One Morning of July - 5

(Ang imahe ay mula sa malikhaing isip at kamay ni Melala)

***

"If everybody minded their own business, the world would go around a great deal faster than it does."  -The Duchess, Alice in Wonderland.




Malinaw pa sa pagkapanalo ni GMA ang circus sa loob ng puso ko. Hindi na kailangan ng mga pusong lumilipad sa background para sabihing may anghel na may pakpak ang sumablay na naman ng kanyang target. Inlab ako! Inlab sa babaeng may positive at negative na pagkatao. Hindi pwedeng itago sa ngiti kong mas obvious pa sa high school student na sinagot ng nililigawan. Buo na ang plano kong sumabak sa kakaibang relasyon na mas maihahambing pa sa gera, kesa sa pagka-romantic ng pelikula ni Keanu Reeves at Charlize Theron. Kung anong resulta? Uubusin ko ang letra sa alphabet, huwag lang mauwi sa bahala na.


Minarkahan ko ang bawat numero sa buong buwan ng hulyo. Bawal ang salitang sablay. Required na kailangang tanda ko kung sino sya sa araw na yun. Gumawa ako ng mini planner para alam ko kung anong gagawin ko sa araw na posibleng makasama ko sya. Daig ko pa si James Bond sa pagkarkula kung sinong puso ang liligawan sa araw-araw.


Paibigin si July..


Hindi na kailangang ipa-vulcanize ang mukha ko kung sasabihin kong may chemistry kami. Jolly at open-minded sya. Kinakailangan ko nga lang hindi maubusan ng joke, para mapanatili syang nakangiti habang magkasama kami. Noted na din ang ugaling palaging on-the-go. Super cowboy! Kahit siguro i-treat ko sya sa Luneta, pumapak ng isang kilong cotton candy at magkanda-paos sa regular ice cream ay mukhang mag-e-enjoy pa din sya.


"Kaya ng lion makipag-sex ng higit limampung beses sa isang araw!" pagbida ko.


"Bakit sakin ka nakatingin?"  hindi level ang kilay nya.


"Iniisip ko lang kung kaya ba ng tao yun.."


"Ewan ko sayo! Ang dami-dami natin pwedeng puntahan bakit dito pa sa zoo ang napili mo" pagrereklamo nya.


"Sige uwi na lang tayo" tatalikod na ko, pero mabilis nyang pinigilan ang aking braso.


"Hindi ka na mabiro! Ugali mo na bang mapikon?"


Kulang nalang sakalin ko sya sa tuwa. Kahit paano naramdaman kong trip nya pala akong kasama, at may kwenta pala ang mga natutunan ko sa panonood ng NatGeo. Akalain mong matutunan ko kung anong pinagkaka-abalahan ng mga lion kapag hindi nila type sakmalin ang mga tour guide sa africa na umaaligid sa kanila.


Binura ko ang ngiti bago ulit humarap sa kanya. Mahirap nang mahalatang pinagti-tripan ko sya. Ngunit ang kunwaring pagkaseryoso ay tuluyang nauwi sa seryosohan, nang sinalubong nya ako ng ngiting hindi ko pa yata nakikita sa lahat ng babaeng nakilala ko. Sa paglunok ko ng laway muntik nang sumama ang dila ko. Hindi ko lubos maisip na ang babaeng may apple cut na buhok, pwedeng subject sa art class ang hubog ng katawan, at may nakakademonyong ngiti ay ang babaeng nakayakap ko ng magdamag. Kulang ang premyo sa grand lotto kung itatapat ito sa pagiging swerte ko.


"Natulala ka?" pagbasag nya sa pananaginip ko. Kumurap pa ko ng ilang ulit para mawala ang epekto ng makamandag nyang ngiti.


"Iniisip ko ulit kung magagawa ko pa bang mag walk out, kung ganyang ngiti mo ang pipigil sa akin" nakangisi kong sagot.


"Bolero!" kahit sumimangot, ay alam kong natuwa sya sa sinabi ko. "Tara kain na lang tayo! Magandang lunas yun sa hallucination mo" biro nya.


Nilibot muna namin ang kalakihan ng Wildlife sa Quezon City, bago nagpasyang lumabas. Hindi ko mapigilang matawa sa ugali nyang parang bata, na sa tuwing makakakita ng hayop ay matutuwa at titingin sa mukha ko. Ewan ko kung may resemblance ba ko sa unggoy at ilang ulit syang tumawa ng malakas habang tinatapik ang balikat ko.


Maraming beses kong sinubukang mag-open ng tunay kong pakay, pero nauunahan ako ng pagkatorpe. Kapag nagkakaroon ng tiyempo o mga ilang segundong wala kaming topic, gusto ko nang mag-angat ng bandera at sabihing may nararamdaman na ako sa kanya. Ang problema lang ay kung paano ko sisimulan. Wala akong matinding opening line, para gumanda ang daloy ng pinapangarap kong love story. Mula zoo hanggang sa malapit na restaurant, bukod sa pagsakay sa mga sinasabi nya ay buta ang nagawa kong moves.


