My Kwentong Kabaong

"Kuya, magkano ataol?"

"..."

"Kuya, kabaong?"

"..."

"Ano ba tinda mo?"

"Lumayas ka nga! Wala akong binebenta!" iritable kong sagot sa batang kanina lamang ay nanghihingi lang ng barya. Ngayo'y nagtatanong kung anong klase ba daw ang binebenta ko. Kung wala lang nagdaraang tao sa paligid malamang ibinuhos ko na sa kanya ang iniinom kong buko juice.

"Pahingi nalang ng barya kuya.."

Sa ganitong galit na galit ang haring araw tsaka ko pa naisipang mag long sleeve. Bahang baha na ang kili-kili ko sa init. Hapding hapdi na din ang singit ko sa pawis, at hindi na nalalayo sa mga nagdaraang provincial bus ang aking amoy. Kasalanan 'to ng ahensyang inaplayan ko. Mag-formal attire daw ako para sa interview. Huwag daw kalimutang magbawas ng nagpapapansin na buhok sa ilong at bawal daw ang sapatos na hindi kayang i-reflect ang sarili kong mukha. Tapos sa huli, itatanong lamang kung active ang numero ko. Gusto ko nang lamukusin ang resume ko sa harap nila at lumuhod bigla. Magmamaka-awa akong tanggapin na nila ako dahil baka sa susunod pang mga araw ay may bata na namang magtanong kung anong brand ng ataol ang inilalako ko.
Sumakay ako ng bus na lutang ang aking isip. Kahit ang seksing bebot na sobrang iksi ng skirt ay 'di magawang makiliti ang aking imahinasyon. Nakadalawang tanong na ang kundoktor kung saan ang destinasyon ko ni hindi ko pa din sya masagot. Kung hindi lang umupo sa tabi ko ang isang ginang malamang nasipa na ko palabas ng bus.

Ayokong umuwi ng bahay. Makalansing na boses na naman ni misis ang sasalubong sa akin. Bahagya munang magtatanong kung anong nangyari sa lakad ko. Kapag nalamang wala na namang positibo, babanggitin lahat ng kanyang pinagkaka-utangan at iisa-isahin lahat ng sinabi ng kanyang magulang patungkol sa akin. Manghihiram na naman ako ng dust pan sa kapitbahay para limasin ang aapaw nyang mga luha na siguradong tatagal hanggang kinabukasan. Sa lahat ng yon, isa lang naman ikinakatakot ko. Sa tuwing sasabihin nyang uuwi muna sila ng probinsya hangga't wala pa akong matinong trabaho. Alam kong wala nang balikan kapag nagkatotoo.

Tumambay muna 'ko sa parkeng malapit sa amin para magpahangin. Iisipin ko ang mga alibi na pwede kong isagot sa mga delikadong tanong. Mahirap na ang hindi handa. Pang labindalawang subok ko na sa loob ng isang buwan, labas pa ang mga nagdaan, at isang taon na kong walang trabaho matapos magsara ang pabrikang pinagsisilbihan ko sa loob ng tatlong taon. Tumakas lang ang amo ko. Magbabakasyon lamang daw. Dilat nalang kaming mga manggagawa nang isang araw ay sarado na ang pabrika. Kahit anino o isang numero man lang ng kanyang cp walang iniwan. Burado kahit finger prints. Inilapit na ng samahan sa gobyerno ang problema, pero hanggang sa ngayon ay nanatili kaming naka-nganga.

"Kuya, may-ari ka ba ng isang kumpanya?"

"Ako?"

"Opo.."

Sa itsura kong 'to walang maniniwala kung magsasabi akong oo. Pero bigla na lamang may batang gusto akong gawing ganap na mayaman sa isang iglap.

"Bakit mo natanong?"

"Sabi kasi ng papa ko, kailangan nya ng trabaho pero po walang gustong tumanggap sa kanya e"

"Bakit naman?"

"Kasi po gumawa lang ng patay ang alam nya!"

"Gumawa ng patay?!" bahagya akong natawa sa sagot ng bata kahit seryoso ang kanyang mukha. "Ang papa mo gumagawa ng patay?"

"Opo! Iyon pong kahoy na tinutulugan"

"Kabaong ba kamo?"

