Patalim


Bakas sa mga mata ng kanyang unang biktima ang takot. Kahit hindi ito magsalita ay sinasabi naman nito na huwag ituloy ang binabalak. Hindi nagpadaig si Allan. Isang hagod sa lalamunan lang ang kanyang ginawa para lunukin lahat ng pag-aalinlangan. Ipinikit nya ang kanyang mga mata, dahilan para hindi na sya dapuan pa ng awa. Tatlong sunod-sunod na saksak sa tagiliran ng lalaking sa tingin nya'y sasagot sa kanyang malaking pasanin sa buhay.

"Pasensya na po," maluha-luha ang kanyang mata. Pilit pinipigilan ang emosyong tatalo sa kanya. "Mahal ko lang ang aking anak, kailangan nyang mabuhay"

Maingat nyang itinabi ang katawan ng biktima sa madilim na parte ng kalsada, na sa mga oras na yun ay tila walang taong dumaraan. Pinikit ang mata nito ng makitang nakadilat pa. Mabilis nyang kinalas ang mamahaling relos, kwintas, wallet, at kahit ang wedding ring ay hindi nya pinalagpas. Tahimik na nilisan ni Allan ang lugar, at siniguradong walang nakapansin sa kanya bago sumakay sa paparating na tricycle.

"Saan tayo boss?" magalang na tanong ng driver.

"Sa Mabini Hospital po manong,"

Mabait, magalang, masipag, at maunawaing tao si Allan. Lumaking may takot sa Diyos, at punong-puno ng pag-asa sa buhay kahit sagad na sa kahirapan. Pero nung sandaling yun, ibang Allan ang tila namahay sa kanyang katawan. Sa unang pagkakataon halos hindi na nya kilala ang sarili. Ang dating madiskarte sa buhay, ngayon ay naubusan na ng kalsadang madadaanan. Kapit patalim, at dasal na lamang ang inaasahan.

Malamig ang hanging sumasalubong sa kanilang sinasakyan. Damang dama nyang kumakapit ito sa kanyang balat. Kinabahan na sya. Lalo't maalala ang itsura ng lalaki, at ang pagmamaka-awa nito sa kanyang harap. Umiling sya ng ilang ulit. Nangibabaw ang pagnanais na isalba ang buhay ng anak na nasa hospital sa mga oras na iyon.

"Kailangang mabuhay ng aking anak," pagpapalakas loob sa sarili. Naisipang buklatin ang wallet upang kumpirmahin kung sapat ba ang perang nakuha nya mula sa marungis na gawain. Napangiti sya. Malaking halaga nga ang laman. Nanlaki pa ang mga mata ng mapansin ang ilang dolyar.

"Boss, nandito na tayo" wika ng tricycle driver.

"Magkano?"

"Singkwenta." sagot nito.

Iginala nya pa ang kanyang tingin sa paligid para kumpirmahing wala sya sa police station. Kanina pa kasi ang tingin ng nagmamaneho sa kanya, na kahit walang alam ay pakiramdam nya'y gusto na syang usisain. Iniabot nya ang bayad. Agad syang tumulak papasok ng hospital. Mindali nya ang kanyang mga paa na kanina pa naghahanap ng pahinga. Maghapon sya sa kalye para maghanap ng pera. Hindi nya inakalang sa ganung bagay malulutas ang kanyang problema.

Napansin nyang paakyat pa lang ang elevator, kaya dumiretso na sya agad ng hagdan. Halos lundagin nya na ang bawat hakbang. Kailangang maabutan ang doktor, para sabihing ituloy na ang operasyon. Kung kulang ang pera, tsaka na lamang didiskarte ng pangdagdag. Nakikinita nya na ang magandang ngiti na posibleng isalubong sa kanya ng kanyang may bahay.

"Sir, sandali lang!" napahinto sya sa malaking boses na pumigil sa kanya. Agad nyang nilingon.

"Bakit ho?" kabadong tanong nya sa guard na nakapansin sa kanya. "Nagmamadali po ako"

"Anong nangyari sa damit mo? Naaksidente ka ba?!" puna nito sa tshirt nya. Ngayon nya lang napansin na may bahid pala ito ng dugo. Alam nyang sa lalaking biktima iyon, kaya agad na naging balisa ang kanyang anyo.

"Sa anak ko po ito, isinugod sya sa dito kanina!" pagsisinungaling nya. "Maiwan ko na kayo, nagmamadali po talaga ako!"

Pinigilan sya ng guard, pero hindi nya ito pinansin. Mas binilisan nya pa ang bawat pagtalon sa baitang ng hagdan. Alam nyang nakakalayo na sya sa taong humahabol sa kanya. Ilang hakbang pa ay nasa ikaapat na palapag na si Allan. Agaran nyang tinahak ang huling kwarto sa left wing ng hospital. Napipinta nya na sa isip ang kaligtasan ng kanyang anak. Buo na din ang pasyang aalis sila ng Maynila, para kalimutan ang lahat. Sasabihin ang buong katotohanan sa asawa, at hihingi ng kapatawaran sa taas.

"Dok, ituloy nyo na ang operasyon. May dala na po akong malaking halaga!" bungad nya matapos buksan ang pinto ng kwarto. Napahinto sya. Nagtaka. Kumunot ang kanyang noo.

"Sir, kamag-anak nyo ba ang pasyente?" mahinahong ang tinig ng isang nurse na abalang nagpapalit ng dextrose sa pasyenteng nakahiga.

"Nasaan ang anak ko?! Nasaan ang asawa ko?!" sunod-sunod nyang tanong.

"Sir, kumalma po kayo. Ano po bang pangalan ng pasyente?"

"Jenny, Jenny po!" natataranta nyang sagot "Jenny Bautista!"

Biglang bumukas ang pinto ng kwarto. Pumasok ang guard na kanina'y naghahabol sa kanya. Laking gulat nya ng may kasunod na itong mga alagad ng batas. Nanlamig ang kanyang pakiramdam. Namuo sa kanyang isip ang kailangan ng mga pulis sa kanya. Hindi na sya nagulat ng biglang ikabit sa kanyang dalawang kamay ang malalamig na posas.

"Sir, sya nga po! Hindi po ako pwedeng magkamali!" wika ng tricycle driver na huling pumasok sa kwarto.

"Hindi ko sadya!! Patawarin nyo ko! Kailangan lang mabuhay ni Jenny!" pagmamaka-awa nya. Naging bingi ang mga ito. Nakuha sa kanyang bulsa ang iilang gamit na ng lalaking walang awa nyang pinaslang kanina. Napailing ang pulis bago sya nito inilabas ng kwarto.

"Ma'am pasensya na po sa abala," paumanhin ng naiwang pulis sa pasyente at sa nurse na nalilito pa din sa pangyayari.

"Okay lang po. Bago lang ako dito, kaya hindi ko masagot ang tanong nya."

"Halos isang buwan na pong hinahanap ng kanyang mga pamilya si Allan Bautista. Bigla nalang syang nawala noong namatay ang kanyang anak." paliwanag ng pulis. "Pasensya na po ulit, tutulak na kami pabalik ng station"

"Sandali ho, Sir! May dala na daw syang malaking halaga para sa operasyon ng kanyang anak" iniabot nito ang wallet na naglalaman ng malaking halaga, at ilang pagkakakilanlan ng may-ari.

Napailing na lamang ang pulis.

-end



image credit to orig uploader

2 comment/s:

Mafe Sumampong Garcia said...

so sad story.. nabaliw na pala sya.. :(

pinkline said...

although malungkot as usual ang galing na naman ng story... galing mo talaga idol..penge ngang konti!

Post a Comment