Akalain mo yun?


“Thumbs up! Flowers din guys!”
“Kung aabot sa 500 users.. Open na lahat!”

Crowded. Singkit ang mga mata ng manonood. Kahit air-continuous ang hangin sa inuupahan naming kwarto noon, eh nag-aapoy naman ang pwit ko kakahanap ng kumportableng pwesto. Mabilis ang daloy ng mga salita sa chatroom na kinabibilangan ko. Anong meron? Kapag pinasok na ng naatasang dj ang kantang “Lady in Red”, “Por Amarte”, at ang walang kamatayang “Ring my Bell” isa lang ang nagaganap.. Alam na! Wankero!

Puputulin ko na bago pa uminit ang kung anong ulo ng babasa. Camfrog ang tinutukoy ko. Alam naman nating lahat kung anong meron sa 18+ rooms tuwing 2pm, 10pm, at 3am. Ano bang kinalaman ng naglalagablab na show sa binibida ko dito? Hindi ka maniniwala. Aside sa namamawis na singit ko tuwing happy hours, dito din ako nagsimulang magsulat o gumawa ng kwento.
“Kuya pa-view!”
“Kulayan mo naman ako! Tatambay ako palagi :P”

Kakapasok palang ng 2010. Bago pa mapasakamay ko ang ABNKKBSNPLAko? ni Bob Ong. Isang kaibigan ko ang nagsusulat na ng kwento, series, novel. Cabal adik hanggang ngayon si Ayekaru(karakter name)na kababata ko ang nag-presinta ng kanyang kauna-unahang kwento sa gitna ng inuman session. Ako bilang music lover noong mga panahong iyon, at walang interes sa babasahin, ang pag-aabang lang sa bagong kanta sa song hits at pag-harvest ng tanim sa Farmville ang pass time ko habang naghihintay ng late show. 

“Two worlds existing as one”. Title palang na-elib na ako. Hindi ko muna binasa sa umpisa. Inuna ko ang mga comments ng mga readers sa cabal forum. Nagulat ako sa kakaibang feedback. Una nahirapan akong intindihin, kasi tumatakbo ang kwento sa dalawang mundo. Sa buhay ng player sa mundo ng tao, at ang buhay nya sa larong cabal. Exciting. Nakaka-aliw. Inabangan ko ang bawat update ng kwento. Nakita ko ang sarili kong isa na ding fanatic ng ganoong klaseng mga kwento.

“Saan galing ang ideya at writing style na hindi katulad sa mga nababasa ko?” Pinakilala nya sa akin si Bob Ong. Ang librong ABNKKBSNPLAko?, Paboritong Libro ni Hudas, at ang personal favorite kong Macarthur ang nagsilbing lighter para sindihan ang natutulog na sulo ng pagsulat. Sinubukan kong gumawa ng kwento, pero nang matapos na hinanap ko agad ang backspace button sa keyboard. Vignette ang resulta, at totally walang pinupunto. Nakukulangan ako sa unang output ko. May hinahanap ang panlasa ko na kakaiba. Something na alam kong hindi ko mismo makita sa sarili kong gawa.

“Lady in red is dancing with me..”
“..there’s nobody here. It’s just you and me.”

Pagka-login diretso agad ako sa RASTAH. Walang tao sa chat room na tinatambayan ko. May ilang pumapasok, mabilis ding lalabas. Tumaas ang points ko kakasagot sa mga trivia na binabato ng bot. Bored. Sisibat na sana ako, kaso may chiks na naligaw. “Kuya tune naman!” bebot sya kaya hindi sya mabibigo sa akin. Nag-play ako ng ilang songs na aakma sa title ng room. Nagkausap kami. Chikahan. Anything na pwedeng pangpalipas umay. Hindi nagtagal inalok ko sya ng private chat. Hindi ako nabigo. Habang tumatagal naaliw akong kausap sya. Hindi ako nauubusan ng pangbobola. Weird talaga. Hanggang nagpaalam sya. Balik boring ulit.

Pagka-sign out ko isa lang pumasok sa isip ko. Gusto ko syang gawan ng kwento. Pero nabago iyon habang nagsisimula na ang lahat. Ang ideya ng unang nobela kong “Kwentong Tambay” ay hango sa online chatting na camfrog. Ang vignette na kwento ay naging love story ng hindi inaasahan. Nasa magkabilang dulo pa ng utak ko ang desisyon kung ipo-post ko sya o hindi. Wala namang mawawala. Hindi naman ibabalita sa telebisyon na nilangaw ang istorya na ginawa ko. Ang mahalaga nabigyan ko ng justice ang pangangati ng kamay ko sa pagsulat ng kwento.

Akalain mo yun? Wala sa itsura ko manunulat, at hanggang ngayon wala sa isip kong isa akong manunulat. Sabi lang ng yosi ko noon.. “Subok lang..” tapos naging.. “Subok pa..” hanggang umabot sa puntong “Sulat lang at sulat pa..”

Kewl hindi ba?



Lesson: ang bebot ang susi sa paggawa ng kwento.
Wankero: ito ang tawag sa mga users na madalas sa 18+ rooms sa cf.

Trivia time: ang username na underscore sa unang chapter ng kwentong tambay sa tristancafe ay member ng literati. Isa sya sa unang nagtiyaga sa unang kwento ko.

1 comment/s:

Chico Reymart said...

hihi akalain mu like like

Post a Comment