Larawan


"Julius? Bakit ngayon mo lang sinagot?" galit ang boses ni Boss sa kabilang linya, "I-send mo na sa akin yung latest photoshoot ni Angel. Umaga pa lang kinukulit na 'ko dyan, at siguradong sa atin ang bagsak ng sisi kapag na-delayed ang release ng February issue."

"Yes sir! Ngayon na po mismo. Medyo na-late lang kami ng crew matapos sa set.." mahinahon kong sagot. May bahid ng pinakamatamis na ngiti sa labi habang pinagmamasdan ang mga larawan ni Angel, sabay click sa send. Totoo, ito na nga ang pinakamagandang larawan ni Angel na kinuhanan ko.

"Saan mo ba ko dadalhin?" tanong ni Angel. May halong inis at pagtataka, "Naku Julius ha! Kapag 'di ko nagustuhan tong plano mo, nakikita mo tong suot kong high heels?"

"Malapit na tayo," tumingin ako sa wrist watch ko, "Mga limang minuto na lang."
Walang humpay ang bandang tumutugtog sa loob ng dibdib ko habang inaalalayan si Angel papasok ng kwarto. Parang laro ng Ginebra sa Araneta na nakakakaba dahil sa hiyawan ng mga tao. Well dalawang ending lang naman ang mangyayari sa plano ko. Una mapapa-iyak sya sa tuwa at pangalawa masasampal nya sakin ang suot nyang high heels.

Ilang taon ko na ba nakasama si Angel sa photoshoot? Tatlo, apat, lima? Ewan ko. Basta sa tuwing sinasabi ni Boss na sya ang model, lagi akong nagtataas ng kamay. Sa totoo nga e mas nauuna pa ko magtanong kung sya ang magiging modelo. Maganda si Angel. Tulad ng mga bidang babae sa teleserye mabait at palabiro sya. Sinong hindi mahuhulog? Lagi akong may dala para sa kanya sa tuwing may set. Kung hindi bulaklak e tsokolate, at kung hindi cake e yung paborito nyang shawarma. Kabisado ko na si Angel. Napakadali nyang pangitiin at sigurado akong napakasarap nyang mahalin.

Wala naman sa plano kong magtapat sa kanya. Parang paghihiwalay ng dagat at buhangin, sobrang imposible nya kong mahalin. Liban na nga lang noong isang beses na may team building ang company sa Batangas. Special guest si Angel noon at medyo malakas talaga kay Boss kaya nakasama sya. Hindi ko alam kung paano nangyari ang lahat, pero huli ko nang na-realized na nahalikan ko pala si Angel sa pisngi. Lasing na lasing sya noon at medyo hindi pantay ang mga paa sa paglalakad. Inalalayan ko sya sa kwarto nya at marahang inihatid sa kama. Paalis na sana ako nang pigilan nya ang aking kamay. Humiling sya ng isang halik sa pisngi at sinabing.. "Julius kung magmamahal ulit ako, baka isa sa inyo ni Alden."

Isang linggo kong dinadampi-dampi ang aking mga labi. Palagi na kong nakangiti sa tuwing papasok kahit lunes at medyo nabawasan ang circle of friends ko dahil sa pag-aakalang nasisiraan na ako ng bait. Doon nabuo ang plano ko. Planong hinugot sa loob ng mahabang panahon. Wala na sa isip kong mag-back out dahil mahal ang inorder kong bulaklak galing pa ng Baguio.

"Anong meron dyan?" tanong ni Angel.

"Buksan mo.." ani ko habang itinuturo ang pinto. "Sa likod nyan nariyan ang surpresa ko."

Binuksan ni Angel ang pinto. Binuksan ko ang ilaw. Nanlaki't namilog ang kanyang mga mata. Ang isang maliit na kwarto sa loob ng mamahaling hotel ay pinuno ng kanyang mga larawan. Kung susumahin aabot ito ng higit isang libo. Sa tagal kong nakasama si Angel, bawat sandali'y pasimple ko syang ninanakawan ng kuha. Kahit yung simpleng pag-idlip nya sa set e hindi makakalagpas sa akin.

"Seryoso?!" si Angel, "Ako ba lahat 'to?"

"Angel mahal kita.." mahina kong sambit. "Alam kong ikabibigla mo 'to, pero masasaktan ako kapag naunahan ako ng iba.."

Niyakap ako ni Angel. Mahigpit. Napakalambot ng kanyang kutis. Napakabango ng kanyang buhok at napakagaan sa pakiramdam na tipong ayoko na syang bitawan.

"Thank you Julius.." bulong nya kasunod ang salitang.. "May mahal na kong iba."

"Julius? Bakit ngayon mo lang sinagot?" galit ang boses ni Boss sa kabilang linya, "I-send mo na sa akin yung latest photoshoot ni Angel. Umaga pa lang kinukulit na 'ko dyan, at siguradong sa atin ang bagsak ng sisi kapag na-delayed ang release ng February issue."

"Yes sir!" wika ko kasunod ng click sa send.

Hinihimas himas ko ang aking mga labi habang pinagmamasdan ang mga larawan ni Angel. Totoong ito ang pinakamagandang kuha nya sa lahat. May pinakamagandang ngiti habang nagmamaka-awang dugtungan ko pa ang buhay nya.

-wakas




*image credit to original uploader

0 comment/s:

Post a Comment