"Gusto ko ng pasta! Kahit ano basta pasta.." bungad nya nang nakahanap na kami ng uupuan.


"Ikaw?" tanong nya sa akin, habang nagbabasa ng menu.


"Yung special syempre!" sagot ko.


"Ang arte ha! Kalalaking tao.." biro nya.


"Hindi ah! Sa buhay dapat piliin natin ang sa tingin natin ay walang katumbas. Kung meron kakaiba sa lahat, yun ang lagi kong pinipili.." paliwanag ko.


"So special pala ko? Kasi mas pinili mong makasama ko, kesa matulog sa inyo?"


"Yan ang tanong na hindi na kailangan ng sagot!" nakangiti kong sagot habang diretsong nakatingin sa menu na tumatakip sa mukha nya.


Iniangat nya ang kanyang mata sa ibabaw ng menu para tignan ako. Ang tingin na kanyang ibinato ay nagsasabing may 2% na tumama sa 100% ng nais kong sabihin sa kanya. Kasunod nun ay ibinaba nya ang menu sa ibabaw ng mesa, inikot ito sa direksyon na mababasa ko. Itinuro ng kanyang daliri kung ano ang special na nasa menu, tska ulit ngumiti sa akin.


"Ayan! Meron na tayong something in common!" wika ko.


"Dalawang special na carbonara!" sambit nya sa waiter ng mamataan 'tong papalapit sa amin.


Ayun! Nalimutan kong may baga pa pala ako. Hindi kasi ako makahinga sa sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Kulang ang haba ng pasta sa dami ng kanyang gustong ikuwento. Mas madami pa nga ang daldal kesa sa pagkain. Kada magsasalita sya, hindi pwedeng hindi din ako hihinto sa pagsubo para makinig sa kanya. Kahit na ang topic ay tungkol lang sa bagong application sa iphone; kahit wala naman akong alam at dehins interesado; para lang magkatitulo ng best listener ay nakinig na din ako.


Sandali syang natahimik matapos ibuod ang talambuhay ng lolo nya. Buti nalang may pagkakaparehas ang hilig ng lolo nya sa lolo ko, somehow naka-relate ako. Pagkakataon ko na. Kailangan ko naman sumagwan para umusad ang bangka sa ilog.


"Sa love life mo wala ka bang kwento?" usisa ko.


"Ay! Boring!! Sa panahon ngayon hindi na pinag-uusapan ang love life, pang artista lang yun!" pilosopo nyang sagot. "Ikaw? May love life ka?"


"Wala pa! Pero malapit na.."


"So may nililigawan ka?"


"Nagbabalak pa lang. Hindi ako makahanap ng bwelo eh, ang daldal nya kasi palagi kaya hindi ako makasingit."


"Ang hina mo naman! Kung ako yung babae siguro nagkagusto na ko sa ibang lalaki, hindi mo pa nasasabing mangliligaw ka."


Nawala ang kaba ko sa sinabi nya. Gusto ko nang sabihing "tanga ikaw yun!" kaso nag-aalangan akong baka isipin nya nagbibiro lang ako. May tumutulak na sa akin para sakmalin na sya sa leeg, pero may tinig na nagsasabing may iba pang pagkakataon. Huwag na huwag lulundag sa patag kung alam mong hindi naman pantay ang paa mong babagsak.


"Tara na! Torpe!" natatawa pa sya habang nagpupunas ng tissue sa labi.


"Hindi ako torpe! May tamang oras siguro para doon" napahinto sya sa sinabi ko.


"Kailan pa? Kapag naunahan ka na ng iba? Makupad kapa sa pagong!" dagdag nya pang pang-aasar sakin. Ngiti lang ang naging tugon ko. Wala akong balak pumatol sa mga sinasabi nya.


"Baka nalimutan mong nanalo ang pagong sa karera laban sa kuneho.." bulong ko.


"Paano kung agresibo ang kuneho sa makabagong kwento?"


Nasinagan ng araw ang makintab nyang mga balat, nang lumabas kami ng restaurant. Malakas ang ihip ng hangin sa klimang may pagka-humid. Tinatangay nito ang buhok nya na nakaka-aliw pagmasdan. Mula sa likod nya hindi magawang kumurap ng aking mata habang nakatingin sa kanya. Habang tumatagal ang bawat araw na nakakasama ko sya, hindi na pwedeng lokohin kahit ang pinakatusong kuneho; ang dinidikta ng puso ko. Mali yata kung sasabihin kong paiibigin ko sya. Kabaliktaran ang lahat. Ako ang nahuhulog sa kanya. Swak.


