Orange - Chapter 1




Chapter 1

Simple lang ang mga pangarap ni Philip. Kasing simple ng pagkakaroon ng tagsi-singkwenta pesos na Ray Ban, na hindi nya pa sigurado kung isasama nya sa opisyal na listahan. Isa sa mga priority nya ang makabili ng sariling gitara. Mas mura iyon kaysa bumili sya ng sound system sa kanyang kwarto. Pangalawa na ang pagkakaroon ng pang araw-araw na rasyon ng kapeng barako. Kailangan nya ng pampagising sa trabaho na kinakailangan ng matinding konsentrasyon ang isang damukal na puyat. Ngunit mas itinuturing nyang jackpot, kung magbababa ng singil ang kanilang masungit na kasera na nagiging sweet lamang tuwing sasapit ang katapusan.

Ngayon, nais nya ng maidagadag sa listahan ang pagtiklop ng bibig ni Harry. Literal na pagtiklop. Yung hindi na makakapagsalita. Nauumay syang pakinggan ang mga sinasabi nito tungkol sa kanyang pagkatao. Papuri at mga positive personalities nya. Umuukit na nga ng butas sa mesa ang kanyang siko na nagsilbing tukuran ng kanyang baba habang pinagmamasdan ang view sa labas ng magarbong coffee shop.

"Sampu!" bulalas ni Philip.

Nahinto si Harry. Nawala sa isip ang susunod na sasabihin. Siniko nya si Philip. Pinandilatan. Ngunit hindi ito nakinig.

"Hindi mo ba napapansin?" bulong nito.

"Ang ano?"

"Ang mga dahong bumabagsak parang may pattern, para silang may buhay kahit pa nakalas na sila sa sanga. Tignan mo!" bida ni Philip.

"Pre, may kaharap tayong tao. Maging normal ka"

"Normal ako," nakangiti nyang sagot na nakaharap kay Rose.

Officemate ni Harry si Rose. Bestfriend ni Philip si Harry. First time nyang na-meet ang dalaga. Hindi sya interesado. Ayaw nya ng blind date. Hindi sya pabor dito, lalo't si Harry ang nag-plano. Alam ni Philip na malaki ang chance nya. Posible syang magka-gf ng 'di oras. Pero hindi sya handa. Tinatamad. Plus, ayaw nya sa babaeng kanina pa pinipilit ipahalata sa kanya ang malaki nitong dibdib na tinernohan pa ng push up bra at plunging neckline na damit. "Diyos ko po! Bathala ng mga bundok!" sa isip ni Philip.

Hindi naman weirdo si Philip. Sadyang literal lang sya mag-isip. Na'sa gitna sya ng isang ideal na taong may sense of humor at isang taong malapit na sa pagiging tanga. Noong elementarya pa sya, nagbiro ang kanyang titser na magdala sila ng alaga nilang hayop. Wala silang alaga sa bahay, ngunit may mga baka ang kanyang ama sa probinsya. Pinauwi sya ng kanyang titser bago pa man makapasok ang baka sa silid aralan. Hindi matapos ang sakit ng tiyan ng kanyang mga kaklase.

Itinuloy ni Harry ang kwento.

"Wow! I really admire a guy na mahilig sa mga flowers!", nadulas ang kanang kamay ni Philip na nagsilbing tukuran ng kanyang baba. Wala syang matandaang nagkaroon sya ng interes sa bulaklak. Santan lamang ang tanda nyang sinisipsip nya pa ang katas noong kabataan nya, "And ano naman ang paborito mo?"

"Sympathy flowers," dagling sagot ni Philip. Sarkastikong ngiti ang kasunod.

"Talaga?" namilog ang mga mata ng dalaga.

Umismi si Harry.

Natawa si Philip.

Hinagod ni Harry ang kanyang lalamunan para pigilan ang mga sasabihin pa ng kaibigan na magsisilbing tragic ending ng date at posibleng dahilan ng kanyang kahihiyan, "Buti pa order na ko! Coffee? Anyone?"

"Black coffee sakin!" si Philip. Ibinaling ang tingin kay Rose.

"Same!" nakangiti nitong sagot.

Dahan dahang inihatid ni Philip ng tingin si Harry mula table hanggang counter. Nang masigurong wala ng malay si Harry sa mga sasabihin nya tsaka nya binalikan si Rose. Nginitian. Sumukli si Rose ng ngiti rin. Nilakihan pa ni Philip ang kanyang ngiti. Hinintay nyang gayahin sya ng kaharap. Hindi nangyari. Weirdo ang bagsak ni Philip nang mawalan ng space ang kilay ni Rose. Wari'y naghahanap ng tamang reaksyon sa pinaggagawa ni Philip.

