One Morning of July - 11

(image credit kay idol melala)

***

Magic. Sa mga oras na 'to para akong batang giliw na giliw sa panonood ng mahika. Ang pagsasabing mahal nya ko ay katumbas ng pagpapalabas ng kuneho sa hat. Naaliw ako sa part na kung paano nagkasya ang kuneho sa loob. Parang noong sinabi nyang mahal nya ko, hindi ako makapaniwalang ang mukhang kunehong tulad ko ay may puwang sa puso nya. Nagulat ako. Natuwa. Sa iilang pirasong salita lang na-stuck na ko. Parang abrakadabra. Automatic napangiti ako. Pero katulad ng mahika, napaisip ako kung totoo ba yun o hindi. Nagtatalo sa isip ko kung part pa ba ng plano nya ang pagsasabing mahal nya ko, o kung mabisa lang talaga ang dimple ko. Hindi ko magawang maniwala ng buo sa isang mahikang alam kong may kakambal na pagbabalat-kayo. Si July ay parang isang magic show. Package ng tuwa, saya, at pakikipaglokohan.

"Noel, sorry.." napakayuko sya bago lumabas ang sorry sa bibig nya. Ewan ko lang kung iiyak sya at ayaw nyang ipakita. "Wala akong choice."

"Hindi ko na alam ang gagawin ko. Noong time na nalaman ko ang plano ni Dad, sinubukan ko na lahat ng paraan para pigilan pero hindi sya nakikinig." dugtong nya.

"If everything else fails, mayroong Noel?"


"Hindi sa ganun! I was desperate. Siraulo na kung siraulo, pero hindi ako papayag na makasama ang lalaking 'di ko naman mahal. At first, nakaplano talaga ang lahat pero habang tumatagal hindi ko na naiwasang mahulog. You saved me.."

Sira nga ang ulo. Kumpirmado. Pero kung mas may sira pa ang ulo sa kwentong 'to, malamang ako yun. Hindi ko alam kung paano nya ko napapaniwala sa mga sinasabi nya. Sabi ko lang dati, cool ang relationship kung magsisimula sa kakaibang twist. Yung tipong hindi mo inaasahan. Hindi mo aakalain. At hindi mo makakalimutan, na kahit tumanda kana sa tuwing sisingit sa ala-ala mo kasabay ng paghigop mo ng kape, kahit mapaso ang dila mo ay mapapangiti ka pa din. Pero iba ang kalibre ng sa amin ni Marta. Umpisa palang mapapamura ka na.

"I saved you, and you killed me. Paano kung malaman ni Mr. Reonico? Hindi lang ikaw ang bida sa kwentong 'to para maging sayo ang lahat ng problema." napalakas ang tono ng boses ko. Hindi ko napansin ang dahan-dahang pagpatak ng luha sa kanyang pisngi. Mabilis nya iyong pinunasan. Pinipilit magpakatatag. "Hindi mo maitatago habang buhay ang isang kasinungalingan. Lalabas at lalabas ang katauhan ko kung mangyari 'yon. Hindi lang iisang bagay ang mawawala sa akin, at hindi lang--"

"Nag-sorry na ko! That's it! Nangyari na yun! My fault! Ano pa ba gusto mong marinig? Bakit ba ang hirap mong mahalin.." bumabaw ang huling linya nyang binitiwan.

Napalunok ako. Hindi ko na naman naiwasan ang pagbagsak ng Tower of Pisa. Sa pangalawang pagkakataon nagpakita na naman ng magic si Marta. Bagong trick. Ang masaklap, makatotohanan. Galit nyang inagaw sa akin ang jacket. Pipigilan ko sana kaso mabilis ang kanyang pagkilos. Tahimik syang tumalikod, at kahit paghinga ay hindi ko naramdaman sa kanyang pag-alis.

Sinundan ko sya hanggang makalabas kami ng gusali. Pinilit kong magsalita pero wala akong maisip na magandang sasabihin. Guilty ako. Hindi dahil sa mga sinabi ko. Kundi dahil hindi ko nasabing lahat ng gusto kong sabihin, na sa tingin ko ay makakatulong sa kanya. Huminto sya sa sakayan. Tumayo lamang ako sa likod nya. Alam kong pasimple nya kong tinitignan kapag lilingon ako sa kabilang side ng kalsada. Parang larong pikit-bukas na legal ang pagnanakaw ng tingin. Nag-aabang siguro kung pipigilan ko sya.

"Saan ka naman pupunta?" tanong ko.

"Uuwi na.. May sasabihin ka pa?"

"Pwedeng sumabay?" biro ko. Tumingin lang sya ng saglit, at ibinalik ulit sa pag-aabang ng taxi ang mga mata.

"Bakit?"

"Anong bakit?! Gusto ko lang masiguradong makakauwi ka ng maayos"

"Ngayon concern ka bigla?" pinara nya ang nagdaang taxi pero hindi huminto. Natawa ako pero di ko pinahalata.

"Mahirap na, baka may maisip kana namang hindi maganda," hinila ko ang braso nya. Walang bakas ng pagtanggi o pag-iwas. "May iba ka pa bang plano?"

"Suicide?" nakangiti nyang sagot.

"Except yun."

"Seryoso ako! Pipigilan mo ba?"

