One Morning of July - 12

(image credit kay idol Melala)

***

Hindi ko gusto ang biglaang pagdilim ng langit. Humakbang lang ang mga paa ko palabas ng pinto, parang biglang nagalit ang panahon. Pero kung may pinaka-aayawan akong bagay, siguro dabest na ang biglang pagdating ng mga magulang ko. Alam kong mas malala pa sa paparating na bagyo ang dala nilang perwisyo. Maraming beses na kong tumakas sa gusto nilang mangyari sa akin, pero para silang nag-aalok ng promo na kahit buhusan mo ng laway ay babalik din kinabukasan. Tuluyan ng umulan.

"Three minutes, nariyan na ko.." pagtatapos ko. Sinilip ko muna kung baha ang tatapakan ko bago ako bumaba ng taxi. Dumiretso ako sa loob ng terminal bago pa lumaki ang patak ng ulan.

"Babyyy!!" napunit ang mukha ko. Si ermats ang sumalubong sa akin. Kasunod si erpats na may kakaibang ngiti sa labi. Kakakilabot ang magulang ko. Weird pa sila kay Marticia and Gomez.

"Kumusta ba ang buhay maynila? Kaliwa't kanan na ba ang girlfriend?" bungad ni erpats. Natawa na lang yung babaeng kanina pa nakatingin sa akin. Akala siguro hindi pwedeng maging playboy ang probinsyano. "Sana hindi namin ipinaalam na parating na kami, para nahuli naman kita sa akto!"

Inihatid ko sila hanggang sa apartment na tinutuluyan ko. Sa byahe hindi maiwasang mag-usisa kung anong nangyari sa akin sa unang taon ko sa pagtapak sa siyudad. Hindi daw inakala na makaka-survive ang tulad kong magtimpla lang ng sariling kape ang alam. Kahit ang katiting na detalye walang pinalagpas. Mabuti nalang hindi na naisipang kamustahin ang manhood ko.

"Iwan ko muna kayo, may pasok pa ko.." paalam ko.

Pinigilan ako ni itay bago pa ko makalabas ng pintuan. Bago magsalita sinigurado nya munang hindi iyon napansin ni inay. Nagulat ako ng bigla nya kong itinulak papalabas ng pinto.

"Noel, ang ate mo nag-asawa na.." panimula nya.

"Congrats! Madalas nyang sagot sa teacher nya yun kapag tinatanong sya kung anong gusto nya paglaki!" biro ko. "Bagay naman sila ni Jacob. Nagkakasundo sa maraming bagay, kaya alam kong magiging maganda ang buhay nya."

"Kano ang napangasawa nya. Nasa ibang bansa na ang ate mo!" nilingon nya si ermats. Nagkaroon na ako ng duda. May mangyayari sigurong dapat kong malaman. Sa tono nya parang involve ako.

"Buti may pumatol. Sabagay 'di naman halatang nakadapa ang ilong ni ate.."

"Uuwi ka na ng probinsya! Ikaw na ang magtuloy ng negosyo natin!"

Mas nanaisin ko pang gumuho na ang mundo, keysa marinig ang sinabi ni erpats. Akala ko tama na ang calculation kong magkakatuluyan si Ate at si Jacob. Sila na din ang bahalang magpalakad ng negosyo. Gusto kong magalit kay Ate sa pagpapakasal nya sa kano, pero mas dapat sigurong sipain ko muna si Jacob. Nasayang ang ilang taong pagtulong ko sa kanya para ilakad lamang kay Ate, tapos 'di rin pala sya nagkaroon ng lakas ng loob.

Pumasok agad sa isip ko si Marta. Ang babaeng na sa artistic level na ang kahibangan. Kapag pumayag ako sa gusto ng mga magulang ko, paano na kami? Mayaman ang pamilya nila kaya siguradong hindi babaliin ang kasunduang kasal para lang sumama sa tulad ko. Hindi din siguro sasapat ang negosyo namin para itapat sa lalaking mapapangasawa nya. At hindi din ako siguradong sasama sa akin si Marta pabalik ng probinsya. Kung pumayag man, hindi ko din sya magagawang itanan. Pag-ihi nga sa gulong ng kotse 'di ko magawa kahit lasing.

"Sa makalawa babalik na tayo. Sorry, Noel. Kung hindi lang umalis ang Ate mo, hindi ka na naming guguluhin dito."

"Dad.." lumunok muna ko ng laway. "Hindi ko pwedeng iwan si Marta. Yung girlfriend ko. May mga plano na kami." pagsisinungaling ko.

"Plano? Eh, di mabuti! Kung plano nyo na palang magpakasal, kayo nalang ang mag-handle ng negosyo natin. Alam mo namang matagal na ng balak ng mommy mo magsuot ng bikini sa beach.. Oras na namin para mag-relax. Magandang balita yan! Halika't masabi na sa mommy mo!"

"Yes baby? May sasabihin ka?!" hirit ni ermats na nasa likod lang ng pinto nakatayo.

Yari.

