Kwentong Tambay - Chapter 8

"I won't worry my life away.. Fingers crossed, sindi ng yosi.. rakenrol!"


Pera.. Pamilya.. Trabaho.. Pag-ibig.. Kaibigan.. Ano pa ba?
Sa lahat ng aspetong yan malamang meron tayong isang problema.. Minsan hindi lang isa. Madalas dalawa o tatlo.. At kapag medyo malas ka pagpasok ng taon na ito, malamang lahat yan take all mo.

Polong puti.. Maong na pants at naka Vans na japeks ang porma ko ngayong araw na to.
San ang lakad ko? Madalas na sagot ng iba eh..

"Magbabawas ng kasalanan"

Taran**** ka ba? Kailan pa naging bangko ang simbahan?

Hindi ako sobrang relihiyoso, pero pagdating sa bagay na to eh seryoso ako..

Kapag nangliligaw ka.. "Diyos ko! Sagutin na sana ako(with matching kilig)"
Kapag wala kang pera.. "Diyos ko! Makati ang palad ko bibigyan mo ba ako?"
Kapag badtrip sa ermats.. "Diyos ko! Kelangan kaya mauubos ang bala ng Ak47?"
Kapag badtrip sa boss.. "Diyos ko! Sana mabangga ang kotse nya mamaya.."
Kapag badtrip sa tropa.. "Diyos ko! Mamatay na sya, inagaw nya syota ko!"

Madalas kapag may kailangan si Juan, pipikit lang kunwari at mag seseryoso ng konti.
Ginagawa nating wishing well ang Diyos.. sa totoo lang.

Pero sa panahon na tawag ka niya..

"Pass muna.. Kasama ko GF ko kase sinagot na ko(with matching HHWW)"
"Pass muna.. Kasi dumating na yung padala mo.. gala muna ko for shopping"
"Pass muna.. Kasi ermats ko biglang nabulunan kakatalak sakin(with wink)"
"Pass muna.. Kasi na promoted na ko.. from janitor to head janitor"
"Pass muna.. Kasi yung tropa ko binalik na syota ko, after nya malamang buntis"

Ginagawa nating alak ang lahat..

Paano kaya kapag sinabi nyang..

"Oh sige pass ka din muna kasi hindi ka gaano updated sakin.."


---------------------------------------------------

"Ikaw?" nauutal ko pang sabi.

"Nagulat ka no?" sagot nya.

Biglang nag-rewind ang utak ko.. Pero dahil walang rewinder, ginamit ko ang pentel pen para ikutin ang bala ng VHS.. este ang utak ko.. naalala ko ang kamanyakan ko.

FLASHBACK!!

"Boss bayad ho.." sabi ko sa drayber ng jeep,habang pinipilit ko
iunat ang aking braso.

Inabot ng babae na dalawang tao lang ang layo sa akin ang aking tig be-bente singko kong bayad, at halos parang malaglag na sa kamay nya.. Napansin kong napangiti ang babae sa akin. Ang hindi ko malaman eh kung sa bayad ko ba? O, sa suot kong sunglass na parang hugis star. Inangat ko ng bahagya ang aking sunglass..

"Anak ng teteng! ang ganda.. pang.." bulong ko sa sarili.

Tinignan ko ang aking sunglass kung meron bang button para mag-activate ang x-ray vision pero wala.. Biglang nag play sa radyo ng sinasakyan kong jeep
ang careless whisper, at lalong tumayo ang balahibo ko Mula binti hanggang batok, at mula anit hanggang sa hindi ko na alam ang punta..

...
......
.........

"Sya nga.." bulong ko sa sarili.

"Natulala ka na! Tara na!" paggulat nya sa akin.

"Ay! Tara.." sagot ko.

Habang naglalakad pasimple kong tinitignan ang kanyang kagandahan.. Hindi maiwasan ng mga kalalakihan tumingin sa kanya, na sya naman ay kalmado lang na parang sanay sa mga ganitong ekspresyon sa kanya. Hindi ko tuloy maiwasang matuwa.. Gusto kong isipin ng mga taong nakakasalubong na.. "Swerte ng lalaking ito".

"Malapit na tayo.." mahina nyang salita.

Narinig ko ang sinabi nya kahit mahina pero wala akong pakielam.. Gusto ko lang sya pagmasdan.. Natutuwa ako.. Mabilis ang tibok ng puso ko.. Hindi ako makapaniwala sa babaeng ito. Hindi ako gwapo.. Hindi pang vtr na kahit model ng toyo ay hindi ako papatulan.

"Pero bakit pumayag makipagdate sakin to?" bulong ko na medyo napalakas.

