Prom

Hindi na siguro kailangan ang resulta na manggagaling pa kay Madam Auring, para sabihing mutual ang feelings namin ni Judy. Hindi na din dapat magpasuri sa isang astronomer para lang malaman kung ang zodiac sign namin ay may conflict. At mas lalong hindi kailangan ng opinyon na manggagaling sa principal na hindi boto na gawin kaming mag-partner sa Mr. and Ms. United nation. Ang epektibong advice ni Rex ay mukhang sapat na.

"Timing pre, timing! Yun ang kailangan mo! Sobrang close nyo na at nasisigurado kong may gusto na din sya sa'yo."

"Mukhang malabo eh, palaging nakabantay yung bestfriend nya"

"Kung si Mary ang problema mo, at nahihiya ka kamo. May isang sagot dyan," pinilas nya ang kapirasong papel sa bulletin board. "Ito oh! Yan ang sagot!"

Malaki ang pasalamat ko sa katabi sa klase na palaging nakokopyahan. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi tataas ang grades ko. At kung hindi dahil sa pangongopya ay hindi ko magiging partner si Judy. Hindi ako natuwa ng napili ako, at buong puso akong nag-back out. Mabuti nalang at medyo mahina ang pagkakatutol ko, dahil sya naman pala ang makakapareha ko.

Nang lumabas ang mukha ko katabi ng mukha nya sa pahina ng school journal, halos hindi makapaniwala kahit ang nanay kong walang bilib sakin. Paano daw ako nakapasok, eh kahit nga daw ang simpleng math problem ay hindi ko magawang sagutan tapos magsasalita pa ako sa harap ng daan-daang estudyante sa iba't-ibang klaseng lenggwahe. Nahawa lang daw ako sa swerteng dala ng magandang partner ko.

"Prom? Prom night?" nilamukos ko agad ang papel na ibinigay ni Rex. "Yayain nga sya sa canteen 'di ko magawa tapos isasayaw ko pa sya?"

"Chance mo na 'to! Sa prom kahit sinong isayaw mo ay hindi ka kakikitaan ng intesyon, hindi tulad ng pag-aaya sa canteen na mukhang gusto mo lang magpalibre ng lunch"

"Bahala na," makunat kong sagot.

"Bahala? Bahala ka, baka iba ang makinabang sa matagal mo ng pinaghihirapan"

Naging close kami after ng United Nation. Kahit na hindi ko natapos ang aking speech at naging katatawanan lamang ang ending. Kasalanan nya kasi! Mas nakaka-distract pa ang kanyang ganda, keysa sa mga audience na teachers lamang ang mukhang interesado sa mga sinasabi ko. Napilitan akong itabi sa kanya ng adviser namin sa klase. Mas maganda daw iyon para mas lalong tumaas ang self esteem ko at gumaling pa sa klase. Nalaman ko tuloy na pangit pala ang hand writing nya. Pagkatapos noon, ayun! Araw-araw na kaming magkasama. Sa klase, canteen, library, faculty, at school garden. Natatapos lang ang ngiti ko kapag kailangan nyang mag-cr.

Naihatid ko na din sya sa bahay nila. Nakilala ko na ang mga magulang nya pati ang aso nilang mahilig daw sa gwapo kaya madalas kainin ang tsinelas ko. Nalaman ko na din ang mga hilig nya. Hindi ko lang naitanong kung kasama ba ako doon, dahil madalas nya na din akong isama kapag trip nyang mag mall kapag linggo. Ang saya ng ganung pakiramdam na parang kami. Yun nga lang, sa sarili kong mundo. Hindi ko pa kasi nasasabing bagay kaming dalawa, maniwala lang sya.

"Paano kung basted ako? Kung hindi nya pala ko gusto?"

"Hindi bale ng ma-basted, keysa naman habang buhay kayong friend. Eh, paano kung magkaboyfriend eh di ang sakit-sakit."

Ang payo ni Rex, parang tip lang sa karera. Lamang ang dehado keysa sa lyamado. May itim na mahika yata kaya ako naniwala. Hindi ko tuloy masabing wala namang mawawala kung susubukan ko, dahil nakataya dito ang friendship namin na hindi level. Hindi level, dahil mas lamang pa sa friend ang turing ko sa kanya. Hindi level, dahil nag-aasam ako ng mas higit pa. Hindi naman sya sweldo na kinsenas o katapusan mo lang paghihirapan, para sabihing walang mawawala kung ilulustay lang sa bisyo. Higit pa sya dun. Thirteen month siguro.

Dumating ang araw na hinihintay ko. Ang gabi na posibleng sisira o babago ng aming relasyon. Ang moment na makakapagsabi na bilog o parisukat ang mundo. Ang kapirasong sandali na sasagot sa lahat ng katanungan ko. At ang katiting na paniniwalang gwapo ako, ang tanging sandata ko.