"First sorry," bulong ni Philip, "May Fiancee na 'ko"

Automatikong naitakip ni Rose ang kanyang mga palad sa mismong bibig.

"Secondly, sinet-up lang 'to ni Harry kasi type ka nya. Sabi nya--" huminto si Philip. Naligaw kasi ng tingin si Harry sa kanila. Nakaramdam siguro ng aura ng pagtataksil. Pumaling lang ulit sa counter ng kausapin ng kahera. Nagpatuloy si Philip, "Ikaw ang ideal girl nya at sa sobrang hiya at pagka-torpe kinailangan nya pa ang tulong ko!"

She giggled. Natatawa si Philip sa pinagsasabi nya. Nakita nyang papalapit na si Harry sa kanila. Tumayo sya at humalik sa pisngi ni Rose tsaka bumulong.

"Go for it Jade!"

"Jade? Is that her name?"

Natigilan si Philip. Nawala ang pagkapilyo sa kanyang mukha.

"Jade ba ang pangalan ng iyong Fiancee?"

Sunod-sunod na tungo ang kanyang sagot. Lumabas sya ng coffee shop. Dinukot ang sigarilyo sa bulsa. Naglakad patungo sa mga taong tulad nyang nagsusunod din ng baga.

-----

"May 3D version na ang larong Mario Bros., Hindi na kilala ng mga bata ang pogs at teks, Nagdalaga na si Sheena Ramos at siguro may dyowa na yun, ewan ko lang si Agatom. Hindi na rin si Vince Hizon at Jawo ang star player ng Ginebra, Lay's na ang usong chicha ngayon at hindi Wonder Boy at lalong hindi na kilala ng mga modernong dalagista ang brand ng suot mong shoes..na.. ano nga ulit yan?!"

"Chinese-Inspired Mary Jane's Doll Shoes," sagot ni Filona.

"Kitam! Fil! Wala kana sa 90's!" si Wendy. Pilit itinatatak sa isip ni Filona na malubha na syang nilipasan ng panahon, "Paano ka magkaka-boyfriend nyan?"

Pinindot nya ang pulang buton sa hawak na cellphone. Pinutol nya ang pakikipag-usap kay Wendy. Walang masama sa suot nyang sapatos bukod sa pagiging luma nito, tsaka hindi naman basehan ang paraan ng kanyang pananamit para makahanap ng boyfriend. Isa pa, trabaho ang reason nya kung bakit sya na'sa kahabaan ng Shaw Blvd., hindi nya kailangan magmukhang sosyalista sa harapan ng kliyente lalo't alam nyang mas matanda pa iyon sa suot nyang sapatos.

"Miss, may lighter ka?"

Nag-isip muna sya bago sumagot sa lalaking nagtatanong. Mukhang hindi lang yosi ang bisyo nito dahil sa attire nitong kakaiba. May kataasan ang balikat. Naka-jacket sa tirik na araw. May namamahay na eyebag sa mga mata, at mukhang hindi nadapuan ng suklay ang buhok sa loob ng mahabang panahon.

"Wala," tipid nyang sagot.

Tumango si Philip sa malaking karatula sa kanilang ulonan. Malinaw ang nakasulat. "Smoking Area" tsaka ibinalik kay Filona ang tingin. Natawa ito sa kanya.

"Sorry, hindi ako smoker may hinihintay lang akong tao," paglilinaw ni Filona.

"Ah, okay.. Sana ako nalang yun"

"What?"

"Sana dumating na, para hindi ka nagmumukhang manok na pinauusukan dito"

"Thank you sa concern, Sir! Dito kasi ang meet up place namin."

Hindi pa sya tapos sa kanyang sasabihin nakita nyang umalis na ito sa kanyang harapan. Sasabihin nya sana ang salitang "bastos" ngunit nakita nyang naupo ito sa pinakamalapit na bench. Napilitan syang maging chismosa sa bawat galaw ni Philip. May kung anong hinahanap ito sa kanyang napakalaking bag. Hinintay nyang makita nya ito. Matagal. Dalawang minuto pa ang dumaan bago nito nahanap. Natawa sya sa itsura ni Philip nang matagpuan ang hinahanap. Para bang batang hindi nabigo sa pagdukot ng barya sa bulsa ng pantalon ng kanyang ama. Ngunit hindi barya ang hawak ni Philip, kundi lapis na asul.

"Weird.." bulong ni Filona.

tbc...


#baliknobela2014

3 comment/s:

limarx214 said...

Mukhang mahaba pa ito, sir!

amphie said...

maikli lang po.. humahaba lang dahil tamad ako magsulat haha

Reilly Reverie said...

Sa unang kapat palang ng kwento nagsimula na kong ngumiti.. Hanggang sa pagtapos ng kabanata nakakatuwa parin.. =)
Salamat po!

Post a Comment