Gamit ang pulang pentel pen, naisulat na ni Jen ang sagot nya sa
tanong kong halos limang taon nang naghahanap ng sagot. Hindi sa papel kundi sa
kaliwang braso kong naka-semento. Gusto ko sanang silipin dahil excited na ko,
kaso bawal pa daw hangga't hindi pa sya umaalis.
"Kung 'di ka pa madidisgrasya siguro hindi ka uuwi ng
Pinas.." bulong nya. Alanganing nalulungkot at alanganing naghahanap ng
simpatya ang kanyang mukha.
"Hindi ah!" diin ko, "Kailangan lang talaga ng
dedikasyon sa klase ng trabaho ko. Alam mo namang hindi basta pwedeng iwanan
ang duty.."
"Swerte naman ng trabaho mo, may dedikasyon.."
Hindi ako kumibo. Nahulaan ko na kasi ang kasunod. Matagal nga
naman ang limang taon. Sa isang sundalo, maituturing na normal, ngunit sa tulad
ni Jen na mas mahaba pa ang pilik mata kesa sa kanyang pasensya, malamang
matinding sakripisyo ang kanyang ginawa.
Minalas ako sa huling operasyon ng grupo kaya baldado ang aking
kaliwang braso. Swerteng nabuhay kami sa engkwentro, malas namang tumaob pababa
sa paanan ng bundok ang sinasakyan namin habang kami'y pabalik na nang kampo.
Pito sa amin ang binawian ng buhay. Apat naman ang lubhang nasugatan.
Maituturing pa rin na mapalad ang naging hatol sakin ng Diyos, ikumpara sa
isang kabaro kong hindi na alam ang kanyang pangalan matapos ang aksidente.
Lucky charm ko daw si Jen sabi ng nurse na nag-alaga sa akin ng isang linggo
bago ako lumipad pauwi.
"Mas maigi na 'to,” tukoy ko sa aking lagay, “at least mahaba
ang magiging oras ko sayo. Babawi ako."
"Paano?!" naging excited ang kanyang tinig na parang batang
nagulat nang matanaw ang parating na sorbetero.
"Food trip tayo sa Baguio, romantic date sa Vigan, swimming
naman sa Calaguas, at sight seeing sa Bohol. Pero mas maganda kung mag fishball
muna tayo kela Aling Tinay."
"Loko! Na-miss mo no?"
"Sobra! Hindi ko pwedeng ipagpalit ang fishball sa kahit
anong pagkain sa mundo."
"Tara!"
Lucky charm? Siguro nga.
Yung mga sandaling pabalik na kami ng kampo bago maganap ang
aksidente. Nakakagulat na bigla na lamang sumipa sa isip ko ang mukha ni Jen.
Napakaganda nya. Bumilis agad ang kalabog sa dibdib ko. Nag roll back lahat ng
ala-ala. Yung mga neurons na nagre-represent ng buong pagkatao nya bigla na
lang nag-welga sa utak ko. Tsaka ko lang napagtanto na kailangan ko na palang
umuwi, tapos biglang nag zig-zag yung takbo ng auto. Pumikit ako bago pa kami
gumulong.
"Aling Tinay pakituruan nga itong si Jen mag-prito ng fishball
na kasing katulad ng sayo, para kapag kasal na kami may maipagyayabang na
ko!" biro ko kay Aling Tinay.
"Huwag po kayong maniwala dyan! Hindi pa nga nagpo-propose
e!" bawi ni Jen.
"Hindi pa? Aba'y katagal naman. Sige ka baka maghanap na ng
iba yan!" segunda naman ni Aling Tinay.
"Sobrang bagal po e! Isipin nyo po high school pa kami
parokyano ng fishball nyo at hanggang ngayon hindi nya pa rin ako niyayayang
lumagay sa tahimik."
"Hindi po totoo yan! Ang totoo po kasi binabalak ko na nga
mag propose. Hindi ko lang po alam kung paano ipagkakasya ang singsing sa fishball."
Namayani ang tawa. Nasilayan kong muli ang pinaka-magandang ngiti
ni Jen. Ngiting hinanap-hanap ko sa limang taong pagkakawalay sa kanya. Gusto
ko syang yakapin. Yung sobrang higpit, kaso biglang nawalan ng space ang
kanyang kilay, "Loko ka talaga! E kung malunok ko yun?"
"Plano palang naman e."
Noong magising ako puti na ang kulay ng langit at hindi na asul.