"Ready ka na ba?" pinagpagan ni Rex ang kaliwa't kanang balikat ko, kahit walang dandruff. "Kaya mo yan!"

"Magdasal ka," sagot ko.

"Kanina pa! Pati ang beer nakahanda na!"

Si Judy, ang apple of my eyes. Kaya kahit maraming tao, sya agad ang nakita ko. Nakaupo sa isang sulok katabi si Mary. Hindi na ko nagdalawang isip pa. Nilapitan ko sya agad. Huminga muna ako ng malalim bago ko inabot ang aking kamay sa kanya. Nakakagulat lang na nagtaka pa sya kahit na obvious na ang intensyon ko ay isayaw sya. Hindi ako nabigo. Sign from up above siguro.

"Sorry kung hindi ako makasabay. Alam mo naman parehas na kaliwa ang paa" napangiti lang ako. Hindi dahil sa masakit na ang paa ko, dahil mas maganda sya sa gabing 'to keysa sa inaasahan ko.

"May sasabihin ako" bulong ko.

"Ano?"

"Makinig ka muna. After nito sana hindi ka magbago. Sana friends pa din tayo"

"Nakakaintriga ha!" natatawa nyang sagot. "Sabihin mo na, makikinig ako"

"Mangako ka muna!"

"Pangako!"

Hindi na siguro kailangan ang resulta na manggagaling pa kay Madam Auring, para sabihing mutual ang feelings namin. Hindi na din dapat magpasuri sa isang astronomer para lang malaman kung ang zodiac sign namin ay may conflict. At mas lalong hindi kailangan ng opinyon na manggagaling sa principal na hindi boto na gawin kaming mag-partner sa Mr. and Ms. United nation. Ang epektibong advice ni Rex ay mukhang sapat na.

Naupo ako sa isang sulok matapos masabi ang lahat-lahat. Ninanamnam ko ang side ng pagiging emo. Pinagmamasdan ko ang nakakahilong ilaw na pino-project ng mirror ball. Masaya ang mga taong sumasayaw sa saliw ng kanta ni Charice, pero ang isip ko'y napako sa love song na naging background namin kanina ni Judy. Sumandal ako. Sinalo ng dalawa kong palad ang aking ulo. Malalalim at mahahabang buntong hininga ang inilalabas ng aking bibig. Nakita ko si Rex. Nakangiti. Papunta sya sa direksyon ko. Inisip ko agad kung anong magiging reaksyon nya sa maririnig. Hindi ko nga lang alam kung paano ako magkukwento.

"Ano'ng balita? Nasabi mo ba?"

"Oo-"

"Anong nangyari? Nasaan si Judy?"

"Umuwi na.."

Tinapik ni Rex ang balikat ko ng ilang ulit. "Ayos lang yan, at least nasabi mo. Hindi man naging pabor sayo, ang mahalaga nalaman nya ang nararamdam mo. Sa ngayon, mahirap pa yan. Pero darating ang oras na makakalagpas ka din. Charge to experience! Malay mo balang araw makahanap ka ng mas nararapat sayo, eh di magpapasalamat ka dahil kung hindi nangyari 'to ay hindi mo makikilala ang taong para sayo"

"Uwi na tayo! Ubusin natin yung beer na inihanda mo!"

"Tama! Maglasing tayo! Maglasing ka hanggang makalimutan mo.."

"Oo, kailangan malasing para makatulog agad." iiling-iling kong sagot. "Mahirap na, baka magalit si Judy. Huwag daw ako magpakapuyat at baka ma-late ako sa first date namin bukas"

-end



natapos ang tatlong araw na bakasyon, ito lang naisulat ko XD

12 comment/s:

Mafe_garcia02 said...

iloveyou!

starbuko1234 said...

naks....

Pinkline said...

pang PBB teens hehe...

amphie said...

sarap magkape hehe..

amphie said...

teen pa kasi ako haha!

Reilly Reverie said...

Ang sarap talaga bumalik dito... May gayuma ka nga ata trops.. :D

amphie said...

magamit nga sa chiks hehe

Archieviner said...

Lumalabteam :) Nice post. Naalala ko din yung prom namin

rrfuertes said...

Yun oh, ka tukayo pa yung friend ng bida. Hahahaha gusto ko yung ending. Ganda!

amphie said...

ikaw iniisip ko nyan eh, hehe! mamats! 

amphie said...

hehehe! nakakarelate talaga ang mahaharot na reader ;)

starbuko1234 said...

kaya di ako nag sasawang bumalik d2!mabuhay ka boss

Post a Comment