Bisikleta

(image credit to orig uploader)


“Pa! Papasok ka na?!” pigil ni Renz sa kanyang ama na akmang lalabas na nang pinto, “Hindi ba sabi mo sasamahan mo pa akong mamasyal sa parke? Tapos tuturuan mo pa akong magmaneho ng bisikleta?”

Napahinto si Tonton. Hindi nya inisip kung kailan nga ba siya nangako, kundi kung ilang beses na ba nyang sinabi iyon kay Renz ngunit palaging hindi natutuloy. “Babawi na lang ako. May importante lang ngayon sa trabaho at kailangang naroon ako.” Palusot nya.

Tumango na lamang si Renz. Alam na kasi nyang kahit magpilit siya ay hindi ito mapag-bibigyan ng kanyang ama. “Sige sa susunod na lang po..”

Sumakay si Tonton na may bigat sa kanyang dibdib. Palibahasa’y nag-iisang anak si Renz kaya kailangan nyang mag-sipag para sa kinabukasan nito. Alam nyang hindi sasapat ang limang araw na kita para sa pangangailangan nilang mag-ama, kaya sumasabak sya kahit sabado at paminsan ay sumisingit sya sa araw ng linggo.

Kundoktor sya sa isang bus na byaheng probinsya na balikan ng maynila. Mag-hapon syang nakababad sa byahe kaya pagdating ng bahay ay tila pagod na ang buo nyang katawan. Isabay pa ang init ng ulo sa mga makukulit na pasahero at sa tuwing mamalasin ay masisiraan pa sila sa kalsada.

Hiwalay sa asawa si Tonton. Tatlong taon palang noon si Renz ng umalis ang may-bahay nya para mag-trabaho sa ibang bansa. Limang taong itong hindi umuwi, at nang makarating sa kanya ang balita huli na ang lahat. Sumama na ito sa lalaking kasamahan sa trabaho. Hindi alam ni Tonton kung saan huhugutin ang lahat ng lakas ng loob para manatiling matatag. Tanging si Renz lamang ang nagiging dahilan para sya’y magpatuloy. Kaya sa tuwing naalala ni Renz ang kanyang pangakong pagpasyal sa parke at pagbibisikleta ay labis syang nasasaktan.

“Oh! para na namang biyernes santo yang mukha mo!” puna sa kanya ni Rico. Driver  na halos limang taon nya na ring kasama sa byahe, “Isang beses lang sa isang linggo ang biyernes utoy! Pero ikaw e inaaraw-araw mo!”

“Nakalimot na naman kasi ako utoy..” mahina ang kanyang tinig.

“Ahh kay Renz ba?” sagot ni Rico habang binubunot ang lukot-lukot na dyaryo na naipit sa kanyang upuan. Agad nya itong pinakita kay Tonton, “Oh ayan! Basahin mo.”

“Anong meron dyan?”

“Basta basahin mo!”

Nangiti si Tonton. Agad nyang isinilid sa bitbit nyang bag ang dyaryo. “Salamat utoy..” wika nya kasabay ng tapik sa balikat ni Rico.

“Dadaanan naman natin yun. Ihinto nalang kita doon tapos babalikan kita pagbalik ko.”

“Ha? Nako wag na! Baka ma-tsambahan tayo ng checker. Masabit pa kita sa gusot.”

“Relax ka lang utoy! Kumpare ko checker ngayon kaya lusot tayo.” Kumpiyansang sagot ni Rico, “Serbesa lang katapat nun!” kasunod ang malutong na tawa.

Hindi mawala ang ngiti sa labi ni Tonton sa byahe. Mula pag-alis nila terminal hanggang makarating sa kanyang bababaan ay ganado itong mag-trabaho. Minsan pa nga’y bigla na lamang syang napapa-ngiti habang nakatitig sa bintana ng bus. Nai-lalarawan na nya ang ngiti ni Renz kapag nakita nito ang bitbit nya pauwi.

Tinipid nya ang kanyang sarili pagdating ng tanghalian. Gusto nyang makasigurong hindi sya kakapusin ng pera pagdating sa pupuntahan. Para kay Renz, para lamang makabawi sya.

Agad syang nagpaalam kay Rico. Utos naman nitong bumalik sya kaagad para hindi sya maiwan ng byahe pabalik ng terminal. Inulit ulit nyang hindi sya papalpak. Kumaripas sya ng takbo papasok ng mall kung saan tinutukoy sa dyaryo ang sale na umaabot ng kalahati ang discount.

Pulutong ng tao ang tumambad sa kanya. Siksikan at napaka-init. Agad syang tumulak kung saan naka-display ang mga bisikleta. Sakto ang dating nya. Nag-iisa na lamang ang kanyang nadatnan. Kinausap nya agad ang sino mang makita nyang maaaring mag-asikaso sa kanya. Ngunit malungkot na ibinalita nito na dispalinghado na ang natitirang bisikleta. May eksperyensya naman sya sa pagkumpuni kaya ayos lang sa kanya ang sirang bisikleta. Natuwa rin si Tonton nang sinabi ng lalaki na mas malaki pa ang diskwento nito dahil nga sa sira.

Nasa cashier na sya para magbayad nang may kumalabit sa kanya mula sa likod. Batang babae na may kasamang ina. May rumaragasang luha at sipon sa mukha. Ikinuwento ng ina nito kung gaano na lamang ang dismaya ng bata nang makita nitong ubos na ang mga bisikleta na kasama sa sale. Humingi ang ina ng bata ng awa na kung maaari ay pagbigyan na ang kanyang anak dahil kaarawan daw nito ngayon, kasunod ang pagpapakita ng school ID at birth certificate. Natawa na lamang si Tonton.

“Oh nasan na ang pinamili mo?!” nalilitong tanong ni Rico nang sumakay si Tonton ng bus, “Huwag mong sabihing naubusan ka? O kinapos ka sa pera? Pwede ka naman magsabi sa akin kanina.”

Ikinuwento ni Tonton ang nangyari. Kahit sya mismo’y hindi makapaniwalang may ganoon palang eksena sa totoong buhay. Hindi naman mawala ang tawa ni Rico na may kasamang pang-aasar na baka raw nadaan sya ng ginang sa kindat o anumang alindog na ginamit. Nagpasalamat pa rin sya kay Rico para sa ipinakita nitong kabutihan.

“Pa, aalis ka na?!” tanong ni Renz nang maabutan nya ang kanyang ama na akmang lalabas na nang pinto ng bahay.

“Hindi. Bibili lang ako ng agahan.” Nakangiting sagot ni Tonton.

“Pupunta tayo ng parke?”

“Oo ba! Kaso..” hindi pa tapos magsalita si Tonton agad na tumakbo si Renz pabalik sa kwarto nito. Paglabas ay bitbit nito ang pulang saranggola.

“Sabi ng kaklase ko mahirap daw mag-maneho ng bisikleta.”


-wakas



#hello2016 #balikblog


0 comment/s:

Post a Comment