Puting Polo

"Maigi pa ang aso kahit pagtahol lang ang alam, eh may silbi! Ikaw, wala! Lumayas ka!!"

Ang paglalapat ng labi ng pinto sa aking kwarto ang nagbigay katahimikan sa ginagawang eskandalo ni Inay. Binuksan ko ang lumang dvd player para masapawan ang kanyang tinig. Inihanda ko ang aking sarili. Inilagay ko ang iilang gamit sa aking bag, at saka umupo para isuot ang aking sapatos. Tumayo ako ng deretso bago humarap sa salamin. Huminga ng malalim.

"Nasaan na kaya si Eunice?" wika ko sa sarili. Hinahaplos ang laylayan ng lumang puting polo na nakasabit sa bintana ng aking kwarto.

"Lumayas ka!! Layas!!!"


"Winston lights nga, dalawa." Inilapag ko ang iilang barya sa harap ng tindera na hindi nagbibigay ng tingin. "Paabot ng lighter," kahit hindi pa man nakakarating ang bisyo sa aking kamay.

"Bawal magtinda sa teenager!" masungit na sagot ng tindera.

Ininguso ko ang naunang suki, na sa tingin ko'y mas mababa pa ang edad keysa sa akin. "Eh, bakit sya? Bago ka ba?"

"Mukha lang yung bata. Kulang sa height," mailap na sagot ni Eunice.

Hinanap ko ang nakakababata nyang kapatid na madalas nakatoka sa kanilang sari-sari store, at madalas ding puno ng tira-tirang kendi ang paligid ng nguso. Wala sya. Sumakit siguro ang ngipin. Ang ate nyang nasa artistic level ang kasungitan ang tindera noong araw na yun.

"Bibisyo-bisyo wala namang trabaho, mabuti pa yung aso namin kahit paos napapakinabangan"

"Mabuti pang ikaw nalang ang napaos, kesa sa aso nyo. Mapapakinabangan ko pa ang katahimikan mo."

Childhood friend ko si Eunice. Naks! Sabay kaming lumaki kahit mas matangkad sya, pero ang attitude nya sa akin ay parang nakakatanda kong kapatid. Madalas nya kong pagalitan kapag may pagkakamali. Madalas nyang sabihing mag-aral daw akong mabuti, dahil magagamit ko daw iyon pagtanda. Nagtataka nga ako, kasi sabay lang nadadagdagan ang aming edad pero may view na sya agad ng pagtanda. Wala pa namang proof ng reincarnation, kaya duda agad ako.

Parehas din kami ng pinasukang eskwelahan mula grade school hanggang high school. Kaya kahit takpan ko ang aking mga mata, ay kabisado ko na kung saan sya biglang susulpot at mambabatok. Minsan natatakot na ang ilang barkada ko, dahil mas may kalakihan ang bicep nya kumpara sa akin. Pinandidilatan nya kapag alam na agad ang pupuntahan pagka-uwian. Palagi nya kong iniiwas sa gulo, at sinusumbong kapag tumatakas ng klase. Iniisip ko na lamang na sya ang ermats ko, at kailangan kong sumunod para hindi nya ikulong ang leeg ko sa kanyang bibiluging braso.

Naging parte na din ng pagbibinata ko ang tukso sa aming dalawa. Kesyo bagay daw kami at hindi malayong mahulog ang loob sa isa't isa. Tatawa lang sya, pero ako naiinis na. Yung mga binalak ko kasing ligawan noon ay hindi na natuloy. Palagi kasing naka-kontra kapag 'di nya gusto yung babae, lalo't mas maganda sa kanya. Nagawa ko pa ngang magtaas ng boses at magalit sa kanya, pero kapag lalaki ang butas ng ilong nya tumitiklop ako bigla. Naa-appreciate ko naman ang pagiging sideline-mommy nya sakin, 'di ko lang malaman kung bakit minsan parang sobra na.

Sa katagalan nagsawa na din sya, o naisip nyang may sariling isip na din siguro ako para timbangin ang mga tama't mali. Noong ikatlong taon namin sa high school, bibihira ko nalang syang makita. Kumpleto naman ang attendance pero kahit anino nya hindi ako ginambala. Nakakapanibago. Wala ng sisigaw sa akin kapag isisilid ko ang isang pakete ng pulboron sa canteen. Wala na yung tinig na madalas kong marinig kapag naabutan nya kong tumatalon sa kabilang bakod ng school para tumambay sa puno ng aratiles. Tanggap nya na sigurong matigas pa sa semento ang ulo ko, at makulit pa sa buni ang kapilyuhan ko.

