Flamingo - Chapter 1

Ipinikit ko ang aking mga mata. Sinigurado ko kung kailangan ko na bang mag-take ng supplement, para maalala ko ang lahat. Sa isang iglap nagsulputan lahat ng detalye ng nakaraan. Mula sa kakaibang amoy ng hangin sa bayan ng Mojaeles, hanggang humantong sa mukha ng babaeng hinding hindi ko pwedeng makalimutan habang nabubuhay.

Dinilat ko ang aking mata nasa harapan ko na si Ingrid. May kakaibang ngiti sa kanyang labi habang hawak ang dalawang cup na naglalaman ng coffee. Tatayo sana ako para tulungan sya, ngunit naunahan nya ako. Inilapag nya ang umuusok na kape sa harap ko. Nakaka-alarma ang kanyang ngiti habang inaayos ang upuan. Isang table, dalawang upuan, dalawang taong magkaharap, at isang kwentong naghihintay na mailatag.

Inilapag nya ang voice recorder sa ibabaw ng magarbong table, na binabalutan ng asul na tela. Bahagyang ipinatong ang dalawang kamay, at tska ito itinikom.

"Pwede ka nang magsimula Marcus.." si Ingrid.

"Para saan ang recorder?" usisa ko.

"Just for fun!" natatawa nyang sagot.

Kumiliti sa ilong ko ang mabango at nakakagising na amoy ng dekalidad na kape. Uminom ng bahagya bago tuluyang magsalita.

"Ilang beses kong pinag-isipan ito, pero sumagi din sa utak ko na wala namang mawawala" pauna ko.

Tahimik lang sya at walang anumang salitang lumabas sa kanyang bibig. Napakunot ang noo ko sa kanyang nakakairitang ugali. Wala akong nagawa kundi tuluyan nang magsalita.

"Maniniwala kaba kung sasabihin kong ikinasal na ako?" tanong ko.

Sumilip ang kanyang ngiti. "Oo, pwede! Tao ka naman, at karapatan mo yun" pilisopo nyang sagot.

"Isang beses akong ikinasal, sa magkaibang babae.." dugtong ko.

Naputol ang kanyang ngiti, at mabilis na pinalitan ng pagdududa ang kanyang mukha. Nag-aagaw ang tawa, at kyuryosidad sa kanyang isip. Batid ko sa hindi maipaliwanag nyang paggalaw.

"Paano nangyari yun?!" tanging salitang nasabi nya.

-----

Doktora si Ingrid Mercillano. Hindi nang mga nanay na nagdadalang tao. Hindi ng mga aso, at lalong hindi ng mga pekeng diploma at resibo. Isa syang Psychiatrist, at isa ako sa mga pasyente nya. Nakilala ko sya noong panahon lubog ako sa depresyon. Hindi naman ako parokyano, but somehow nagkaroon sya ng interes sa buhay ko. Madaming beses kong pinaunlakan ang ideya nyang ganito, pero katumbas din noon ang hindi ko pagsulpot. Mahigit dalawang taon na kong nakikipag hide-and-seek sa kanya, pero hindi pa din sya huminto. May gusto syang malaman ang lagi nyang dahilan.

Nagsawa din ako kakatago. Napagod na din ang daliri ko kaka-cancel ng mga tawag nya. At ngayon ang araw na nag-iba ang ihip ng hangin sa isip ko. Pumayag ako sa kagustuhan nya, bakit? Trip lang.

"Lumalamig ang kape. Tumatakbo ang oras, hanggang kailan ka makikipag-usap sa sarili?" ang biglang pasulupot nyang tanong.

Tinanggal ko ang unang butones ng suot kong polo. Dinukot ko ang kwintas na merong pendant na yari sa abaka. Bakas sa itsura nito ang nagdaang panahon, at sa likod naman ang kakaibang kwentong nakapaloob dito. Isang kwentong nais kong ihayag. Kwento ng pag-ibig na gumawa ng malalim na ukit sa puso ko. Inilapag ko ito sa ibabaw ng mesa.

"Sabihin mo nga. Naniniwala ka ba kay Ramon Revilla?" natatawa nyang tanong.

"Hindi yan anting-anting!" irita kong sagot.

"Relax Marcus! Para saan ang wooden amulet na hugis ostrich?"

"Hindi yan ostrich. Malaki masyado ang ibong yun para isabit sa leeg ko" pilosopo kong sagot.

