Last Minute Passenger

Nagmamadaling hinabol ng babae ang pagdidikit ng labi ng elevator kung saan ako nakasakay. Kung nagkataon, first time ko sanang maka-saksi ng naputulan ng kamay sa aking harapan. Ngunit hindi ang kanyang pagmamadali ang kumuha ng aking atensyon, bagkus ang hindi maintindihang ayos ng kanyang pananamit. Naglalaro sa edad na kwarenta ang kanyang hitsura. Magulo pa sa senado ang pagkaka-ayos ng kanyang buhok. Sleeve na hindi angkop sa mainit na panahon, at scarf sa leeg na hindi man lamang naikabit ng maayos. Magkakaibang kulay ng kuko, at nakaka-stress na mataas na takong ng sapatos.

"Ma'am saang floor po kayo?" pangunguna ko. Apat na palapag na ang nagdaan mukhang 'di pa nya alam kung saan sya bababa. Gusto ko nang mag-usisa sa tagal ng sagot, kaso biglaan nyang pinili ang palapag kung saan din ako bababa.

"Pasensya na ha, may gumugulo lang sa isip ko"

"For interview din ba kayo?" pansin kong parehas ng kompanyang bibisitahin ang idinidikta ng guest ID namin.

"Hindi, hindi!" mariin nyang tanggi. "may bibisitahin lang.."

Hindi ko mapigilang magtaka. Kanina wala sya sa sarili, ngayon naman'y tumutulo na ang kanyang mga luha. May biglang ngiti na sisilip sa kanyang labi na mabilis namang susundan ng hikbi. Ganitong-ganito yung mga napapanood ko at nababasa. Yung biglang may masamang mangyayari nalang. Sana 'di totoo. Nakakahawa pa naman ang kanyang reaksyon.

"May problema po ba kayo ma'am?"

Nagpaikot-ikot muna ang kanyang mga mata sa apat na sulok ng saradong kwartong bakal, bago nagtapon ng sagot, "Inlove ako at gusto ko nang wakasan ang lahat.."

Nagpalit yata ng pwesto ang kaliwa't kanang utak ko sa kanyang sagot. Hindi ko mawari kung ano ang gusto nyang ipahiwatig. "Ako po kaka-single lang noong isang linggo"

"Lalaki ka 'di ba? Paano ka mag-mahal ng isang babae?" seryoso ang kanyang anyo.

"Simple lang, binibigay ko lahat. Yung tipong wala ng matitira para sa akin. Hindi ako kumokontra sa gusto nya lalo't usapang palabas sa sinehan. Ginagawa kong hobby ang pangitiin sya araw-araw. Ginagawa kong buwan-buwan ay buwan ng mga puso. Nag-uubos ako ng kilay para maging artistic at kakaiba ang pwede kong iregalo. Lagi ko syang pina-aalalahanang mag-ingat palagi kahit maliligo lang o magtu-toothbrush. At higit sa lahat, lagi kong sinasabi sa kanyang swerte ako dahil meron akong tulad niya. The best yun!"

Napahaba yata ang pagkakadetalye ko. Akala ko'y mauumay sya, sa halip, hindi ko akalaing mapapangiti ko pa pala siya.

"Kung ikaw ang taong mahal ko, siguro wala ako ngayon dito.." wika nya habang nakatitig sa kisame. "Ginawa ko lahat ng nabanggit mo, kaso darating din pala sa puntong lolokohin nya lang ako.."

Inisip ko lahat ng sinabi ko. Sa totoo lang, halos walang pinagkaiba ang pagtatapos ng magkaiba naming relasyon. Sa dami ng nabanggit ko, 'di ko naisip na niloko din pala ako sa bandang huli.

"Kanino ka engaged na-invertiew? Baka kilala ko"

"Mr. Ronquillo po, Albert Ronquillo."

Ngumiti sya. Napakaganda ng ngiting iyon. Kung hindi lang dyahe, siguro nahulog na ko. Ngunit mabilis lang ang mga sumunod na pangyayari.

"Pakisabi sa kanyang.. Mahal na mahal ko sya. Elisa nga pala," isang malakas na putok. Isang malamig na baril na bigla na lamang niluwa ng kanyang bulsa. Isang kapirasong tingga ang nagtapos sa kanyang buhay.

Bumukas ang pinto ng elevator. Hindi ako nakakilos agad. Nakapako pa din ang aking mata sa babaeng kausap ko lamang kanina. Parehas kami ng karanasan. Pinagkaiba lang, nakaya kong tatagan.

-end

11 comment/s:

Tet Rara said...

owh, nagulat ako dun ah :(

Reilly Reverie said...

Another Great story from you!
Ang husay talaga... Unexpected ending..

amphie said...

salamat trops!

amphie said...

binilisan mo yata magbasa e :D

Tet Rara said...

ang bilis din kasi ng tono ng mga pangyayari sa story ih. heniweys LIKE =)

Chico Reymart said...

bka sya din un nka sabay ko sa elevator yesterday huhu R.I.P
ang galing ko tlga mag predict hindi ako tumatama kah8 kylan haha

Chico Reymart said...

multo napala un nakasabay ko kc ilang araw na nkakalipas haha


thanks btw ^^

christian edward paul dee said...

magaling ka sa mga kwentong may panggulat! Astig!

amphie said...

kayo ang bida sa kwentong to hahaha :P

amphie said...

salamat din!

amphie said...

nakasanayan lang :)

Post a Comment