Madalas nalang kaming magkita sa hagdan, corridor, o di kaya'y kapag maninilip ako sa cr ng mga babae. Ipinapakita kong gumagawa ako ng kalokohan, pero hindi ko man lang syang nakitang nagalit. Namimiss ko ang pagtutunggali ng dalawang kilay nya na epektibong nagtatanggal ng espiritu sa katauhan ko. Parang hindi na sya ang Eunice na kilala ko. Biglaan syang nagbago.

Kalahati na ang taon ng nawalan ako ng interes sa pag-aaral. Madalas na kong absent o di kaya cutting classes. Mas pinag-uubusan ko pa ng panahon ang pagsusulat ng excuse letter para sa mga piling klaseng trip ko na lamang pasukan. Sumabit sa iba't-ibang klase ng barkada. Natuto ng mga bisyo. Inuubos ko ang baong pera sa pag-inom o paglalaro ng arcade. Nagsawa na kong mag-aral. Wala pa sa dalawang buwan ang life style ko, nag drop out na ko.

"Ano? Pagbebentahan mo ba ko?" pangungulit ko kay Eunice.

"Manigas ka!" giit nya.

Tumawa ako ng malakas sa reaksyon nya. Noon ko lang ulit nakitang nagalit sya at pinagbawalan ako. "Matagal kong hinintay ang Eunice na yan"

Hindi nya napigilang mangiti sa sagot ko. Akala nya hindi ko napansin yun. Mabilis nya kasing sinubo ang ilang pirasong chichirya para itago. Kinuha kong muli ang baryang inilapag ko kanina sa kanyang harapan. Maingat kong ibinalik sa aking bulsa. Tumalikod ako at humakbang papalyo sa kanya. Hinintay kong pigilan nya ko, pero bigo. Binagalan ko ang aking hakbang para mapansin nya. Imbis na pigilan ay itinaboy nya pa ko.

"Wag mo ng bagalan, hindi kita pipigilan!"

"Hindi ako nagpapapigil, nagpapahabol lang," biro ko.

"Sa tingin mo hahabulin kita? Sa tagal ng panahon na kasama mo ako, wag mong sabihing hindi mo napansin, tapos ngayon ako pa ang gusto mong humabol sayo?" mahabang litanya nya.

"Kasalanan mo yan! Bakit hindi ka nagsabi? Gusto mo pang ipa-realized sakin ang importansya mo noong nilayuan mo ko? Pagtilaok lang ng manok ang kaya kong hulaan, hindi ang damdamin mo."

"Manhid ka kasi!"

"Inosente lang!"

Natigil lang ang palitan ng mga salita ng mapansin naming maraming usi na ang humihigop ng balita. Namula si Eunice. Napilitan akong umalis. Hindi ko na nagawa pang sabihin kung gaano ko sya ka-mahal, at kung paano binago ng pag-iwas nya ang pagkatao ko. Sayang ang pagkakataon. Pero masaya pa rin dahil naramdaman ko ang concern nya kahit hindi nya ipahalata. Kahit puno ng kahihiyan ay umaapaw ang ngiti saking labi habang naglalakad paalis. Sinubukan kong lumingon, kaso wala na sya. Napailing na lang ako.

"Lumayas ka!! Walang silbi! Walang kwenta!!" bulyaw ni Ermats ng buksan ko ang pinto ng kwarto. "Tignan mo si bantay! Tatahol yan kapag may akyat-bahay!!"

Maasim pa sa binuro ang kanyang mukha. Bitbit sa kaliwang kamay ang nakakalbong walis na sabik na sabik ihambalos sa pusa naming tumirador ng ulam. Bago pa sumpungin ng pagtaas ng dugo ay pinigilan ko na sya.

"Nay, pasok na po ako," sinalubong nya ko ng magandang ngiti. Pinagpagan pa ang laylayan ng suot kong lumang puting polo na basta ko na lamang iniwan noon.

"Mag-iingat ka! Mag-aral ng mabuti!" pahabol nya.

"Ay, hindi na po magbubulakbol yan!" nakangiting sagot ni Eunice na kanina pa pala nag-aabang sa may sala.

"Hatid mo ko?" sagot ko.

-end



-----

may ibon akong naririnig sa bintana ng kwarto ko, este namin. bigla tuloy akong natakot, makatulog na nga.

1 comment/s:

pinkline said...

kinilig ako dito :)

Post a Comment