Patay-Sindi

At ayun na nga.. Hiwalay na ulit kami ni Cielo. Kumpirmado na naman sa kanyang facebook account dahil sa status at siguradong dagsa na naman ang mga text messages na magtatanong kung anong nangyari. May magpapadala ng kani-kanilang linya na may pangsalba daw ng pusong warat, ways para maka-move on, pakikiramay, at siguradong mayroong isang magsasabing "tambak ang isda sa dagat." Pero hindi na bago sa amin ni Cielo ang break-up. Hindi bababa sa tatlong beses na hiwalayan sa loob ng isang buwan na tumagal ng apat na taon. Nakakasawa na nakaka-stress na nakaka-enjoy din minsan. Ni hindi ko na nga alam kung anong dahilan kung bakit kami naghiwalay nitong huli. Basta hindi na lang nagkasundo sa petsa ng date sa Quiapo.


"Tunaw na yung yelo," pang-aasar ni Ben kasunod ang mahinang siko. Panandaliang itinigil ang pag-a-ala-rockstar sa palyadong gitara, "Si Cielo?"

"Si Cielo?" ulit ko.

"Break ulit kayo?"

"Oo. Wala namang bago e!"

"Kailan ulit kayo on?"

"Baka bukas okay na," tinira ko ang natitirang adobong galunggong na pulutan "Pustahan bukas may text yun. Good morning muna tapos may kasunod."

"Galit ka pa ba?" maarteng sagot ni Ben na pilit ginagaya ang postura ni Cielo sa tuwing maglalambing ito sakin. Natawa na lang ako. Napakamot.


Parang switch ng ilaw si Cielo. Kapag naiinis laging cool-off ang sagot. Kapag nahimasmasan na at na'sa timing na ang neurons sa utak makikipag-on na ulit. Ang masama nito, palaging pundido. Hindi ko naman magawang maghanap ng iba. Hindi ko ugaling mag-invest sa iba kapag mahina ang kita sa sariling negosyo. Siguro, maaaring talagang mahal ko lang si Cielo at ang palagiang hiwalayan ay parang nakasanayang holiday sa Pinas na sobrang dami at hindi mo ine-expect na naulit na ulit. Minsan iniisip ko kung ano pa ba ang kulang para maiwasan ang ganitong siste.


Maaga akong nagpaalam kay Ben para umuwi ng bahay. Antok ang garatisadong excuse ko kahit na ang totoo ay gusto ko lang sadyain si Cielo sa kanila. Baka okay na sya. Baka maging okay na kami ulit. Baka wala na syang sapi. Baka lang.


Sumipa ang tama ng red horse ng makarating ako sa tapat ng kanilang bahay. Ang pagsablay ng aking mga paa sa hindi pantay na hagdan patungo sa kanilang pinto ay gumawa ng malakas na ingay. Alam kong nabulabog kung sino man ang nakarinig. Bumukas ang ilaw sa bintana kaya alam kong may nagising. Malakas ang paniniwala kong si Cielo dahil malabo ang kanyang Erpats na ginagawang kanin ang alak sa tuwing uuwi.

"Cielo!" sigaw ko.

"Cielo! I love you!" sigaw ko ulit na may nakakalokong tawa.

"Gabi na sigaw kapa ng sigaw!" tumambad sa likod ko si Cielo. Hindi nakapang-tulog. Hindi din naman naka-porma. Simpleng pambahay lang. Malamang kumain lang ng balut sa kanto.

"San ka galing? Kanina pa 'ko dito," wika ko na may halong lambing sa tinig.

"Kasama ko si Jenna. Birthday ng kapatid nya. Dumalaw lang ako." Alam kong hindi totoo. Kapag ganito ang estado ng relasyon namin, si Jenna agad ang unang pinupuntahan. Tulay namin dati na bestfriend nya na nauto ko para ligawan sya.

"Amoy alak ka. Si Ben na naman ang kasama mo," may lahok na tampo ang boses nya.

"Hindi ka nasanay? Alam mo namang si Ben lang ang nakaka-intindi sa mga problema ko."

"So bakit hindi nalang sya ang ipalit mo sakin? Tutal naman kayo nagkaka-intindihan 'di ba?"

"Cielo lalaki yun. Kung magiging babae yun mamamakla na lang ako."

"Bakit kasi hindi ako ang kausapin mo?"

"Nagte-text ako."

"Wala akong natatanggap!"

"Hindi pa ko tapos, check-op pala. Sending failed."

"Dyan ka magaling e! Para kang daga mahusay lumusot! Pwede ka ipalit kay Jerry."

"Kung magiging daga ako mas pipiliin ko si Mickey. At least pwede kitang maging Minnie."

"Ginamit mo na yang linya na yan, walang bago?"

"Yan din yung linya mo noon bago tayo magkabati ulit."

Corner. Checkmate. Dama! 


Kapag ngumiti na sya alam kong kami na ulit. Back to normal na naman ang lahat once na hindi na naman pantay ang tindig na kanyang mga paa. Animoy nang-eengganyong tindig. Balik na naman sa first step ang cycle. Restart ulit. Reboot. Refresh. Iisipin ko na naman kung hanggang kailan ang expiration. Minsan one week. Kapag may kasamang dalaw siguradong three days. Actually nasanay na ko. Sobra na ang immunity ko sa on and off na love life namin. Hindi na kailangan mag yakult.


Umuwi akong lumilipad sa hangin ang bawat hakbang. May matamis na ngiti sa labing pasipol-sipol pa habang tumatapik sa hita. Solve na naman ang problema ko. Sa paghiga, napagtanto kong mahal ko pala talaga si Cielo. Nalaman ko ding hindi ko kayang mawala sya. Sapat na sakin ang away, tampo, at cool-off kaysa gigising akong wala na palang Cielo sa buhay ko. Mas matitiis ko ang mataray nyang postura kapag galit kaysa habang buhay kong hahanap-hanapin ang kanyang pag-ismi. Mahal ko si Cielo. Makagawa man kami ng record sa guiness, mas ipagmamalaki ko iyon kesa magbilang ng basyo ng serbesa sa bawat gabi. Hindi sya isang ilaw na kaya kong i-off ng pangmatagalan.


Ginising ako ng isang tawag. Akala ko tinig ng boss ko sa taas ng tono. Nang mahimasmasan tsaka ko nalamang si Cielo. Mainit pa sa sikat ng araw ang kanyang ulo. Sa ganda ng panaginip ko nalimutan ko syang i-text bago matulog. Napasarap kaya napahaba ang paghihilik. Isa pa, sa dami ng nalimutan ko, anniversary pa pala namin kahapon.

At ayun na nga.. Hiwalay na ulit kami ni Cielo.


-End



*image credit to orig uploader
*pasingit ng mga kwento ko sa facebook wall mo pindot me!

2 comment/s:

Geosef Garcia said...

Nakakatuwa naman kayong dalawa. Aliw na aliw ako dito sa kwento mo. Sana nagkabalikan pa kayo ulit. :P

amphie said...

thank you po! lovelife po ng tropa ko yan sir :)

Post a Comment