Maleta

image credit to orig uploader


"Blag!"

Isang malakas na sipa ang pinakawalan ko gamit ang kaliwang paa. Hindi natinag ang maleta. Tila natatawa lang sa naging asta ko sa kanya. Hindi ako nagpatalo. Sinipa ko ulit sa pangalawang beses na ubod ng lakas. Baklas ang handle. Tumalsik ang kapirasong gulong, dahan-dahan, papalayo sa akin, hanggang sa hindi ko na matanaw. Ipinakita na nito ang totoong anyo. Kung saang materyales yari. Napunit ang bandang ibaba. Sa halagang walong daan, napa-isip ako, napamura, napakamot, napa-suntok sa hangin. Tsaka biglang pumasok ang imahe ni Selya. Badtrip.

"Kung ayaw mo kong paalisin dito, sige! Ikaw ang lumayas!"

Yun na ang huling salita ni Selya. Ginusto kong magmatigas. Mag astang siga. Ipakitang "ako" ang uniberso at sya lamang ang kapirasong planetang umiikot ikot lamang sa espasyong ipinahihiram ko. Kaso hindi tumalab. Sa mismong bahay ko. Sa mismong bintana, ayun! Lumipad lahat ng damit ko, kasama ang mga butas na medyas at salawal. Para akong pusang nahuling nagnanakaw ng ulam na hinawakan bigla sa leeg at sinipa papalabas ng pinto. Hindi naman kami ganito dati. Noong una.

Mahaba yung dalawampung taong pagsasama. Parang ang hirap kalimutan. Para ring paglaho ng corruption sa Pilipinas yung pagmu-move on, sobrang imposible. Ang nakakainis lamang ay yung parteng dahil lamang sa random text messages na natatanggap ko na galing sa mga makukulit na kamay ng kung sino mang nagmamay-ari na bigla nalamang ipinadala sa numero ko, ang aming pinag-awayan. "Iba-ibang number nga, e araw-araw naman!" sabi nya pa. Akala siguro'y gumagastos ako sa sim card.

Selos ang puno't dulo. Bagay na sinasabi ng ibang healty daw sa relasyon, ngunit nakakamatay kapag nasobrahan. Bihira ako magselos. Yung huli nga ay yung aso naming mas may laman pa yung hapunan kesa sa akin. Pero si Selya, ibang klase! Lumagpas lang sa 2x3 ang regular na haircut sasabihin agad na may pinopormahan. Kaya minsan nasasakal ko nalang yung barbero kapag wala sa ayos yung gupit ko.

Pero kahit ganun, sobrang mahal ko pa din si Selya. Hindi dahil seksi pa rin sya hanggang ngayon, kundi dahil maayos ang pagkakalaba at pagkakatupi ng mga damit ko. Idagdag pa ang mala Giligan's na luto nya, na siguradong makaka-extra rice ako. Masayang kausap kapag walang topak. Masyadong madaldal. Malakas tumawa. Sobra sa taray minsan. Para syang si Maricel Soriano. Ganun na ganun din kapag galit at salubong ang kilay. Sa maraming bagay ko sya hindi pwedeng hindi malimutan. Kaya nakakalungkot na bigla na lang nagkaroon ng tuldok sa masayang kwento naming dalawa.

"May nagtext na naman sayo?" pasigaw nyang tanong kagabi. Lasing akong umuwi ng bahay. Panalo kasi ang paborito naming team ni boss sa basketbol, kaya nagkayayaan, "Wow! At lasing kapa!"

"Mapilit si boss e, nakakahiya namang tanggihan," sagot ko kasunod ang isang dighay, "Tsaka alam mo namang nagpapakondisyon din ako.."

"Ikondisyon mo yang mukha mo!"

"Ano?"

"Iyang mukha mo! Iyan! Yan!" sabay dutdot ng hintuturo sa pagitan ng mga mata ko.

"Dahan-dahan ka naman Selya!" sigaw ko. Malakas. Galit.

Pumasok ng kwarto si Selya. Pagkatapos ng limang minuto lumabas ulit. Akala ko okay na. Yun pala may dalang maleta. Itinanong ko kung anong laman kahit na alam kong damit ang na'sa loob. "San ka pupunta?" maamo kong pang tanong.

"Lalayas!"

"Simpleng bagay lang nagkakaganyan ka na, ano bang problema?!"

"Ikaw! Ikaw na walang ka-kwenta kwenta! Ikaw na akala mo'y nag-asawa lang para lang magkaroon ng katulong. Taga laba ng damit, taga luto, para kang tumama sa lotto!"

"Pero masarap ka kasing magluto keysa sa akin!"

"Bwiset!"

Pinigilan ko si Selya. Hinawakan ko sya sa braso. Nagbanta syang kung hindi ko sya pakakawalan ay gagawa sya ng iskandalo o ingay. Wala akong nagawa. Kahit masabi wala. Naupo ako sa sofa. Alam kong tatawag sya. Uutusan nya kong sunduin sya kung sakaling magbago ang isip nya. Wala pang sampung minuto nag-ring agad ang telepono sa gilid ng sofa. Muntik na kong mapalundag sa saya.

"Na'san ka na?" boses ng sa kabilang linya. Malayong malayo sa tinig ni Selya.

Biglan bumukas ang pinto. Nabitawan ko ang telepono. Lumuhod ako sa harapan nya. Nagmaka-awa. Hindi sya nagtapon ng pansin. Binalikan lang pala yung isang damit na paborito nyang suotin sa tuwing sya maglalambing sa akin.

Muli akong humingi ng awa.

"Kung ayaw mo kong paalisin dito, sige! Ikaw ang lumayas!" wika nya. Nagtaklob ang langit at lupa.

Itinabi ko sa gilid ng kalsada ang lumang maletang sira. Malaki ang pagkakapunit sa bandang ibaba. Iiwan ko nalang sana para hindi ko madala ang ala-ala ni Selya, kaso biglang lumakas ang ulan. Malalaki ang patak. Sumunod ang malakas na hangin. Nabuwag ang maleta. Tuluyang bumigay. Nagpagulong-gulong. Lumabas ang katawan ni Selya.

Kasabay ng ulan at ang pagdaloy ng luha.

-wakas

4 comment/s:

amphie said...

kapogi! welcome back! hehe.. sa gabi lang ako walang kupas haha

christian edward paul dee said...

Astig. Si wifey ba si Selya? Hehe... parang may pinanghuhugutan ah...

amphie said...

hahaha hindi, malabo pa sa sabaw ng dinuguan :D

Reilly Reverie said...

Kakaibang muli ang tema nito idol.. May mga nagkakandamatay na sa mga kwento mo ngayon.. Mahusay parin ang pagkakasaad mo ng mga detalye... Nakakagulat at nakakatakot nga lang ang naging wakas.. =/

Salamat muli idol!

Post a Comment