"Okei ka lang?" sagot nya sabay tawa.

"Ayos lang.." Kahit napahiya eh nakasagot pa din ako.

"Dito na tayo! Yes!"

Tinignan ko ang paligid.. Tumayo ang balahibo ko.. Mula batok hanggang kili-kili.

"Uhm.. malayo pa ata ang pyeste ng patay.." bulong ko sa kanya.

"Hahahaha! death anniversary kasi ng papa ko." sagot nya.

"So dito tayo magdadate kasama tatay mo?" tanong ko naman.

"Huwag ka na nga makulit.. tara na.." anyaya nya.

Halos dalawang kanto.. tatlong liko.. apat na kalsadang maraming halaman na nakakatusok sa paa, at sa dulo katabi ng masangang puno ay isang puntod. Lalong tumayo ang balahibo ko.. Tumingin sa paligid pero matataas na damo na lagpas sa akin ang tanging natatanaw ko.

"Hindi kaya serial killer to?" bulong ko sa sarili ko.

Sa harap ng puntod. Tinitignan ko ang bawat galaw nya.. Napansin kong meron syang dahang dahang dinudukot sa kanyang maliit na shoulder bag.

"!@#$%&!!!"

"Huwag! Kahit hindi ako gwapo maraming nagmamahal sakin!" sigaw ko sa kanya.

Tumingin lang sya akin at nagtaka.. Matapos bunutin ang kandilang kulay asul sa bag.

"Ano ba nangyayari sayo?" natatawa nyang tanong.

"Ay.." tanging nasagot ko.

"Halika upo muna tayo" anyaya nya.

Umupo ako.. nagkwentuhan tungkol sa buhay ng tatay nya. Hindi ako interesado pero dahil seryoso sya eh kunwari nakikinig ako. Nakatitig.. Pinagmamasdan ng malupit ang anghel sa harapan ko.

"Uhm.. teka.. Paano mo pala nalaman na ako yung nasa jeep?"

"Simple lang! Lagi ka naman kasing naka live cam kahit walang naka view sayo.."

"Hindi pa nga ako sigurado kasi baka kamukha mo lang kya tinext agad kita"
pahabol nya.

"Ahh.." sagot ko. sabay titig ulit sa kanya.

Bigla syang nangiti.. Sigurado ako! Sa ngiting iyon walang lalaking hindi mahuhulog sa ganda nya.

"Pasensya kana kung sinama pa kita dito.."

"Okei lang.." sagot ko.

"Wala na kasi ang pamilya ko nasa states na silang lahat.."

"Okei lang.." sagot ko.

"So.. ako na lang naiwan dito para mag-alaga sa puntod ni papa.."

"Okei lang.." sagot ko.

"Hello? Okei ka lang ba?"

Syet! nabistong hindi ako nakikinig.. Pero okei lang dahil natawa naman sya sa pagmumukha kong tanga.

"Tara na.. Kain tayo" anyaya nya.

Ito na ang simula ng kalbaryo ko, Aba sana sa mumurahin lang sya magyaya na ang presyo ay yakang-yaka ng aking bulsa.

"Gusto ko dun sa chinese resto.. alam mo yung ano.."

"Patay! sabi ko na.." bulong ko sa sarili, halatang dismayado.

"Kaya lang medyo malayo pa dito, dyan na lang tayo sa labasan ng sementeryo"

"SALAMAT LORD!" sabay ngiti ko.

Sa sobrang saya, hindi ko na namalayang nawala na pala sa isip ko si Kath at ang problema kong naiwan. Pero mas okei na ito.. Panandalian nga lang pero walang humpay na kasiyahan. Wala akong balak tumakas gusto ko lang humanap ng bwelo para maisa-ayos ang lahat.

"Okei na siguro dito.."

"Aba! kahit saan ako okei lang!" pagyayabang ko, at nangiti naman sya.

Okei pala talaga to.. Kahit mukhang sosi at napaka ganda eh sya namang cowboy nya. Sa unang tingin sya yung tipong hindi ka papansinin, kung wala kang mala artistang pagmumukha. Sya din yung tipong hindi mo pwedeng isabay sa mga kalokohang pang kanto lamang ang datingan. Ngunit hindi.. rakenrol sya katulad ko. Walang keme-keme, at walang arte arte. Simple lang..

"Paano mauna na ako sayo.." Paalam nya.

Gusto kong sabihin na.. "Mamaya na kasi nag-eenjoy pa kong pagmasdan ka".. at "Nawawala ang problema ko kapag nandyan ka". Pero tulad nga ng kasabihan, Walang bagay sa mundo na masasabi mong permanente, ay ganoon din ang sandaling ito na kasama ko sya.

