Bayani ng Plaza

Tulala lahat ng taong makakasalubong ni Tony sa daan. Mas mabilis pa kay Napoles ang kanyang takbo na kahit anino ay hindi magawang sundan. Ang mga kalalakihang nangahas na pigilan sya ay nagmistulang laruan lamang. Bawat madaanan ng kanyang nangangalit na binti ay nagtatalsikan. Mga paninda ng mga ginang na naghahanap-buhay. Ang tindero ng kutsina ay sumuko matapos atakihin ng rayuma. Mas pinili nalang isigaw lahat ng galit at banggitin lahat ng salitang hindi itinuturo sa iskwelahan.

Humakot din ng samut-saring atensyon ang lalaking biktima ni Tony. Sa halip na makipag-habulan ay mas piniling tumahimik at maglakad papalayo sa karamihan.

Sa eskinitang kasing lapad lamang ng balikat ang huling destinasyon ni Tony. Kung makakalagpas sya ng walang sabit mararating nya ang bakanteng lote kung saan naghihintay ang gantimpalang kanyang pinaghirapan, este pinagpawisan. Mataas na sikat ng araw ang sumalubong. Tahimik at walang bakas ng tao sa paligid liban nalang sa pusang nagulat pa sa kanyang pagdating. Nakangiti nyang inilapag ang mabigat na bagahe sa makapal at nagtataasang damo. Dahan-dahang nyang binuksan at sinilip ang laman.

 "San ka pupunta?" alanganing tanong ni Mang Nestor habang hinahalo ang kapeng hiningi lamang sa mga tauhan ng simbahan.

"Maghahanap po ng kita.."

Tipid at mailap ang sagot ni Tony sa kanyang Ama. Maingat na hindi nagpapahuli ng tingin. Pakunwaring hindi naririnig ang mga binabanggit ng nauna. Dahan-dahang sinuot ang gomang tsinelas at hinaplos-haplos ang mga binti. Hinilot. Inunat. Niyugyog.

"Kung magkakamali ka sa iyong lakad, baka hindi na kita madadalaw. Wala na din tutulong sakin sa simbahan para ilabas ka. Hindi na siguro maniniwala si Sister Lucy sa idadahilan ko."

"Maraming tao ang dadalo sa Simbahan ngayon."

"Iyon na nga ang ikinakatakot ko. Pinipigilan kita Tony. Lumpo lang ako, kahit baliktarin natin ang mundo Ama mo pa rin ako. Makinig ka." Anino nalang ni Tony ang inabot ng kanyang mga salita. Hindi pa natatapos ang litanya iniwan na sya ng kanyang anak.

------

"Natagalan ka yata?" wika ni Gary nang matanaw si Tony na paparating. Hinithit ang huling baga ng yosi bago ipinitik sa kung saan.

"Si Erpats kasi masama gising."

Iniling-iling lang ni Gary ang kanyang ulo. Inginuso ang kapal ng tao sa Plaza. Ipinaling ni Tony ang kanyang ulo sa dinidikta ng kaibigan. Matapos magsuri tsaka ibinalik ang atensyon sa kausap.

"Iwas tayo sa parak. Nagkalat e!" si Tony.

"Balita ko may operasyon daw. Baka tayo ang tinitiktikan," kasunod ang malakas na tawa.

Parang mga paninda lang kung mamili ng bibiktimahin ang dalawa. Nagpipilit maghanap ng malaking isda sa ilog ng mga nagpapasalba ng kaluluwa. Hindi tipikal na ginang na may bitbit na mamahaling bag at may mabigat ng hikaw ang kanyang hanap. Alam nyang sa pista ng Plaza ay may mga matataas na taong mag-aalay ng malaking halaga sa simbahan. Isang tradisyon na isinasabay sa mga pulitikong nagna-nais madala ang kanilang pangalan. Idinadaan sa simpleng bagay na pilit mang itago ay masasabing istilo pa din ng mga taong nais lamang ay may maupuan at masandalan. Na'sa haba ng panahong daraan ay mamimitas na lang ng bunga sa mga punong ipinunla ng mga taong tanga.

"Mauna na ko," nagmamadaling wika ni Gary matapos makapili ng biktima.

Sinundan nya ng tingin ang kaibigan. Natawa sya. Nakikita nya ang sarili kay Gary. Para syang nakatitig sa salamin. O kaya'y nanonood ng isang replay ng kanyang sariling buhay. Naglaho ang kaibigan. Kinain ng kapal ng tao sa paligid ng Plaza. Hindi nya na ito natanaw pa. Alam nyang ilang minuto lamang ay may isang sisigaw at may mga taong hahabol. Tatakbo kasunod ni Gary.

"Last na to," bulong ni Tony sa kanyang sarili nang makita ang isang matangkad na lalaki. Bitbit ang isang malaking bagahe na nagdidikta sa kanya ng isang malaking pabuya. Pera. Makapal na bulto ng pera. Tumubo ang sungay. Bumulong ang ganid.

Habang tuloy ang hakbang ng kanyang mga paa. Nakikita nya na ang sarili sa isang magaan na pamumuhay. Planong ipagamot ang kanyang Itay. Matitikman nya na ang lasa ng ubas na ibinuro sa maikling panahon lamang. At sa isang iglap, nakikipag-unahan na sya sa mga taong humahabol sa kanya.

Sa eskinitang kasing lapad lamang ng balikat ang huling destinasyon ni Tony. Kung makakalagpas sya ng walang sabit mararating nya ang bakanteng lote kung saan naghihintay ang gantimpalang kanyang pinaghirapan, este pinagpawisan. Mataas na sikat ng araw ang sumalubong. Tahimik at walang bakas ng tao sa paligid liban nalang sa pusang nagulat pa sa kanyang pagdating. Nakangiti nyang inilapag ang mabigat na bagahe sa makapal at nagtataasang damo. Dahan-dahang nyang binuksan at sinilip ang laman.

Natigilan sya. Krus ang hugis ng kanyang dalawang kilay.

Isang aparatong hindi nya maintindihan kung para saan. Sumasabay sa pintig na kanyang puso ang takbo ng maliit na orasan. Habol hininga nyang hinimay sa isip kung tama ba ang kanyang hinuna.

Huli na ang lahat. Kasabay ng paghingi nya ng tawad sa itaas ay ang pagsabog na yumanig at nagpahinto ng pista sa Plaza. Marami ang nakarinig ng kwento ni Tony. May nagalak, nanghamak, nagdalamhati, pumuri, at may nagsabing Bayani.

-Wakas


palike ng fb ng mp salamat!

0 comment/s:

Post a Comment