Anino


Sarado ang kaliwang kamao ko habang sa kanan naman nakapatong ang aking baba. Tahimik ang aking postura kahit na ang diwa ko ay maligalig. Pinagmamasdan ang mga nakangiting tao sa paligid. Kakaiba ang sayaw nila na hindi tugma sa love song na umeere sa malaking silid. Sa pinto nakasabit ang lumang orasan na kada lagitik ng kamay ay dumudurog sa aking pagkatao.


"Hindi na sya darating pre. Bakit hindi ka nalang mag-enjoy?" tinig na nanggaling sa likod ko.


"Ikaw pala.. Buti kapa sumipot, samantalang yung una kong inimbita mukhang walang balak dumating"


Naramdaman ko ang isang malamig na pag-akbay sa aking kanang balikat. Nilingon ko. Malaking ngiti ang bungad nya sa akin. Napangiti din ako ng bahagya na halatang pilit.


"Gasgas na linya na 'to. Pero isipin mo din na hindi lang iisang uri ang isda sa dagat" wika nya.


Iniangat ko ang dalawang kamay ko para itapal sa likod ng aking batok. May kakaibang pintig na nagdudulot ng hindi maipaliwanag na hapdi. Wala akong naging reaksyon sa mga payo nilang alam kong tama. Palibhasa'y hindi ko pa kayang mawala ang babaeng nagkulay sa buhay kong black and white.


Kibit balikat silang tumalikod sa akin. Hindi ko nagawang magpasalamat sa kanila sa pagdating sa espesyal na araw sa aking buhay. Malungkot ang bawat pagpapalit ng musika. Sa tuwing matatapos ang isa, hinahanap ng aking pandinig ang katahimikan; ngunit mabilis ding nag-aasam ng kasunod na awit, na sa tingin ko'y sasagip sa aking kalungkutan.


"Mas importante pa ding mahalin ang sarili" bulong ng isang bisitang ngayon-ngayon lang namataan ng aking mata.


"Lumabas ka. Sulitin mo ang buhay. May iba't ibang kulay sa ibabaw ng lupa na hindi mo pa lubos na naipipinta"


"Paano? Sya lang ang buhay ko."


"Ang paglisan nya sa mundo ay hindi dahilan para gawin mo ang mga bagay na 'to sa sarili mo. Tumingin ka sa paligid. Hindi lang ikaw ang natapilok at napilayan sa daan"


Inikot kong muli ang aking mata sa paligid. Sumasayaw ang mga tao sa masayang tugtog ng kakaibang musika. Lahat sila napahinto sa aking pagtayo. Walang gustong magsalita liban sa takbo ng orasan na kanina ko pa tinititigan.


"Hindi na sya darating.." bulong ko.


Sa salitang binitiwan ko dahan-dahang bumagal at tuluyang huminto ang musika. Natigil ang bawat hakbang ng mga tao. Lahat natahimik. Unti-unting umugong ang bulungan. Hindi ko maunawaan ang kanilang sinasabi. Humakbang ako ng ilang ulit papalapit sa kanila. Bawat kakapitan ko'y nagiging anino at tuluyang naglalaho. Isa-isa hanggang sa walang natira. Malamig na hangin nalang na nanggagaling sa aircon ang tanging naiwan.


Isang kisapmata lang naglaho silang lahat. Sumikip ang dibdib ko. Dama ko ang bilis ng tibok ng aking pulso.


"Chris! Buksan mo ang pinto! Chris!!"


Papikit na ang aking mata. Hindi na magawang gumalaw ng aking bibig na bumubula. Ang buong katawan ko'y naninigas. Bago tuluyang dumilim ang paligid, narinig ko pa ang malakas na yabag na sa tingin ko'y sumira sa pintuang naka-lock.


"Chris!!" malakas na tinig ni ate.


"Hintayin mo ko, magkikita na tayo.." bulong ko.


-wakas




------


Symbianize Literati: Writing Exercise (7-A)

0 comment/s:

Post a Comment