"Sige hatid na kita!" sagot ko.

"Hindi huwag na.. sakay na ko taxi dito.."

"Ganoon ba? Sige i-papara na lang kita"

"Sige.." sabay ngiti.


Sana walang taxi na dumaan..
Sana biglang magkaroon ng rally ang mga taxi drayber..
Sana biglang magbago isip nya at magpahatid na lang sya..
Sana umulan ng malakas, so pwede akong sumabay sa kanya sa taxi..

Lahat na yata ng panalangin nabanggit ko, pero wala pang sampung minuto ay parating na ang taxi na alam kong paparahan nya..

"So mauna na ko ha.." paalam nya sa sabay ngiti.

"Sige.. ingat ka!" sagot ko naman.

Sakto sa pagsara ng taxi.. Habang nakatitig pa din ako sa mala anghel nyang mukha.. Iniisip kong lilingon sya ulit at ngingiti sa akin..

...
.....
.......

Sa wakas! Dininig din ng Diyos ang panalangin ko. Pero hindi tulad ng inaasahan ko..

Meron syang sinesenyas.. Tinuturo nya ang karatula sa harap ng pinagkainan namin.. Hindi ko maintindihan! Akmang lalapit pa sana ako nang biglang humarurot ang walanghiyang taxi drayber.

"Aw sy**!"

Hindi ko na tuloy nalaman pa.. Tinawid ko ang harapan ng pinagkainan namin.. Isang maliit na tindahan. Tinitigan ang karatula.. Nag-isip.. Nag-isip.. Nag-isip.. At dahil sa wala naman akong naisip.

"Marlboro lights nga po" bumili na lang ako ng yosi at sumakay sa nakapilang tricycle.

Naglalaro pa din sa isip ko ang mga ngiti, tawa, boses, at mala anghel nyang mukha na sobrang nagpapasaya sa akin.

"Napaka ganda talaga ni.. ni.. ni....... SY**!!!"

Sa hinaba-haba ng oras na kasama ko sya, pangalan pa nya ang nakalimutan kong tanungin. Agad-agad kong binunot ang cp ko para i-txt sya.. Pero nagulat ako at may txt msg na sya. So agad kong binasa..

"Salamat sa oras RAKEN, Rhea nalang itawag mo sakin, ikaw? anu pala name mo?"

Tanga tanga ko talaga! Bigla ko naalala yung karatula sa tindahan.. "Aling Rhea store"

"Dudes na lang.. short for Dionisio, wala un basta ikaw" reply ko.

                                ------------------

Pagka-uwi ng bahay.. Napansin kong tahimik sa lugar namin.. Nakakapanibago! Na dati ay parang palagi akong nasa perya, takbuhang mga bata, mga motor na nagpapalakasan ng ingay sa harapan ng aking inuupahan. Bago ako tuluyang umakyat dumiretso muna ako sa tindahan para bumili ng yosi..

"Uhm.. marlboro lights po kalahati.."

"Dudes may utang kapa dito sa tindahan.." sagot ng tindera.

"Meron po ba? magkano?" tanong ko.

"Sigarilyo lang naman.. last month pa ata ito" sagot ng tindera.

"Ay.. ganun ba sige bayaran ko na.."

Pagkatapos magbayad ng utang na hindi ko matandaan kung akin ba talaga, ay dumiretso na ko sa bahay, at dali daling nagbukas ng pc at nag log-in sa camfrog.. Umaasang naka online ang anghel.

Sakto! talagang pinagpala ako ng lubusan!

RAKEN: Hi.. Musta Rhea?
SINGLE_AKO: Sino ka?
RAKEN: Okei ka lang? parang hindi tau magkasama kanina. :p
SINGLE_AKO: Kasama mo ako? Saan?
RAKEN: Si Rhea ka ba?


Sabay view sa cam nya..


Loading.....


Maikli ang buhok na parang korean hairstyle na emo, na madalas kong makita sa myx daily countdown.. Malaki ang bicep at tricep.. artistahin ang itsura ng lalaking tumambad sa harap ko.

RAKEN: Ay sori akala ko si Rhea..
SINGLE_AKO: Hindi pa sya dumadating.
RAKEN: Sige salamat!


Paalam ko sa may gamit ng ID nya sabay log-out..

1 comment/s:

Pink Line said...

aaaw...sino kaya yun?jowa nya?...nagtatanong pa ko alam ko namang di mo sasagutin kaya babasahin ko na lang hehe..

Post a Comment