"Agresibo? Malabo.. Mapapagod din yun!"


"So mananalo yung makupad na pagong?"


"The race is not about the prize, July. It's all about the effort you give in order to win her heart.."


"Talaga?" napangiti sya. "Biglang naging inglesero!" kasunod ang malakas na tawa.


Maraming beses pang naulit ang mga ganitong klaseng usapan sa tuwing love life ang topic. Hindi na din ako nag-usisa. Mauuna naman ang pagtanggi kung may border na sa puso nya, kapag inaaya ko syang lumabas at magpunta kung saan-saan. Liban lang dun sa lalaking kasama ng alter-ego nya sa fast food. Malakas ang kutob kong isa sya sa posible kong makasagupa para sa puso ni Marta. Bahala na. Sa tanda ko lamang lang ang makapal at maayos na porma ng kanyang kilay, ikumpara sa akin. Sa ngayon bibigyang pansin ko muna kung saan ako nakakalamang.


Ikaw labing anim na araw, sa buwan ng Hulyo.


Maasahan talaga ang schedule at ang kagustuhang maging girlfriend sya. Suntok sa buwan at madramang pagbabasag ng alkansya, nang ayain ko sya sa Cafe Ysabel sa San Juan. Romantic kasi ang venue at masyadong awkward kung kami lang dalawa. Mabuti nalang may beginner's luck. Pumayag naman sya kahit obvious na may gusto akong mangyari sa oras na feeling ko kami lang ang tao sa mundo.


Papitik pitik pa ang daliri ko sa aking hita habang naghihintay sa pagdating nya. Jazz ang music kaya napapapikit ako sa antok. Sa entrance nakapako ang aking mata habang nakaupo sa isang sulok. Napatingala ako ng harangan ng isang waiter ang view ko.


"Coffee sir? Habang naghihintay kayo sa ka-date nyo" bungad nya.


"Thank you! Padating na din kasi yun, napaaga lang ako" nakangiti kong sagot.


"Date pala ha!"


Napalitan ang ngiti ko ng pagkagulat nang sumulpot sya sa likod ng waiter. Nahirapan akong kilalanin sya dahil sa suot nyang eyeglasses. Ayoko sa babaeng nakasalamin, pero hindi ko mapigilang mamangha dahil bumagay sa kanya ang suot nya. Mabilis syang naupo. Nainip ata sa paghihintay na maging gentleman ako, na kung hihilahin ko ang silya para sa kanya.


"Friendly-date?" nauutal ko pang sagot.


"Wow! Ganda ng polo natin ha! Very casual.." puna nya.


Nakangiti na din sya sa wakas. Kung alam ko lang na may agimat ang suot kong polo, sana ginawa ko nang fully paid sa bumbay. Nakakagulat na masyadong pino ang mga galaw nya. Tanggap ko nang romantic ang lugar, pero hindi ko naman kayang umastang romantiko habang kumakain. Mahirap yatang sumubo na naka 100% gentleman.


"Bakit mo naman ako dinala dito? Akala ko ba ayaw mo sa hindi lively na lugar?" tanong nya matapos igala ang mata sa buong paligid.


Kinabahan ako. Nakakainis na hindi ko masabi kung anong dahilan. First time kong kabahan sa harap ng babae. Sa likod ko ang isang bugkos ng bulaklak na kanina pa naghihintay ng pag-aalayan. Syetes! 


"Siguro type mo na 'ko?" may halong pang-aasar sa tinig nya habang pinaglalaruan sa daliri ang mga nakalatag na kubyertos.


"Halata ba?!" agad kong sagot.


"Romantic place? The two of us? And a bunch of flowers at your back?"


Walanghiya! Pakiramdam ko ang corny kong lalaki! Nakasilip pala ang bulaklak, kaya pala ganun agad ang bungad nya ng dumating sya.


"I-I guess.. Tama ka!"


Ngiti lang ang sagot nya. Napakatipid sa reaksyon. Nakakbwisit na nakakairita. Anong ibig sabihin ng ngiti? Sa effort ko kulang pangbawi ng sama ng loob. Paano pa kaya kung basted?


"So what's next?" nakaka-intimidate nyang tanong.






bitin muna..

6 comment/s:

starbuko1234 said...

bitin again pero sanay na ko more more more

Amphie said...

uy sorry tropa hehe, tuloy-tuloy na update nito tuwing thursday o friday. naging busy lang nung nakaraan.

starbuko1234 said...

okie lang tropa basta ikaw

Pink Line said...

kakakilig naman to!...kaabang abang ang love story mo..hihi...

Amphie said...

uy bagong reader. welcome po sa blog ko! :D

rhed said...

hehehehe... aliw!

Post a Comment