Dear Blank

Nakakairita na ang bawat kindat ng palyadong bombilya sa aking kwarto. Nakikisabay din ang putol-putol na tugtog sa radyo. Ang kanina pa sana tapos na liham ay hanggang ngayon ay puti at blangko pa din. Dear blank.. Blangko ang kadugtong ng pamosong panimula sa isang typical na liham. Hindi naman kailangang maging writer kapag sulat pag-ibig ang nilalaman. Tunay na nilalaman lang ng damdamin at konting pambobola swak na, pero tila tinamaan ako ng writer’s block sa mga oras na ‘to.

Madami akong gustong sabihin sa iyo. Isa na doon ang mga mata mo. Hindi na kailangang gumamit ng pendulum swing, kasi titig palang na-hypnotized na ako. Kaya yung matagal ko nang gustong sabihin sa iyo, e laging napipigil sa tuwing titignan mo ako. Hindi yun bola! Totoo lahat iyon. Sa katunayan nga lang kung lambing lang ang pag-uusapan, aba’y kahit ang Scarborough Shoal posibleng maagaw mo sa bansang tsino. At sa tuwing didikit ang braso mo sa braso ko, yung mga balahibo ko tumatayo. Hindi yata sanay sa laking aircon na kutis. Yung pakikipag-usap mo sa akin may dating din. Kasi tuwing nagsasalita ka, kahit love life ng aso nyo lang ang kwento e talagang namamangha ako.

Ang hirap pala ng ganitong sitwasyon. Minsan gusto na kitang yakapin, kaso yung kuya mo laging nakatingin sa akin. Basa ko sa mga kilos nya na wag ka lang daw mapupuwing, kundi yung kamao nya didikit sa mata ko.

Mahal na mahal naman kita e, kaso may pumipigil sa akin para sabihin yun. Siguro naman mahahalata mo na. Kung tatanungin mo naman ako kung ano, matutunaw ang eyeliner mo pero kahit isang salita walang lalabas sa bibig ko. Lahat ng ginawa mo para sa akin ay nagbibigay dahilan para hindi ko ituloy ang liham na ‘to. Ewan ko ba. Napako na yata ako sa magagandang ala-ala at sweet moments na naranasan ko sayo. Kaya kahit umiwas ako konting kembot lang ng balakang mo nagiging paatras ang lakad ko.

Sana ikaw nalang ang gumawa ng paraan para magkaroon ako ng magandang dahilan. Sana sayo galing ang motibo para hindi na ako mahirapan. Simple lang naman yun di ba? Ayoko nang dayain pa ang nararamdaman ko para sayo. Kung hindi ko man masabi sa iyo, sana sa tulong ng liham na ito maisakatuparan ko iyon. Pero lintik ang mga salita kung lumipad. Masyadong mailap kaya hindi ko sila mahuli at mailapat.

Uy! Umaga na pala! Sumasakit na ang aking mata kakatitig sa asul na linyang nakapila. Sa dami ng istorbo mukhang hindi ko na matatapos ito. Nasabi ko pa naman sayo na may ibibigay ako. Sana hindi mo maalala para hindi ka mangulit. Nakakainis pa naman kapag kinukurot mo ako sa kung saan-saan. Kapag nagkita tayo mamaya, pakiusap ko lang huwag mo muna sana akong babatiin. Ang hirap kasi umiwas kapag nagsimula ka nang maglambing.

At bago ko tuluyang punitin ang atras-abanteng liham na ito, isa lang ang na-realized ko. Akala ko’y may mas mahirap pa sa pagiging torpe. Hindi ko lubos maisip na mas mahirap pa palang kumalas sa relasyong bunga lang ng pustahan, lalo na’t sa huli na-inlab kana pala. Ayokong  mawala ka, pero mas ayokong matuklasan mo ito sa iba.

Dear blank.. Alam mo ba? Nakakatakot din palang isulat ang katotohanan.




Literati Tiyalends: You're alone in your room trying to write. But for some reason, you're terrified. For a minimum of 200 words, write about what's scaring you.

4 comment/s:

Anonymous said...

1st.. hehehe

Amphie said...

uy may bagong reader! hehe!

Chico Reymart said...

wiw ngaun ko lng nabasa to DEAR BLANK bak8 hndi ko nkita dati haha buti nag browse pa :D

thanks d2

amphie said...

salamat din sa pagtiyagang mag-back read!

Post a Comment