----

Sinipa ko ang botelya ng mineral water. Sablay. Kahit sa pagsipat ng target hindi ko magawa ng maayos. Hindi na ko magtataka kung bakit hindi ko magawang masabi ang lahat ng gusto ko sa harapan nila.

Nakatatlong tawag na din ako kay Marta, pero wala man lang sagot. Bago pa makarating sa opisina ang sinasakyan ko bumaba na ko. Lutang ang isip ko. Daig ko pa ang ipis na nag-swimming sa pesticide. Hindi na kayang i-resolba ng utak ko ang dami ng problema. Naglakad ako papunta ng trabaho, pero nakakapagtakang dinala ako ng mga paa ko sa fast food kung saan kasama ko si Nancy, at kung saan din nakita namin si Marta na may kasamang lalaki.

"Sir? Order nyo po?" tatlong minuto na pala akong nakatitig sa kaharap.

"Coleslaw, regular.." nakuha ko pang mag-joke.

"Spaghetti. Paborito nya yan." napalingon ako sa nagsalita. Hinanap ko kung nasaan sya.

"Dito Noel!" wika ni Nancy na nasa kabilang counter, habang winawagayway ang straw.

Kumurap ako ng ilang ulit. Si Nancy nga. Nginitian ko sya bago ko maalalang may atraso pa pala ako sa kanya. Nakalimutan ko nang humingi ng sorry sa babaeng palaging present kapag may sabit ako. "Make it two.." wika ko.

"Hindi kana naman pumasok. Ano na ba nangyayari sayo?" bungad nya.

"Parehas ng dati. Problema.."

"Wala na bang bago? I'm sure si Marta na naman"

"No! Dumating na kasi ang mga magulang ko. Nasa apartment ko sila ngayon, at balak nila akong i-hostage pabalik ng province"

"And then?"

"I need to stay there.."

"Ah, so ayaw mo mahiwalay kay Marta. Sabi ko na involve na naman sya e! Kayo na ba?"

"Parang ganun. Not exact, pero parehas pala kaming interasado"

Nabanggit ko na din kay Nancy ang lahat ng pagpapanggap ni Marta. Kasama na din ang dahilan kung bakit kami magkasama noong gabi ng party. Tulad ng dati, pagtawa lang ang naging sagot nya. Sino ba daw mag-aakala na kaya iyong gawin ng tulad ni Marta. Matapang na babae nga naman sya, at hindi nakapagtatakang magagawa nya iyon lalo't nasa gipit na sitwasyon. Isinara ko ang usapan nang ako'y magpaalam.

"So, anong balak mo?" pahabol nyang tanong.

"Kakausapin ko muna sya. Pupunta ako ng clinic, sigurado naroon sya."

Umiling sya ng ilang ulit. "Nabalitaan ko nga palang mas mapapa-aga ang kasal. One week simula ngayon"

"One week?!" ulit ko sa sinabi nya.

"Nasa opisina kanina si Marta at ang lalaking mapapangasawa nya." tinapik nya ng ilang ulit ang balikat ko.

Walang oras para sa pagdadalawang isip. Totoo man o hindi ang nararamdaman sakin ni Marta, kailangan ko pa din syang tulungan. Buo na ang loob ko. Hindi na 'to laro na kapag sinabing taympers ay hihinto ang lahat. Bahala na kung anong mangyayari. Sa dami ng nangyari at rebelasyon, hindi na ito ang oras para mag back-out pa.

Hingal tao ako ng makarating sa harap ng clinic ni Marta. Nakakapagtaka, bukas pero mukhang walang tao sa loob. Hinanap ko muna sa sarili ang tapang na nabuo kanina bago ako pumasok. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Sumalubong ang malamig na hanging dala ng aircon, kasunod ng isang mainit na yakap.

"We need to go now.." bulong nya. Ramdam ko ang kanyang pag-aalala.

"Sinabi na sa akin ni Nancy. Timing talaga!"

"Timing? Bakit?"

"Dumating ang parents ko at gusto nila akong sumama pabalik sa kanila"

"Talaga? Para ka palang bata" natatawa nyang sagot. "Sinusundo pa"

"Actually sasama ako, naisipan ko lang dumaan dito para magpaalam" sumimangot ang kanyang mukha.

"Then go!" galit nyang sagot.

"Sino ngayon mukhang bata?" pang-aasar ko.

Hindi ko alam kung paano magwo-work out ang lahat kung mas madalas pa kaming mag-away kesa sa aso't pusa. Ngayon palang naiisip ko na kung saang parte ako ng kusina matutulog kapag galit sya sa akin. Sabagay, mas mainam ng sya ang kasama ko kesa ang mga hayop sa probinsya. Mas matitiis ko pa ang sigaw nya kumpara sa mga tilaok ng mga manok.

"Ano pang tinatayo mo? Ayun na ang gamit ko?" utos nya habang itinuturo ang maleta. "Ikaw ang magbitbit, ako ang driver"

"Boyfriend ba ko o bellboy?"

"Sige sumama kana sa probinsya!"

"Tumatanggap pala ako ng tip. Saan ba isasakay to ma'am?"

"Sa likod."