"Ay, hindi ko po alam yun e! Sabi nya lang po doon daw natutulog ang mga patay"

Anak ng.. Akala ko pa nama'y mukha akong may-ari ng bangko sa paningin nya. Iyon pala'y sa ataol pa din ang bagsak. Idinaan ko na lang sa biro at pakikipagkulitan sa bata ang pagkadismaya sa paghahanap ng trabaho. Naaliw din ako ng ilang minuto.

"Sabihin mo pumunta sa akin bukas ha!" utos ko na papuntahin ang kanyang ama sa amin para bigyan ko ng trabaho kuno.

"Saan po kayo nakatira?"

"Dyan lang" tinuro ko ang eskinitang daan papunta sa amin, "Hanapin nya lang kamo si Gimo"

Tumakbong ang bata pauwi. Masayang mukha ang iniwan sa akin. Hindi ko alam kung makokonsensya ako sa ginawa kong pangloloko, hindi man totoo at least napangiti ko sya ng todo.

Nagpasya na kong lisanin ang parke. Handa na siguro ako sa mga pwedeng mangyari. Kung mga brief ko man ang maabutan ko sa tapat ng aming bahay ay maluwag kong tatanggapin keysa naka-impakeng gamit ng aking asawa ang aking maabutan. Inihanda ko ang aking sarili bago pumasok ng pinto. Magaling naman ako pagdating sa larangan ng pagmamaka-awa, kaya baka sakaling makalusot sa pagkakataong 'to.

"Gimo, kamusta ang lakad?"

"Naging maayos naman.." paglalahad ko habang naghuhubad ng sapatos, "Lalakad nalang ako ulit kinabukasan"

"Hindi ka natanggap?"

"Maraming bakante, kaso hindi tulad ko ang hanap nila"

Pasimple akong tumalikod para kuskusin ang aking mga mata. Inihahanda ko ang sarili sa madramang tagpo. Kaso, ang inaasahan kong masasakit na salita ay nauwi sa isang makabuluhang yakap. Lumiwanag ang pagkatao ko. Parang alam ng diyos ng mga kalalakihan ang pinagdaraan ng isang Adan.

"Hindi mo na kailangang magtrabaho Gimo!" masiglang tugon ni misis.

"Bakit naman?"

"Dumating kasi dito yung mga taga ahensya. Nahuli na yung amo nyo sa pabrika. Handa daw itong magbayad sa mga emplayadong natakbuhan nya. Tatlong taong serbisyo kasama na ang karampatang bayad sa pagtatago nya"

Wala akong masabi sa naging kwento nya. Hindi pa din ako makapaniwala sa napakagandang balita.

"Magtayo na lang tayo ng negosyo. Sapat ang perang makukuha mo kaya dapat maka-isip tayo ng isang magandang pagkakakitaan"

"May naisip na ko!"

"Ano?"

"Fu-ne-ral Par-lor!" pag-mamaestro ko.

"Saan ka naman hahanap ng gagawa ng kabaong aber?"

"May darating akong aplikante bukas, at siguradong tanggap na sya!"

-wakas

8 comment/s:

Reilly Reverie said...

Ang galing.. Una naisip ko.. "mukang ang ending nito eh..."
Tapos, biglang dumating yung mga linyang nagpapakislap ng istorya...
Gawang Amphie talaga!

axlpowerhouse said...

gusto kong flow ng story, bigla ko na lang naalala yung eksena sa libro ng peksman mamatay man ni eros, yung isang chapter dun kung saan ang isang character ay naghahanap ng isang trabaho... pero di dalawang mukha ang ipinapakita niya mukha may pas-asa at hihingi ng pag-asa.

Ika nga nila madaming nabubuhay dahil sa patay...

amphie said...

ginawan ko ng kwento ang paghahanap ko ng trabaho at pagsusuot ng pormal na hindi kailanman naging bagay sakin, salamat!

amphie said...

tragic ending sana e. nagbago na naman nung tinitipa ko na. thanks trops!

Kamila Fortitude said...

Ayayayayay!!! Saludo sa kwento.. ngayon lang ulit ako nakabasa ng makabuluhang kwento... sulit ang pag follow sa blog na toh...

amphie said...

salamat! ngayon lang din ulit nagkatao ang blog na to hehe. balik ulit!

starbuko1234 said...

walng kupas parin kaya sarap balik balikan

amphie said...

salamat pre! bolero ka talaga hehe

Post a Comment