/s:

christian edward paul dee said...

Namiz ko 'to! Akala ko SBA entry na.

amphie said...

mukahang malabo ako sa SBA hehe. salamat sa pagdalaw ULIT! nalungkot ako, akala ko mawawala na yung nag iisang reader ng blog na 'to lol

kielala mo ba ako said...

Good short story.

Post a Comment