"Hindi bird? Hindi plane?" pang-aasar nya.

"Flamingo! A big pink bird, that symbolized love!" matikas kong sagot.

Muli, pumikit ako. Sinimulan kong alalahanin ang lahat ng detalyeng natatandaan ko.

------------

Ang mga ngiti ni Sarah, ang pinakamagandang ngiting bumusog sa aking mga mata. Bumaba sya sa langit, para punan ang kulang na parte ng pagkatao ko. Hindi ko sya hiniling, pero sa isang iglap nariyan sya. Nag-krus ang aming landas noong nasa kolehiyo pa kami. Galing syang probinsya, at mag-isang nanirahan sa maynila. Nagkaroon ako ng dahilan para magsipag sa buhay. Natuto ako ng mga bagay na hindi kakikitaan sakin noon. Sa madaling salita, malaki ang pinagbago ko.

Nakatapos kami ng kolehiyo. Bitbit ang mga pangarap na nagsisimula nang lumipad, napagdesisyon naming magsama sa iisang bubong. Hindi naging mahirap ang lahat. Nagkakasundo kami sa maraming bagay. Walang dapat problemahin. Kahit pa ang kakapusan sa pera, hindi naging balakit sa tinatahak naming daan.

Nakahanap ako ng trabaho noong sumunod na taon. Admin assistant sa isang kompanya, hindi na masama. May sahod na pwede nang bumuhay ng pamilya. Kahit kapos sa oras, nagkakaroon pa din kami ng panahon sa isa't isa. Naging makulay ang pagsasama namin, kaya noong naka-ipon na ng pera niyaya ko na syang tapusin na ang pagiging single namin. Nagpakasal kami nung sumunod na taon. Walang magandang venue, walang audience na malakas magtake-out ng handa. Isang simpleng kasal. Isang lihim na kasal.

Pero tulad ng madalas na sinasabi ng lahat. Palaging karugtong ng kaligayahan ang kalungkutan. Iikot ang mundo, at dadaan ka sa parteng hindi nasisilayan ng araw. Hindi ko nakitang paparating ang bagyong namuo sa langit. Dalawang buwan nagkaroon sya ng karamdaman. Hindi din nagtagal.

Pumanaw si Sarah.

"Oh my!" gulat na wika ni Ingrid. Muntikan pang matabig ang iniinom na kape. Halata sa mukha ang pagkagulat ng doktora.

"As in namatay sya?!" tanong nya.

"Ay hindi! Natulog lang!" pabiro kong sagot.

"Sorry Marcus!" humugot sya ng malalim na hangin. "Gusto mo bang wag na nating ituloy ito?" tanong nya. Alam kong naapektuhan na sya sa kwento ko, at iniisip na makakasama pa sa akin kung magpatuloy.

"No, it's okay! Nasimulan ko na naman"

"Sigurado?"

"Oo."

Sa puntong yun nakitaan ko si Ingrid ng kakaibang interes. Ipinatong na nya ang siko sa limesa, at itinukod iyon sa kanyang baba. Bahagya nya pang nilapit ang kanyang ulo palapit sa akin, para marining nya ng husto ang lahat ng aking sasabihin.

"Akala ko noon ang pagkawala ni Sarah ang pinakamalaking problema ko sa buhay" pagpapatuloy ko.

"Akala ko din yun lang ang ibinigay ng diyos na pasanin sa akin, ngunit may malaki pa palang krus na naghihintay sa daan ko"

"Ano nangyari?" tanong nya.

"Kakaibang balita ang dumating sa akin noong dumalaw ako sa ahensya ng gobyerno, para kunin ang papeles na nagpapatunay na sya'y pumanaw na. At para na din mag-file ng bagong estado"

"And then?" nasasabik nyang tanong.

"Natuklasan kong ikinasal ako kay Sarah" wika ko.

"Huh?"

"Ikinasal ako sa Sarah na nabubuhay pa, at hindi yung pumanaw na"

------

"A Story inspired by the movie 3 Idiots"

5 comment/s:

starbuko1234 said...

boss astig to ah

Amphie said...

hindi naman sir, umpisa palang yan. tamad pa magtype ng kasunod. hehehe!

rhed said...

:D ayun...andito yung umpisa..:D patambay..

Amphie said...

tambay lang. may libreng kape dito :)

rhed said...

huwaw.. gusto ko kape... asan?... :D

Post a Comment