Inakala kong sumakabilang buhay na ko hanggang sa magsalita ang amerikanong
doktor. Kisame pala ang nakikita ko. Mula noo, balot ng bandage ang ulo ko.
Meron ding bagay na sumusuporta sa leeg at sementong nakabalot sa kaliwang
braso.
Tinalo ng pag-iisip kung nakarating naba kay Jen ang balita kesa
sa nararamdaman kong sakit. Malamang bubuhos ang luha sa kanyang pisngi. Bagay
na ayaw kong makita. Kwento ng nurse, madalas daw akong managinip. Paulit-ulit
ko raw binabanggit ang pangalan ni Jen. Hindi na raw sya magtataka kung iyon
ang nobya ko. Kaya nya siguro nasabing si Jen ang lucky charm ko.
Takipsilim. Pahalik na ang dilim nang magdesisyong ihatid ko na si
Jen. Mas pinili naming maglakad kesa sumakay. Mabigat na dahilan ang trapik at
maigi sa katawan ang exercise para mapapayag sya, kahit na ang totoo ay gusto
ko lang talagang ma-extend ang oras na kasama sya.
"Bakit tahimik ka?" tanong ko kay Jen.
"Wala.."
"Ang taong tahimik palaging may iniisip."
Huminto sya sa paglalakad, ngumiti, at humalik sa aking pisngi,
"Harold, please stay."
"I'll stay," nakangiti kong sagot.
"Sure ba yan?"
Yakap ang naging sagot ko. Senyales nang pagsang-ayon. Mahigpit,
makabuluhan, malalim, may pagmamahal. Tinapik nya ang likod ko. Lalo ko lang
hinigpitan. Isa, dalawa, tatlo. Sunod-sunod na tapik. Kumirot ang aking ulo.
Lumakas ang tapik na may kasama nang hindi pamilyar na tinig.
"Sir? Sir?"
Idinilat ko ang aking mga mata. Tuloy pa rin sa pagyugyog ang
nurse sa aking balikat, "Sir?"
Pumasok ang doktor sa kwarto. Sumunod ang isa pang nurse na may
bitbit na clipboard. Marami silang tanong. Yung iba normal. Yung iba hindi pa
ma-absorb ng utak ko. Wala pa ko sa ulirat. Naiintindihan ko ang pinag-uusapan
nila. Wala lang ako sa mood sumagot. Inutusan ni dok yung nurse na gumising sa
akin para alalayan akong umupo.
Sa gilid ng kama, pinagmamasdan ko ang aking paa. Sa isip ko okay
lang naman pala kahit kulang ng isa. Yung kaliwang braso ko ganoon pa rin ang
itsura. Sementado pa rin. Kinapa ko sa aking ulo kung saan galing ang kirot.
May malaking sugat na sa wari ko'y malapit nang maging peklat. Yung umalalay
saking nurse halata sa mukha nya ang awa. Nginitian ko lang sya para ipahiwatig
na okay lang ako, tsaka nya hinilera yung mga iba't-ibang gamot. Iba rin ang
kulay at hugis sa bawat isa. Yung isa naman tuloy pa rin ang pagsusulat sa
clipboard. Lahat nang sinasabi ng doktor inililista nya. Pasimple nya lamang
akong tinapunan ng tingin tsaka bumalik sa ginagawa.
"Sir," hinawakan ng doktor ang balikat ko, "Same
dream po ba?"
"Oo.."
"Malapit na po kayong lumabas ng hospital. May I ask kung may
naaalala na ba kayo sir?"
Gamit ang pulang ballpen na hiniram ko sa nurse, maingat kong
isinulat ang sagot sa tanong ni Dok. Hindi sa papel kundi sa kaliwang braso
kong naka-semento. Excited nyang sinilip. Ngumiti sya tsaka ako kinamayan.
Tatlong letra.
Jen.
"Call his wife." utos nya sa nurse.
-Wakas
Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2014 sa kategoryang Maikling Kwento
7 comment/s:
sabi ko na eh, hindi puwedeng wala kang entry sa kategoryang ito.
Good luck sir MP!
magagalit na naman si batman kapag sinabi kong "bahala na sya" sa walang sustansiyang obrang kasalanan ko haha, salamat sir! apir!
Iba ka talaga sir.. Ang husay..^_^
Nakakadalang basahin...
good luck sa iyong entry! i love it!!! sau ang boto ko kahit walang voting! hehehe
cash nalang sir hahaha
salamat tol! apir!
salamat! mabuti ang fishball lol
Post a Comment