Open Parking

image credit to orig uploader

Maihahambing sa isang pampublikong paradahan ng mga sasakyan ang buhay pag-ibig ni Jane. Libre ang sinomang gustong igarahe ang kanilang auto. Kahit anong oras, araw, o kahit kailan nila gustong balikan, o iwanan. Walang karampatang singil sa bawat sasakyang pumapasok o umaalis. May tumatagal mayroon ding napakabilis. Walang bakas na iniiwan. Walang pangakong tinutupad.

"Gising.." mahinang bulong ni Jane.

Nagtaas lamang ng kaliwang mata ang lalaki. Narinig nya si Jane. Sigurado 'yun. Ayaw nya lang tuluyang maglaho ang kanyang antok. Malamlam ang kanilang mga mata. Tanda na dinaanan ito ng luha at puyat. Ngunit si Jane ay daig pa ang napaka-agang lawin para maghanap ng ipanglalaman sa tiyan. Hindi na rin bago yun. Madalas syang nauuna para din ipaghanda ng agahan ang bawat lalaking nakakatabi nya sa kama noon. Naiiba lang ang lalaking natutulog ngayon.

Espesyal.

Natatangi.

Walang hihigit.

Tipid ang ginawang pagkilos ni Jane paalis ng kama. Ayaw nya ng istorbohin ang lalaki. Agad syang tumungo sa kusina. Nagbukas ng ref. Pinili nya ang itlog. Pinirito. Nag-gisa sya ng sardinas. Inagaw nya ang kaning lamig kung saan ito naiwan kagabi. Naisipan nyang i-sangag. Napaka-bango ng kusina. Humahalimuyak ang amoy na siguradong mahahatak sa mesa ang sinomang makaka-langhap. Nagpainit sya ng tubig. Tinantya nya ang ilalagay na kape sa dalawang baso, gayun din ang asukal. Tsaka nya isinalin ang kumukulong tubig. Handa na ang agahan.

Nagbabalak na syang gisingin ang lalaki ngunit naunahan sya nito. Naka-ngiti sya nitong sinalubong ng halik sa pisngi at noo. Kasunod ang isang yakap.

Masaya ang umaga.

Maganda ang ngiti ni Jane.

"Kamusta na pala si Rod?" tanong ng lalaki matapos humigop ng kape.

"Hi-hiwalay na kami.." tipid na sagot ni Jane habang dinudurog ang piraso ng sardinas gamit ang tinidor, "Nalaman kong may asawa na pala sya.."

"Sinabi ko naman sayo noon pa, 'di ka lang nakinig.."

"Anong magagawa ko, mahal ko sya.."

"Iyan ang problema sayo Jane," higop ulit ng kape ang lalaki, "Napakadali mong mahulog at napakadali mo ding makaahon."

Natahimik si Jane. Parang periodical exam na tumpak lahat ng sagot ang sinabi ng lalaki. Ngunit malabo sa kanya ang pagsisisi. Kung ganun na sya ipinanganak o sadyang iyon ang kanyang kapalaran sa pag-ibig ay wala syang magagawa. Tsaka ayaw nyang magsisi sa mga bagay o desisyong naging maligaya naman sya, kahit pa alam nyang hindi rin iyon pangmatagalan.

"Babalik na ko kay Carol, baka naghihintay na sa akin yun." agad na tumayo si Jane para magsalin ng tubig sa baso. Madali nyang iniabot sa lalaki, "Salamat! Napakasarap mo ng magluto.."

"Maitanong ko lang.."

"Ano?"

"Bakit mo sya iniwan noon?"

"Sinagot ko na yan Jane. Hindi ako ang para sa kanya at hindi rin ako nararapat para sayo.. Mahal ko din sya, ganun din ikaw.. Siguro ganoon ang tadhanang pinaniwalaan ko. Kaya ikaw, habang maaga pa, baluktutin mo ang tadhana. Hindi lahat ng nangyayari sa buhay mo ay nakasulat na. Hawak ng kapalaran ang libro ngunit na'sa iyo ang panulat na gagamitin. Ikaw ang susulat ng buhay mo.."

Pinikit-pikit ni Jane ang kanyang mga mata. Ayaw nyang dumaloy ang luha. Malaman ang mga salita. Nabusog ang kanyang diwa. Niyakap nya ang lalaki. Mahigpit. May saysay. May pagmamahal.

"Mag-iingat ka palagi Jane, mahal kita.." paalam nito.

"Sana'y naririnig iyan ni Inay ngayon," pabiro nyang sagot.

"Sana nga.. Baka napatawad nya pa ko."

Maganda ang umaga ni Jane.

Masarap ang almusal.

Naka-ngiti sya habang hinuhugasan ang mga pinagkainan.



-Wakas 

7 comment/s:

limarx214 said...

'Yung ganitong kaiksing istorya ang layo na ng narating.
Husay mo talaga, ser!

amphie said...

parang bitin nga e. baka di magets yung kwento dahil parang kulang hehe, salamat ulit!

Reilly Reverie said...

Grabe talaga kung makapag bigay ng twist.
Salamat sa napakagandang babasahin sir.

christian edward paul dee said...

Hmmmnnn... Dami kong tanong about this story. Habang sinusulat ang komento ay nag-iisip ako. Hmmmnn... Hindi yata ako sure kung na-gets ko! For a short story written in Filipino, mabangis kasi napagiisip ang mambabasa. Hmmmmnnn... Medyo hindi ko lang gusto ang 'baluktutin ang tadhana' line kasi I find it malalim kumpara sa payak na approach sa simula hanggang gitna. Hehehe

amphie said...

ama nya yung lalaki. yun lang.. pinayuhan na wag syang gayahin parang ganun. simpleng scene lang naman hehe

doon sa "baluktutin ang tadhana", parang metaphor yata ang tawag dyan. madalas kasi ako sa ganyan. tulad ng taong niluma ng panahon = matanda..

salamat sa puna sir! dalaw ulit ;)

amphie said...

salamat ulit sa dalaw! makapag inom nga tayo minsan hehehe

Reilly Reverie said...

It would be an honor sir! =)
Nawa'y makasalamuha ko rin kayo kahit minsan.. Kahit isang saglit.. Sa uulitin po! =)

Post a Comment