Hiling

para kay JM

"Naririnig nya kaya ang bawat dasal natin? Nakakarating kaya ang mga nais nating iparating? Sa tingin mo?" sunod-sunod na tanong ni Sandy sa asawang si Anton.

"Alam ng diyos ang lahat ng bagay. Baka hindi talaga para sa atin ang ating hiling," sagot ni Anton. "Baka may iba pa syang balak para sa atin."

"Four years Anton, four years.." pagkasabi'y tumayo ito sa pagkakahiga. Gamit ang kumot ginawa nya itong panakip sa hubong katawan.

Napapikit na lamang si Anton. Wari'y ayaw ng marinig pa ang reklamo ng asawa. Hinaing na mahigit ilang taon na nyang naririnig bago ipikit ang mga mata sa gabi. Palaging ang pagdarasal na lamang ang nagiging tugon kapag nagsisimula ng mag-sentimyento ang kabiyak. Paniniwalang mabibigyan sila ng anak sa tulong ng taimtim na panalangin, salungat naman sa katotohanang hindi na talaga sila maaaring mabigyan ng supling, dahil sa asawang may depekto.

"Itigil mo na ang paninigarilyo," saway ni Anton kay Sandy na nagsisimula pa lang pausukin ang buong kwarto. "Masama yan sa kalusugan mo. Paano na lang kung--"

"Kung magka-anak tayo?!" putol agad ni Sandy sa sasabihin pa ng asawa. "Anton, nakabisado ko na ang lahat ng sulok ng rosaryo, nahimas ko na ang lahat ng santo, at naka-ilang sayaw na tayo sa obando."

Natahimik si Anton. Sa mga ganitong pagkakataon hindi na sya nakikipagtalo pa kay Sandy. Hinahayaan na lamang nyang magsalita ang kabiyak hanggang sa mabanggit lahat ng sama ng loob. Sa loob-loob ni Anton, tanggap nya ng wala ng pag-asa pang mabiyayaan sila, pero hindi sya tumigil sa pananalig. Buo ang kumpiyansa nyang ang lalaking nakaupo sa ulap ay may dahilan sa lahat ng bagay. Sa lahat ng nagaganap, at  alam nyang kahit kailan ay hindi ito naging bingi sa kanilang mag-asawa.

"Si Mark, hindi ba gusto mo sya? Nag-decide na tayo noon, kaso umayaw ka na lang bigla" mahinahong tugon ni Anton.

"Ayokong mag-ampon!" giit ni Sandy. "Ayokong magpalaki at mag-alaga ng batang hindi naman galing sa akin!"

"Anong gagawin natin?! Hindi ko gustong marinig mo 'to, pero kailangan nating tanggapin ang sinabi ng doktor." nakayukong wika ni Anton. "Baka yun talaga ang gustong mangyari sa atin ng diyos.."

"Diyos? Walang diyos Anton, walang Kristo! Nabubuhay lang sya sa paniniwala ng katulad mo! Tayong mga tao lang ang nagbibigay buhay sa kanya! Gumagawa lamang tayo ng imaheng pwede nating masandalan sa mga oras na gipit tayo sa problema!"

Hindi na napigilan pa ni Anton ang sarili. Isang malakas na sampal ang ibinigay sa kanyang asawa. Sampal na alam nyang gigising kay Sandy na tuluyan ng nilalamon ng depresyon, galit, at pagkamuhi.

"Hindi ko sadya. Sandy, sorry!" pigil ni Anton.

Walang naging reaksyon si Sandy. Tumalikod lamang ito at naglakad papalabas ng kwarto. Kahit ang paglapat ng labi ng pintuan ay walang ginawang ingay. Iniwan ang asawang may anyong tila naguguluhan. Napaupo na lang si Anton sa gilid ng kama. Hindi alam kung saan isisisi ang mga bagay-bagay. Ayaw isuko ang paniniwala sa maykapal, ganun din sa mahal nyang asawa. Huli na ng mapansing pinuno na pala ng luha ang magkabila nyang pisngi. Napapikit sya.

"Anton!!"

Napabalikwas sya sa sigaw ni Sandy. Mabilis nyang hinanap ang asawa. Ang labing dalawang hakbang ng hagdan ay naging tatlo lamang sa kanyang ginawang paglundag.

"Sa-Sandy! Nasaan ka?!" natataranta nyang tanong habang iginagala ang mata sa paligid. Abot langit ang panalanging walang ginawang masama si Sandy sa sarili.

Laking gulat nya ng maabutan ang asawa sa pinto ng bahay. Walang bakas ng kung anong bagay na magiging dahilan ng bigla na lamang pagsigaw. Dahan-dahan nyang nilapitan ang asawa habang nakasalampak ito sa labas. Niyakap nya ito ng mahigpit mula sa likod. Hinalikan sa batok at sinuklian naman ito ng ngiti ni Sandy.

"Anong ipapangalan natin sa kanya?" tanong ni Anton.

Nangilid ang luha sa mga mata ni Sandy, "Gave. Bagay yun sa kanya."

-end


7 comment/s:

Archieviner said...

Paggantong kwento tungkol sa mag-asawang di magkaanak naaalala ko ang kwento sa bibliya ni abraham at Sarah. Yung pangako ng Dyos na bigyan sila ng anak. 
Nice post ser

Q QL said...

wow the story is moving. 

amphie said...

salamat sir! hindi ko pa nababasa yun XD

amphie said...

hindi ko na-experience ito, buti nai-deliver ng maayos kahit paano ;)

Archieviner said...

Basahin mo sir :)

Reilly Reverie said...

Ang galing talaga... Bawat linya'y makatotohanan ang pagkakasaad...

Salamat muli sa pampagising na istorya sa maghapon ko... :)
**Suki na ata ako dito...

tom-joy said...

hahaha.., nakakarelate,.,.,


ako din di pa nabubuntis.,.,,


ako kaya may problema? lol.,.

Post a Comment