Ilog (Flash Fic)

image credit to orig uploader

Nagmamadaling hinubad ni Tinoy ang natitirang tela sa kanyang katawan. Ayaw nyang mapag-iwanan ng mga kaibigang sabik na sabik na maligo sa ilog. Sinipat nya ang daloy ng tubig. Mabilis, mabaho, marumi, at malabo. Napako pa ang kanyang mata sa lumulutang lutang na patay na aso. Biktima siguro ng lasing.

"Tinoy! Ayan na si Mang Nestor!" sigaw ng isang kaibigan.

Dali-daling nagtago ang paslit sa pinakamalapit at kumpol ng batuhan. Nakalabas ang kalahati ng ulo. Hinahanap sa kanyang paningin ang imahe ng Ama. Nang masigurong wala, at nalinawang niloloko lamang sya ng kanyang kaibigan tsaka lamang ito umalma.

"Siraulong 'to!" maktol ni Tinoy habang tumatalon talon ang putotoy. Tawanan ang tatlo.

"Takot ka pala e!"

"Hindi!"

"Hindi daw? Para ka ngang general sa taguan e!" singit ni Roy. Tawanan ulit ang tatlo.

"Kayo ang takot! Kanina pa kayo nakatayo ayaw nyo pang tumalon!"

Nagkatinginan ang tatlo. Sabay-sabay gumuhit sa labi ang nakakalokong mga ngiti. Alam ng tatlo na siguradong dinig na naman sa baro-baro ang sigaw ni Tinoy habang ito'y nilalatayan ng kanyang Ama. Mahigpit kasi nitong ipinagbabawal ang pagligo sa Ilog. Ilang beses na syang nahuli ngunit wala pa ring kadala-dala ang bata.

"Pambihira! Yun lang? Sabay-sabay tayong tatalon kung hindi ka talaga takot," wika ng isa.

Tango lang ang sagot ni Tinoy. Dahan-dahang naglakad patungo sa ilog. Sinenyasan ang tatlo na handa na sya. Nagtatawanang sumunod ang tatlo. Sa bilang na tatlo, sabay silang tatalon.

"Isa.. Dalawa.. Tatlo!"

Malakas ang daloy ng ilog. Mabaho, marumi, at malabo. Mas malakas ang tawa ni Tinoy nang mapagtanto nyang nag-iisa na lamang syang umahon.

0 comment/s:

Post a Comment