Pinara ko ang paparating na taxi. Natigilan sya sa ginawa ko. Halata sa mukha ang pagtataka. Binuksan ko ang pinto sa likod. "Boss, ihatid nyo na kami ng babaeng 'to. Balak nya kasing magpakamatay!" wika ko sa driver. Tumawa lang ito ng malakas at sumenyas na okay.

"Ano bang pinagsasabi mo?!" tutol nya sa sinabi ko.

"Sa malapit na sementeryo sir!" utos ko sa driver.

"Sira ka talaga! Sira!" itinulak nya ko papalayo. Galit na inihagis ang kapares ng suot nyang high heels sa akin. Naglakad papalayo sa kinatatayuan ko. Yung driver ang sarap lang busalan ng sapatos sa bibig sa lakas ng tawa.

"Akala ko pipigilan mo ko! Yun pala pauunahin mo pa ko!" parang paslit lang kung magsisigaw sa umagaw ng kendi. Gusto ko tumawa ng malakas dahil masahol pa sa spolarium kung ide-describe ko ang kanyang itsura. Kaso mahirap na baka ituloy nga ang plano.

"Sino ba nagsabing solo ka?!" sigaw ko.

"Eh, ano sasama ka?!"

"Hindi naman lang ikaw ang inlab dito 'di ba?!" kamot ulo kong sagot.

Napalakas yata ang sigaw ko. Kahit ang mga nagdaraan napilitang maki-isyoso. Nakakatawa mang pagmasdan, mas okay na siguro keysa sa dalawang pusang naghaharutan. Itinaas ko ang kanyang sapatos. Iwinagayway.

"Paano 'to? Mahirap maglakad ng hindi pantay ang hakbang." biro ko. Ngumiti lang sya.

Magic. Namangha ako ng inilabas ang kuneho sa loob ng hat. Hindi ko na inisip kung paano nangyari ang lahat, o kung anong trick ang ginamit. Importante sumaya ako, naaliw. Tulad ng kung anong mayroon sa amin Marta. Bahala na kung anong klaseng gulo ang papasukin ko, ang mahalaga'y nalaman kong ang magic ay hindi laman sa sikretong nakatago dito. Kundi sa ligayang ibinibigay nito.

---

"Hello Houston!"

Wala pa din ako sa Houston. Ring tone pa din yun ng phone kong nakikipag-unahan sa tilaok ng manok. Daig pa ng tumama sa lotto ang ngiti ko ng maabutan ko ang sulat sa tabi ng unan. Wala na si Marta. Kung nasaan sya, ay hindi ko na alam. Ang gusot na lamang ng kumot ang nag-iwan ng kanyang bakas. Nakangiti kong binasa ang sulat.

"Thanks and sorry! Call me, kapag na sa office ka na. Nga pala, I need to borrow your rubber shoes. Masakit pala ang high heels"

Unlimited ang sigla sa katawan ko. Ngayon lang yata ako nagkaroon ng excite sa pagpasok ng trabaho. Kinumbinsi ko ang sarili na magiging maayos ang sa amin ni Marta bago ako humakbang papalabas ng pinto. Buo na ang plano ko, kahit hindi pa nya alam. Alam kong mahirap ang gusto kong mangyari, pero ang pakikipag-usap lang kay Mr. Reonico ang pinakamagandang paraan. Mas mainam pa yun keysa sa naunang plano ni Marta, na hindi ko alam kung paano pinag-isipan.

Napahinto ako sa paghakbang ng may biglang tawag. Nanglaki ang mga mata ko ng idinikta ng phone ko ang numero ni erpats.

"Dad! Kamusta? Biglaan yata ang tawag mo?!"

"Noel! Pwede mo ba kaming sunduin sa terminal? Malapit na kami ng Mommy mo eh" dinig ko sa kabilang linya ang tinig ni ermats na nangungulit pa para makausap lang ako.

"Ano?! Agad-agad? Anong meron?" sunod-sunod kong tanong.

"Bawal ka bang dalawin?!" sarkastikong sagot ni dad. "Hindi kaya may naistorbo kaming kaganapan ngayon dyan? Tapusin nyo muna, bago ka umalis. Makakapaghintay naman ang mommy mo"

"Ano ba kayo?! Paalis na ko, daanan ko kayo bago ako pumasok ng trabaho" sagot ko.

Kakamot-kamot ako ng ulong sumakay. Busy pa sa langgam ang mga magulang ko pagdating sa negosyo nila, kaya nakapagtataka ang biglaang pagsulpot. Abot-langit ang panalangin kong walang kinalaman ang pagpapauwi sa akin sa probinsya para gawing taga-bilang ng mga baka, manok, at baboy. Negosyong hindi ko pinangarap maging tagapag-mana, kaya ng makatapos ng pag-aaral, eskapo agad papuntang maynila.

Nag-iwan ako ng mensahe kay Marta, para sabihin ang biglaang lakad. Mahirap na, baka biglang maisipang makipag-break agad sa akin. Hindi ko pa naman na-eenjoy ang magic smile nya. Wala pang limang minuto may reply na.

"Okay, ingat! I'll wait you nalang sa clinic."

tbc..




Pa-pulitika muna. Pakisuportahan naman ng dalawang entry ko sa Saranggola Blog Awards. i-like lang ang dalawang piktyur. Maraming salamat!



0 comment/s:

Post a Comment