Bago pa ko tumalikod, hinalikan nya ko sa pisngi. Ikinagulat ko ang isang yun. Halata ang  biglang pamumula ng aking mukha. Inisip kong natural nalang yun sa magkasintahan pero iba pa din ang dating ng halik sa pisngi lalo't parang may gustong ipahiwatig. Sa unang pagkakataon, naramdaman kong seryoso sya sa sinabi nyang mahal nya ko.

Parang teacher ko lang noong high school na papasok sa klase at magbabato ng tanong tungkol sa lecture kahapon. Lahat mabibigla. Madalas ako. Nabigla ako sa bilis ng pangyayari. Hindi ko expect na ganito kabilis ang desisyon namin ni Marta. Nakita ko nalang ang sariling nakaupo sa tabi nya habang tumatakbo ang gulong ng sasakyan. Destinasyon? Labo, di ko alam.

"Alam ba ng Daddy mo 'to?" tanong ko.

"May nagtanan bang nagpaalam?" nakaismid nyang sagot. Medyo natuwa ako, kasi tanan pala ang tawag sa ginawa naming pagtakas. Ang sarap lang pakinggan.

"So, saan pala tayo pupunta?"

"Hindi ko alam"

"Ano?!" halos ibigti nya ko sa seatlbelt sa biglang preno.

"Wag ka tumingin sakin. Nasa isip ko palang yan, naka-empake ka na agad" depensa ko. "Patay.."

"Huwag mong sabihing.."

"Oo! Wala akong gamit na dala!" putol ko sa pagsasalita nya.

Hindi ako pwedeng umuwi sa apartment. Naroon ang parents ko. Hindi magandang ideya kung pababalikin nya pa ko para mag-empake ng gamit. Sigurado magda-drama na naman si ermats at babanggitin lahat ng gastos mula pregnancy test hanggang sa allowance ko bago umalis ng probinsya. Bukod pa ang pag-uusisa ni erpats kung sakaling makita nya si Marta. Kakaibang gulo talaga ang pinasok ko, hindi pa man nalalaman ni Mr. Reonico kinakabahan na ko.

"Mas maganda siguro kung samahan mo--" nagulat ako ng biglang nag-iba ng direksyon si Marta.

"Saan ang province nyo?" nakangiti nyang tanong. Kinabahan ako.

"Malayo! Sobrang layo! 12 hours ang byahe. Boring at hindi magandang ideya!" giit ko. Nababanaagan ko na ang gusto nyang mangyari.

"Hindi magiging boring kung kasama natin ang parents mo"

"No way! Ayoko bumalik ng probinsya!"

Tinignan nya ko gamit ang mga matang nagmamakaawa. Ilang segundo pa naging teary eyed na. Maya-maya pa nasa harap na ng apartment ang sasakyan, at mga ilang  kurap lang ng aking mga mata kaharap na namin ang mga magulang ko. Walastik!

"Anak, kinidnap ka ba nya?!" bungad na tanong ni erpats kay Marta.

"Magandang gabi po! Girlfriend nya po ako. Marta nalang po" sagot ng babaeng mahusay ang drama.

"Pasok ka iha," nakangiting sagot ni erpats habang panay ang siko sa tagiliran ko.

"Matagal na ba kayong magkasintahan?" naririnig ko ang interview ng mga magulang ko habang bitbit ko ang mga gamit nya papasok ng kwarto. Hindi na ko nagtagal. Agad akong nag-impake ng mga dadalhin. Napag-usapan namin kanina ni Marta na palalagpasin lang namin ang araw ng kasal nya at tatakas ulit pabalik ng maynila. Palalabasin nalang namin na gusto ni Marta bumisita sa lugar na kinalakihan ko.

Lumabas ako ng kwarto matapos ang ilang minuto. Malaking ngiti na abot batok ang salubong sakin ni ermats at erpats. Parang may nangyaring hindi ko yata gugustuhing malaman. Naabutan ko si Marta na namumungay ang mga mata.

"Anak, panagutan mo ang babaeng ito. Iuwi mo sya ng Camsur para doon na din kayo ikasal."

"Ano?!"

"Sinabi nya na sa amin ang lahat. Iiwan mo lang ba syang ganyan Noel?"

Nakita ko si Marta. Nakangiti na tila nang-aasar. Natapik na lang ng palad ko ang aking noo. No choice. Wala akong nasabi sa galing nya sa pag-drama. Sumakay nalang ako sa kwento nya. Minsan lang naman ako magsinungaling, ang huli ay ang pagsasabing seksi si mommy para bigyan ako ng mas malaking allowance noon.

Hindi ko alam kung dapat tawaging fate ang pagkakakilala namin o disaster. Habang tumatagal lalong gumugulo ang sitwasyon. Bahala na, mas magulo pa din ang love life ni Romeo at Juliet. Marunong naman akong sumakay ng jeep, matututo din siguro akong pumara sa driver para ihinto ang byahe. Kung ano man ang ending, o kung may dead end. Importante nakasama ko sya sa road trip.

tbc..


0 comment/s:

Post a Comment